Home

Ang Ulilang Lubos pt.3

Leave a comment

Sementeryo...

Unang Yugto
Pangalawang Yugto

Laking gulat ni Jeff nang malamang wala na ang kanyang ama. Napaluhod siya at nabitawan niya ang kanyang alkansiyang Nido… “Nutritious Milk for Growing Kids”. Hawak ang good morning towel na paborito ng kanyang ama, pinunasan niya ang kanyang mga luha at sipon na dumadaloy sa kanyang malapad na ilong.

Sa di kalayuan ay napansin siya ng isang nars. Nagtataka siya kung bakit umiiyak ang bata.

“Boy, bakit ka umiiyak?” Tanong ng nagtatakang nars.

“Wala na si tatay! Wala na siya! Huuuhuuu…” masuka-sukang sagot ni Jeff.

“Ah, ikaw ba ang anak ni Tasyo?… Wala na nga siya… inilipat na sa ward.” Natatawang sagot ng nars.

Natigilan si Jeff. Ang buong akala niya ay wala na ang kanyang tatay. Dali-dali siyang tumakbo patungo sa ward ng Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia Hospital habang hinahabol naman siya ng nars.

Sa ward 123 niya nakita ang walang malay at nakaratay na katawan ng ama.

“Boy, ako nga pala si Weng, ako ang nars na nag-alaga sa tatay mo habang wala pa siyang dumadating na kamag-anak”

“Maraming salamat po manong Weng. Tatanawin ko ho itong malaking utang na loob. Ano ho ba ang nangyari sa kanya?”

“Ang tatay mo, nadisgrasya!!!” Panghihimasok ni Ninong Orlando na bigla na lang sumulpot sa ward.

“Nahulog ang tatay mo sa escalator na pataas ang direksyon… kaya parang walang katapusan ang pagkahulog niya.” Nag-aalalang sagot ni Weng.

“Sa kasamaang palad, 15 minutos ang itinagal ng pagpagulong-gulong niya sa escalator… Mukhang nagkaron siya ng amnesia.” Dagdag pa niya.

“Ano ho yung amnesia?” Tanong ni Jeff, na sa tanang buhay niya ay ngayon lamang narinig ang salitang ito.

“Ehem… ehem… ehem… mawalang galang na ho Nurse Weng pero hayaan niyong ako na ang magpaliwanag sa bata.” Sambit ni ninong Orlando.

“Amnesia is a condition in which one’s memory is lost. The causes of amnesia have traditionally been divided into categories. Memory appears to be stored in several parts of the limbic system of the brain, and any condition that interferes with the function of this system can cause amnesia.”

Laking gulat ni Jeff ng marinig ang sinabi ng kanyang ninong Orlando. Bukod sa magaling magmaneho, ay mukhang matalino pa siya at namemorya niya ang depinisyon ng amnesia sa wikipedia.

“Ang ibig ho bang sabihin ay walang maaalala ang tatay ko?” naiiyak na tanong ni Jeff kay nars Weng.

Lumapit si nars Weng sa tabi ng kama ni Tatay tasyo para ayusin ang daloy swero nito… “Ang iyong ama ay nawalan memorya dahil sa pagkabagok ng ulo nito sa escalator ng maraming beses. Bagamat maari siyang makaalala ng ibang bagay, hindi natin masabi kung alin ang mga ito hanggat hindi siya nagkakaron ng malay. Sa panahong ito, siguro’y mas makakabuti na mamahinga na muna kayo. Stable naman ang kanyang kalagayan kaya hayaan niyo lang siya.”

“Maiwan ko muna kayo diyan, at tawagan niyo na lang ako sa intercom kung sakaling may kailangan ang pasyente.”

“O sige ho manong Weng. Maraming salamat po sa inyo.” Balik na sagot ni Jeff kay nars Weng habang ito ay lumalabas ng ward.

Lumapit si Jeff sa kanyang ama. marami itong mga pasa at sugat na natamo mula sa 15 minutos na pagkahulog sa escalator. Awang-awa siya sa sinapit ng ama. Dahil nais na rin niyang makapahinga ng tuluyan ang kanyang ama ay lumayo na siya at umupo sa isang tabi.

“Ninong Orlando, magpahinga na po kayo at ako na lang po ang magbabantay kay tatay hanggang bukas.” Pakiusap ni Jeff sa kanyang ninong.

“Totoy, ikaw ang magpahinga na, ako na lang ang magbabantay sa tatay mo at gigisingin kita pag nagkamalay na siya. Nakapahinga naman ako sa biyahe dahil matagal-tagal din akong nakatulog.” Sagot niya kay Jeff…

“Paano ho kayo natulog sa biyahe eh kayo ang nagmamaneho ng tricycle? Malaking pagtataka ni Jeff.

“Secret.” Sagot ni ninong Orlando.

Itutuloy…

Ang Ulilang Lubos pt.2

2 Comments

May liwanag ang buhay -Meralco

Bago tunghayan ang karugtong ng kwento ng buhay ni Jeff, basahin muna ang unang bahagi ng kwentong ito dito.

Ikalawang yugto

Nabitawan ni Jeff ang tatlong manggang tangan niya nang siya’y bumaba ng puno. Nawala ang kanyang gutom at gumulo ang kanyang isipan.

“Sino ho ba kayo at  ano po ang nangyari kay itay?” Sambit ni Jeff habang nanginginig ang kanyang boses.

“Ako si Orlando, ninong mo ako. Ang tatay mo, nadisgrasya!!!” Ang nakakagulat na sagot ng misteryosong lalaki.

“Ako ho si Jeff, ikinagagalak ko po kayong makilala kahit ang hatid ninyo ay masamang balita. Ano ho ang nangyari kay itay?” Gulat na tanong ni Jeff.

“Ang tatay Tayso mo! Diyos ko po! Nadisgrasya! Dinala sa ospital!!!” Sagot naman ni Orlando habang kumukumpas pa ang kamay na parang kasali sa isang oratorical contest.

Dagliang tumakbo si Jeff papasok sa kanilang munting kubo at hinablot ang kinakalawang niyang alkansya ng Nido… “Nutritious Milk for Growing Kids”. Kumuha rin siya ng ilang damit na pamalit ng kanyang ama at dali-daling tiniklop ang paboritong nitong Good Morning towel.

Sumakay si Jeff sa tricycle ng kanyang “Ninong”. Sa kabilang bayan pa ang ospital kaya kinuha niya ang pagkakataong iyon para subukang bilangin ang laman ng kanyang alkansya. Pinaharurot ni Orlando ang kanyang tricycle sa bilis na 30km/h, animo’y isang naghihingalong kabayo ang kanyang tricycle. Sabay sa tugtuging “Moves Like Jagger” ng dumadagundong na sound system ng tricycle ni Orlando, pilit kinekwenta ni Jeff ang kanyang munting ipon habang nagdarasal na sana’y magkasya ito sa pangangailangan ng ama.

Magaling magmaneho si Orlando kahit mabagal ang kanyang tricycle. Ang tanging kinatatakutan niya sa kalye ay ang multo sa tulay na kung saan ay dapat siyang bumusina upang hindi umangkas ang white lady sa kanya ng libre. May mga pagkakataon na matapos niyang bumusina, nagiiwan ng P20 ang white lady na umaangkas sa kanyang matuling tricycle.

Makalipas ang ilang sandali, natapos ni Jeff ang kanyang pagbibilang. Ikinagulat niya na sa paunti-unti niyang pag-iipon, nakalikom siya ng P8,888. Biglang pumasok sa kanyang isipan ang pagsali sa mga multi-level marketing business. Naglaro sa isipan niya ang mga salitang “Extra-income, tseke, pairing bonus, cash out, at Power”. Ang P8,888 ay pwede na niyang gamitin para sa ikauunlad nilang dalawa ng kaniyang ama, ngunit naisip din niya na mas kailangan ng kanyang ama ang pera sa panahon ngayon lalo na’t siya’y nadisgrasya.

Naiinip na si Jeff sa malayong biyahe na kanilang tinatahak. Naisip niyang magtanong kay Orlando kung paano niya naging ninong ito, gayong ngayon lamang niya ito nakita.

“Paano ko ho ba kayo naging ninong gayong ngayon ko lang kayo nakita?” Tanong ni Jeff.

“Ano kamo iho?, hindi kita marinig.” Balik ni Orlando.

“Paano ko ho ba kayo naging ninong gayong ngayon ko lang kayo nakita?” Tanong ulit ni Jeff.

Hininaan ni Orlando ang volume ng kanyang sound system sa tricycle na kasalukuyang nagpapatugtog ng “Cemetery Gates” ng Pantera.

“Paano ko ho ba kayo naging ninong gayong ngayon ko lang kayo nakita?” Pangatlong ulit na tanong ni Jeff.

“Isa akong dating OFW, matagal akong nagtrabaho sa Czechoslovakia. Kababata ko ang tatay mo.” Sagot naman ni Orlando.

Hindi na kinausap ni Jeff si Orlando matapos ang tanong niyang iyon. Pakiramdam niya’y nadidistract ang kanyang ninong Orlando pag kinakausap niya habang nagmamaneho.

Malapit nang mag alas-diyes ng gabi ng marating nila ang Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia Hospital. Ang may ari ng ospital na ito ay si Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia, ang pinakamayamang negosyante sa kanilang probinsya. Sadyang napakayaman ng kanilang angkan dahil ang kanyang lolo na lahing kastila na si Don Arnulfo Miguel Escobar Perpecto Cortez del Castro ang nakahukay ng treasure ni Yamashita kasama ang kanyang asawang tsino na si Li Hwa. Sa sobrang yaman nila, hindi mo maaarok ang kanilang ari-arian. Magmumukhang pulubi si Princess Sarah at ang kanyang mina ng mga diyamante. Magmumukhang batang kalye lang si Richie Rich.

Hindi pa man humihinto ang tricycle, sinabihan na agad ni Orlando si Jeff ng “Otoy, bumaba ka na dito at puntahan mo ang tatay mo. Ibibigay ko lang itong susi ng tricycle ko sa valet parking attendant at susunod na ako sayo, bibili lang din ako ng taho latte para makakain ka”.

Bilis-bilisang bumaba si Jeff sa tricycle. Sa kanyang pag takbo, naiwan pa niya ang kanyang mga tsinelas na Rambo. Hindi na ito binalikan ni Jeff, sabik na siyang makita ang kanyang ama at ang kalagayan nito.

Tumakbo siya sa emergency room ng Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia Hospital ngunit…

.

.

.

Wala na ang kanyang ama…

Itutuloy…

[Otistik] May sariling mundo

2 Comments

Alipin

Isang mundong ginagalawan
Isang dikit dikit na paraiso
Isang teknolohiyang hindi makabago
Isang hindi malaman kung totoo

Malaki ito at masalimuot
Malawak at maraming sulok
Hindi maitigil ang pagtutok
Bihag ng sakit sa batok

Hindi na alam ang gagawin
Kung wala ito’y halos mabaliw
Nahihirapan nang paghiwalayin
Ang totoo laban sa kathang isip natin

OO, ikaw ay alipin…
Hindi sa droga, hindi sa alak at hindi sa bisyo
Ikaw ay bihag at alipin
Ng teknolohiyang kung tawagin ay…

INTERNET!

Woot!

Kailan kaya magkakaron ng tamang salitang tagalog para sa Internet?

Hmmm… Ang post na ito ay para sa mga taong hindi na mapaghiwalay ang katotohan sa kathang isip lamang at para sa mga taong hindi mahimay na hindi lahat ng nakakasalamuha nila sa internet ay tanga at nagpapaloko. Gising kapatid. Wala sa internet ang totoong mundo… Nasa Atari* haha!

Nakakabugnot dito sa office 😦

Paliwanag tungkol sa Atari:

Para sa mga hindi nakakaalam…

*Ang Atari ay isang elektronikang laruan na ikinakabit sa telebisyon. Upang makapagliwaliw sa walang humpay na kaligayahan, dapat ay gamitin ang isang istik na may pindutan. Ito ang isa sa pinakamatandang uri ng video game console. Hindi ko na ito naabutan, siguro si Bro. Utoy at si Bluep naabutan pa to, matanda na sila eh! hahaha!

Ang Ulilang Lubos

7 Comments

Alamat ng Mangga

Alamat ng Mangga

Gabi habang malakas ang hangin sa labas at ang langit ay nagbabadyang umulan ng umalis si Jeff sa eskwela. Inabutan siya ng munting ambon habang naglalakad papauwi na naging dahilan kung bakit naging putikan ang kanyang mga paa. Mahirap lang si Jeff, hindi na kailangan ng ano pang paliwanag upang makita sa hitsura niya ang kanyang kalagayan.

Ulila sa Ina si Jeff. Namatay ang kanyang ina noong siya ay isinilang. Ito rin ang pinakamabigat na dahilan kung bakit malaki ang galit ng kanyang ama sa kanya.

Malalim na ang gabi bago siya nakarating sa kanilang bahay at kahit na ambon lang ang kanyang sinugod ay basang basa siya dahil sa 20 Kilometrong layo ng kanyang nilakad. Pagod na si Jeff at nais nang magpahinga, hahayaan na lang ang kumakalam na sikmura dahil wala rin namang makakain sa kanilang bahay. Wala ang kanyang ama sa kanila, at mukhang hindi na uuwi ng gabing iyon.

Iniayos ni Jeff ang munti niyang papag upang makahiga na, wala nang panahon para mag-aral at masyadong madilim ang aandap-andap na lamparang nagsisilbing ilaw sa buong bahay, wala rin namang pasok kinabukasan dahil Sabado. Mahirap lang ang buhay ni Jeff, ngunit siya ay matalino. Ilang araw na lang at nalalapit na ang kanyang ika 11 kaarawan, sabik na siyang regaluhan ang sarili ng bagong pantalon na maiisuot niya sa paaralan. Pagkabangon niya sa kama ay naisip niyang kunin ang kanyang alkansya upang madama niya ang bigat nito.

“Magkano na kaya ang laman ng alkansya ko?” Sambit ni Jeff sa kanyang sarili habang inaalog at pinapakalansing ang bawat baryang laman ng alkansyang gawa sa lumang lata ng Nido. Solo sa bahay si Jeff, wala pa rin ang kanyang ama. Ang tanging kasama niya ay ang lumang transistor radio na nakatutok sa Am radio. Walang ibang tunog na masasagap kundi ang malabong boses ng nagkokomentaryo tungkol sa bulok na sistema ng pamahalaan. Walang pakialam si Jeff, ang nais lang niya ay may marinig siyang boses para hindi niya maramdaman na nag-iisa lamang siya.

Dahil walang ibang pagkain, naisip ni Jeff na manguha na lang ng prutas sa puno ng mangga sa labas ng kanilang bahay, mainam na rin na panawid gutom lalo na’t wala ka namang ibang pagpipilian.

Habang nasa ibabaw ng puno ay narinig niya ang tinig ng isang lalaki…

“Jeff?” Pasigaw na sambit ng lalaki sa may di kalayuan.

“Antay lang ho at bababa ako ng puno” tugon ni Jeff sa lalaking ngayon lamang niya nakita.

Malapit na si Jeff sa paanan ng puno ng dumungaw sa bakuran nila ang lalaki.

“Iho, ikaw ba si jeff na anak ni Tasyo?”

“Ako nga po… ano po ang…”

Agad sumabat ang lalaki at sinabing “Sumama ka sakin Iho at ito ay importante, ang ama mo… nadisgrasya!”

Nagliparan ang mga ibon sa paligid na tila ba’y natakot sa balitang hatid ng misteryosong lalaki.

Itutuloy…

[Lifeline] Bakit callcenter?

1 Comment

Unang Yugto

[Beep] Thank you for calling [insert company name here] My name is [insert name here] how may I help you?

Karaniwang opening spiel sa isang call center. Ang trabaho na kinamumuhian ng iba. Pinandidirihan. Kinasusuklaman. Corny daw… until dumating na ang araw ng sahod. 😀 haha!

Pero gaya ko na naging isang Tech support agent dati, alam ko kung ano ang hirap at pagod ng isang call center agent. Karaniwang sinasabi ng mga tao na “madali lang yan, sisiw yan.” Sa makatuwid, kung talagang sisiw ang pagiging agent eh bakit ka nagtiyatiaga sa office life mo na ang sahod ay pang isang kinsenas lang namin? Bakit hindi ka mag call center upang malaman mo na hindi ganun kadali gaya ng mga nakikita mo sa mga larawan. Utak at boses ang puhunan, samahan mo pa ng isang dakot na pasensya.

Noong bagong graduate ako sa kolehiyo, itinaga ko sa bato na hinding-hindi ako tutungtong sa opisina ng callcenter. Buo ang loob ko na ang tatahakin kong daan ay sunod sa kurso kong BS Tourism. Ayoko ng callcenter. Ngunit ang lahat ay nagbago ng isang araw ay may natanggap akong tawag.

2 linggo pa lang ang nakalilipas ng ako ay magtapos sa eskwela (Octoberian), kasalukuyan akong naliligo ng biglang tumunog ang aking telepono. Hindi ko ito sinagot dahil mababasa at malaki ang tsansang masira. Pinabayaan ko lang. Paglabas ng banyo ay saka ko nakita na numero ito ng sa Manila. Hmm… nagtaka ako.

Hindi pa ako nakakapagbihis ay tumawag siya ulit. Sa kabilang linya ay narinig ko ang boses ng isang babae.

“Is this (my real name)?”

“Yes it is, who am I talking to?”

“My name is (someone) I’m from ACS and I’ll be doing a phone interview.”

“Phone interview? can you call me in 5 minutes? I just have to get some clothes on. I’m freezing.”

“That would be fine, I’ll call you back in a few minutes.”

Anak ng tipaklong, ipinasa pala ng kaibigan kong si PJ ang resume ko sa kanilang opisina. Hindi pa sana ako handa magtrabaho kasi kakagradweyt ko pa lang at nais ko sanang abutan pa ang pasko.

Tumawag ulit ang mabait na binibini at ininterview ako sa phone. Pumunta daw ako ng makati for final interview.

Unang totoong job interview ko sa buhay ko. May job interviews naman ako para sa OJT dati pero hindi ko naman yun sineryoso.

Sa unang job interview ko, itim na shirt na may bungo, chuck taylor na butas at cargo pants ang suot ko. Ano bang paki nila eh call center nga eh! hahaha!

Katabi ko sa lobby ang mga matitikas kong katunggali. Bihis na bihis at mabango. Maayos ang pagkakaupo at tila kinakabahan sa interview. Ako naman ay walang pakialam, matanggap o hindi, magpapasko pa rin ako sa bahay. “Win-win situation” walang regrets.

Natapos ang araw na iyon ng matiwasay. Tanggap ako sa trabaho. Unang totoong trabaho ko ay ang pagiging isang call center agent. Kinain ko ang salita ko na hindi ako tutungtong sa ganitong kumpanya.

Moral lesson ng unang yugto?

Maging praktikal sa buhay. Huwag matakot sumubok ng ibang larangan bukod sa natapos na kurso.

Sa pangalawang yugto matutunghayan ang pagpapatuloy ng aking munting karanasan… 🙂

[Tanong] Sagot…

1 Comment

Hindi ako tisoy, lasing ako niyan. Kung tingin mo sakin ay tisoy, ikaw ang lasing ngayon.

Hindi ako tisoy, lasing ako niyan. Kung tingin mo sakin ay tisoy, ikaw ang lasing ngayon.

Ang buhay ng tao ay parang isang malaking libro, ang bawat pahina ay punong-puno ng kwento at ang bawat kabanata ay isang malaking surpresa. Minsan ay naiisip ko na sana’y maaaring balikan ang nakaraan. Upang maitama ang mali, maiwasan ang hindi naman dapat, at maituwid ang baluktot na yugto ng buhay ko.

Hindi ko lubos maisip ngayon na pag lumilingon ako sa nakaraan ay puro panghihinayang, at masasakit na pangyayari ang naganap sa aking buhay. May mga pagkakataon naman na nais kong isipin na siguro ay nagakataon lang ang mga iyon. Sinabi ng lahat na sa kamatayan, doon mo makikita ang lahat ng katotohanan.

Kung totoo bang may diyos? totoo bang may kaluluwa? totoo bang may reincarnation? totoo bang hindi magkakakilala ang mga tao sa langit? totoo bang may makikitang tunnel off light? Mahal ba talaga ang magpalibing? Investment nga ba ang mamahaling kabaong? Totoo kayang may impyerno? Gaano kabigat ang mga hatol sa akin kung totoong may huling paghuhukom? Pwede kayang kumain ng popcorn habang nanunuod ng flashback ng buhay ko?

Sabi nila, nakaguhit na sa kapalaran ang ating kinabukasan. At kahit ano daw ang gawin mo ay hindi mo kayang labanan ang kapangyarihan ng “destiny” ang buhay mo na nagdadala sa akin sa puntong “bakit kailangan ko pang magpagod at magpakahirap kung ang kinabukasan ko naman ay nakasulat na?”

Ito ang mga halo-halong seryoso at kalokohang nasa isip ko ngayon:

Mapalad daw ang mga bingi, wala silang naririnig na masama galing sa kanilang kapwa. Maswerte daw ang mga pipi, hindi sila nakakapagsalita ng mga bagay na makakasakit sa kanilang kapwa.

Mapalad daw ang bulag, hindi nila nakikita ang hirap sa mundong ibabaw at hindi nila nakikita ang masamang ginagawa ng kanilang kapwa.

Masarap maging bata, ang lahat ay madali, ang lahat ay simple. Ang lahat ay nagiging mahirap pag nawala na ang pagka-inosente.

Mapalad ang mga mahihirap na nagsusumikap, mas nararamdaman nila ang bunga ng kanilang mga pinaghirapan.

Maswerte ang mga pinanganak na nakakaangat sa buhay, ang kailangan na lang nila ay panatilihing nakatungtong ang dalawa nilang paa sa lupa.

Mapalad ang mga lasing, nakakalimutan nila kung magkano ang nagastos nila at sino ang pina-utang nila noong panahong sila ay wasted.

Maswerte ang mapag-impok, sa panahon ng kagipitan, sila ay may madudukot.

Mapalad ang mga totoong tao, mas nagiging totoong mundo ang kanilang ginagalawan.

Masarap ang lechong paksiw, lalo na kung may mang tomas na nakahain.

Maswerte ang mga may pananalig sa diyos, magunaw man ang mundo, mayroon pa rin silang isang makakapitan.

Mapalad ang mga baliw, hindi sila mahusgahan agad sapagkat hindi nila alam ang kanilang mga ginagawa.

Masarap ang magmahal, masarap din ang mahalin. Ngunit wala nang sasarap pa sa pagmamahal na walang hinihinging kapalit. (Love pautang! haha!)

Mapalad ang mga binigyan ng pangalawang buhay, nabigyan sila ng pagkakataong namnamin ang sarap ang natitira nilang araw sa mundo. Buti sana kung video game ka swerte mo na kung ma-30 lives mo! wag lang sana ma “game over”.

Magulo ang utak ng isang mixglorioso, naniniwala din akong trillions na braincells ko na ang nawala simula nang matuto ako manigarilyo. Kung maibabalik ko ang kahapon at hindi ko na pinagaralan ang magbisyo. Mas marami kaya akong mas may katuturan na naiisulat?

Kung ang lahat kaya ng ipinamasahe ko sa buong buhay ko ay maiipon, may kotse na kaya ako ngayon?

Magkano na kaya ang nahulog na pera mula sa aking bulsa simula noong nakahawak ako ng pera? Malamang konti lang kasi wala naman akong pera… baryabols lang.

Kung hihingan ko ng Piso ang buong populasyon ng pinas, magkakaron ako ng P90.5 million. Uuwi na ako ng pinas at magpapakasal. Bibili ng private island at maliligo ako doon ng hubad… tandaang malaki ang pagkakaiba ng “hubo” sa “hubad” hehe!

Ilang taon kaya ako mamamalagi sa Dubai? kelan kaya ako makakalipat nng ibang bansa. Gusto ko sana sa Acapulco, kaya lang magaganda ang katawan ng mga tao dun. Magmumukha akong obese.

Ang tanong kung saan may sigurado akong isasagot ay eto: Mahaba na ba ang post ko? OO! magtrabaho ka na!

Mga tulang sariling likha (pt.3)

4 Comments

“Tibok”

Sa bawat landas na aking tinahak
Binibilang ang hakbang at mga yapak
Nagdarasal na sana aking makamtan
Kaligayahang aking inaasam-asam

Bawat tibok ng puso’y aking sinundan
Kahit hindi alam ang kahihinatnan
Parang bulag na nasa kadiliman
Kaunting sulyap ay pinagkaitan

Ngunit sa dulo ay mayrong liwanag
At ang pag-asa ay maaaninag
Walang pagsubok na ‘di malalampasan
Dahil puso ang sinunod makita ka lamang

Older Entries

%d bloggers like this: