Home

Ang Ulilang Lubos pt.3

Leave a comment

Sementeryo...

Unang Yugto
Pangalawang Yugto

Laking gulat ni Jeff nang malamang wala na ang kanyang ama. Napaluhod siya at nabitawan niya ang kanyang alkansiyang Nido… “Nutritious Milk for Growing Kids”. Hawak ang good morning towel na paborito ng kanyang ama, pinunasan niya ang kanyang mga luha at sipon na dumadaloy sa kanyang malapad na ilong.

Sa di kalayuan ay napansin siya ng isang nars. Nagtataka siya kung bakit umiiyak ang bata.

“Boy, bakit ka umiiyak?” Tanong ng nagtatakang nars.

“Wala na si tatay! Wala na siya! Huuuhuuu…” masuka-sukang sagot ni Jeff.

“Ah, ikaw ba ang anak ni Tasyo?… Wala na nga siya… inilipat na sa ward.” Natatawang sagot ng nars.

Natigilan si Jeff. Ang buong akala niya ay wala na ang kanyang tatay. Dali-dali siyang tumakbo patungo sa ward ng Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia Hospital habang hinahabol naman siya ng nars.

Sa ward 123 niya nakita ang walang malay at nakaratay na katawan ng ama.

“Boy, ako nga pala si Weng, ako ang nars na nag-alaga sa tatay mo habang wala pa siyang dumadating na kamag-anak”

“Maraming salamat po manong Weng. Tatanawin ko ho itong malaking utang na loob. Ano ho ba ang nangyari sa kanya?”

“Ang tatay mo, nadisgrasya!!!” Panghihimasok ni Ninong Orlando na bigla na lang sumulpot sa ward.

“Nahulog ang tatay mo sa escalator na pataas ang direksyon… kaya parang walang katapusan ang pagkahulog niya.” Nag-aalalang sagot ni Weng.

“Sa kasamaang palad, 15 minutos ang itinagal ng pagpagulong-gulong niya sa escalator… Mukhang nagkaron siya ng amnesia.” Dagdag pa niya.

“Ano ho yung amnesia?” Tanong ni Jeff, na sa tanang buhay niya ay ngayon lamang narinig ang salitang ito.

“Ehem… ehem… ehem… mawalang galang na ho Nurse Weng pero hayaan niyong ako na ang magpaliwanag sa bata.” Sambit ni ninong Orlando.

“Amnesia is a condition in which one’s memory is lost. The causes of amnesia have traditionally been divided into categories. Memory appears to be stored in several parts of the limbic system of the brain, and any condition that interferes with the function of this system can cause amnesia.”

Laking gulat ni Jeff ng marinig ang sinabi ng kanyang ninong Orlando. Bukod sa magaling magmaneho, ay mukhang matalino pa siya at namemorya niya ang depinisyon ng amnesia sa wikipedia.

“Ang ibig ho bang sabihin ay walang maaalala ang tatay ko?” naiiyak na tanong ni Jeff kay nars Weng.

Lumapit si nars Weng sa tabi ng kama ni Tatay tasyo para ayusin ang daloy swero nito… “Ang iyong ama ay nawalan memorya dahil sa pagkabagok ng ulo nito sa escalator ng maraming beses. Bagamat maari siyang makaalala ng ibang bagay, hindi natin masabi kung alin ang mga ito hanggat hindi siya nagkakaron ng malay. Sa panahong ito, siguro’y mas makakabuti na mamahinga na muna kayo. Stable naman ang kanyang kalagayan kaya hayaan niyo lang siya.”

“Maiwan ko muna kayo diyan, at tawagan niyo na lang ako sa intercom kung sakaling may kailangan ang pasyente.”

“O sige ho manong Weng. Maraming salamat po sa inyo.” Balik na sagot ni Jeff kay nars Weng habang ito ay lumalabas ng ward.

Lumapit si Jeff sa kanyang ama. marami itong mga pasa at sugat na natamo mula sa 15 minutos na pagkahulog sa escalator. Awang-awa siya sa sinapit ng ama. Dahil nais na rin niyang makapahinga ng tuluyan ang kanyang ama ay lumayo na siya at umupo sa isang tabi.

“Ninong Orlando, magpahinga na po kayo at ako na lang po ang magbabantay kay tatay hanggang bukas.” Pakiusap ni Jeff sa kanyang ninong.

“Totoy, ikaw ang magpahinga na, ako na lang ang magbabantay sa tatay mo at gigisingin kita pag nagkamalay na siya. Nakapahinga naman ako sa biyahe dahil matagal-tagal din akong nakatulog.” Sagot niya kay Jeff…

“Paano ho kayo natulog sa biyahe eh kayo ang nagmamaneho ng tricycle? Malaking pagtataka ni Jeff.

“Secret.” Sagot ni ninong Orlando.

Itutuloy…

[Weekend Post] May ngipin ang batas!

4 Comments

Ang weekend sa Gitnang silangan ay Biyernes at Sabado, Linggo ang simula ng Linggo (ang gulo! waa!) kaya [Weekend Post] ang itatawag ko sa mga post ko na isusulat tuwing weekend.

Isang linggo na ang nakalipas ng pumutok ang balita sa aming opisina na ang aming kumpanya ay inaatake ng aming mga kalaban. Sa madaling salita, parang GMA7 at ABS-CBN.

Nagtatrabaho ako sa isang publishing company dito sa Dubai, Halos karamihan ng makikita mong magazine sa mga grocery, book store, at convenient store ay sa kumpanya namin galing, in other words, parang “SUMMIT MEDIA” sa pinas kung saan sila ang naglalabas ng FHM, Cosmopolitan, Hi!, Ok!, T3, Candy, Smart Living, Entrepreneur etc.

Kaunting butas lang ang masilip ay tiyak na masisira ang reputasyon ng kumpanya, at yan naman ang butas na pinalaki ng aming mga kakumpetensya.

May ngipin ang batas dito sa Dubai, at hindi uso dito ang magbigay sa pulis ng “pampadulas” para makalusot sa atraso.

Isa sa mga batas na mahigpit na ipinagbabawal dito ay ang “sex before marriage.” Kung sa Pinas yan, tiyak na marami nang nakakulong at taon-taon ay may nakalaan nang pondo ang gobyerno (kung hindi makukurakot) para magpagawa ng karagdagang pasilidad.

Isa sa aming kaopisina ang nahuling nakikipagtalik sa dalampasigan ng Jumeira. Babae siya, isang briton. Nakainom ng alak, nakakilala ng lalaki, naginit ang katawan at hindi napigilang magkasala, hindi lang sa mata ng diyos, kundi pati sa batas ng tao. Nang pumutok ang balitang yan, maugong ang naging bulong-bulungan sa office. Media daw kasi kami at dapat kami ang naunang sumunod sa batas. Pangalawa, bihira ang ganyang mga balita dito. Dito kasi, ang bad news ay hindi masyadong nailalabas. Maririnig mo na lang sa ibang kababayan ang mga masamang balita, kung meron mang todo ng sama ng balita ay saka lang naiilathala sa pahayagan.

Wala pa akong isang buwan sa aking trabaho… medyo naguguluhan na ako. Ang aking tanong, dapat bang saluhin ng kumpanya ang pagkakamali ng isa nitong empleyado o isa ba itong personal na atake ng kalaban namin sa industriya? Ito ba ay katulad ng sinasabi noong araw sa school na wag kang pupunta sa beer house, kabaret, bilyaran, karerahan ng kabayo, bidyuhan etc. na suot ang uniporme mong pang eskwela? Hmmm… hahayaan kong kayong mga taga-basa ang humusga.

[Paalam Kababayan…]

Sa loob ng linggong ito, may 3 Kababayang Pinay ang namatay dahil sa isang malagim na aksidente sa kalye. Nagtatrabaho sila sa Ritazza cafe, umuwi gamit ang service vehicle ng kumpanya nang sinapit ang hindi inaasahan. Sa Lahat ng kamag-anak at mahal sa buhay ng 3 nating kababayan, ako ay nakikiramay.

[Moving on…]

Kanina lang narinig ko ang balita na 10 kababayang Pinoy ang “NAKAKAHIYANG” nahuli habang nagpa-pot-session… Hindi ko alam kung maaawa ako sa kanila dahil sasaluhin nila ang bigat ng kaparusahan o matatawa dahil sa katangahan na ginawa nila. Ito ang dahilan minsan kung bakit ang baba ng tingin ng ibang lahi sa mga pinoy.

Nakasagap din ako ng balita na may isang bangkay ng Pinoy ang natagpuan sa basurahan. Malamang ito ay hindi mapapalathala sa diyaryo o mapapanuod sa TV dahil ito ay “bad news” hindi ko rin alam kung ito ay isang exaggeration lang. Hindi kumpirmado ang balitang ito, pero yan ang aking narinig.

May ngipin ang batas sa Dubai… at ayaw kong makagat nito.

Ang Dubai na siguro ang isa sa pinaka-open na lugar dito sa gitnang silangan, pwedeng mag-inom (sa mga hotels) or pwedeng magpadeliber ng patago. May mga mabibili din na karne ng baboy at hindi gaanong istrikto sa pananamit. Pero kahit na binibigyan ng ganitong kalayaan ang mga naninirahan dito, huwag sana nilang kalimutan na ito ay isa pa ring Islamic country. Igalang natin ang kanilang kultura at relihiyon gaya ng gusto nating gawin nila sa atin.

Eto Ang Sayo Presents: Isang Daan na! Sampung Libo Pa!

19 Comments

Una sa lahat, maraming sa lamat sa lahat ng bumibisita sa aking blog kahit na medyo namahinga ako sa pagsusulat sapagkat kailangan kong maghanap muna ng trabaho. Mahirap, nakakapagod, nakakaduling, nakakagutom, nakaka-irita, nakakapraning… yan ang mga nararamdaman ko habang naghahanap ng trabaho, at sa kadahilanang nangako akong hindi magsusulat hanggat hindi nakakahanap ng trabaho na uukit sa aking kinabukasan dito sa Dubai, tiniis ko ang pangangati ng aking mga daliri upang isulat sa blog ko ang aking saloobin, nararamdaman, kalokohan at pang araw-araw na adventure.

Sa makatuwid, may trabaho na ako, at mukhang mag-eenjoy ako bilang isang web content executive ng isang malaking magazine publishing company dito sa Dubai.

Ika-100 post ko ito, at nagkataon din na pumasok ngayong araw na ito ang ika-10,000 bisita ng aking blog, sayang lang sapagkat nanalo sana siya ng iPod kung nagpakilala siya at nag-iwan siya ng comment na siya ang bumuo ng aking ikasampung libong bisita. hehe! Noong ika-19 din ng Hunyo ay 4th month Birthday na ng Eto Ang Sayo! yahoo!

Natutuwa rin ako dahil maraming nagreact sa Last post ko, Buti pa kayo, naririnig ninyo at naiintindihan ang nais kong iparating, eh siya hindi, hindi nga ata niya alam na may blog ako eh! hahahaha! natutuwa ako pag nababasa ko ang inyong mga komento, kung pwede lang ay hihilingin ko sana na “i-spam” ang kanyang e-mail ng link sa post kong yon, ngunit iyon ay isang krimen sa mundo ng internet, at baka ma-violate ko ang kanyang privacy.

Ano ang “bago?” at ano ang mga susunod na “plano?”

  • Una, Salamat sa idea ni bluepanjeet at sa pagtuturo niya sa akin ng kabutihang asal upang ipagpatuloy ang aming munting misyon ng pagpapakilala sa mga newbie na tulad ko sa mundo ng blogosphere, magkakaron na ng bagong batch ng newbies corner at kung newbie ka at nais mo ng isang banner na may link papunta sa iyong blog gaya ng nakikita mo diyan sa tabi ng screen mo, ay mag-iwan lang ng link sa pahinang ito. Ito ay munting tulong lang na ibinabalik ko dahil minsan ay naging “newbie” rin ako. 🙂
  • Pangalawa, inaanyayahan ko ang lahat ng mga manunulat, blogger, o blagista na taga Quezon na sumali sa “Kabataq” madali lang ang pagsali at sadyang ikagagalak ka naming makasama sa aming munting samahan. Kung nais sumali, ay puntahan mo lang ang link na ito o pindutin mo lang ang napakagandang logo na matatagpuan sa tabihan. Hindi na kailangang lakipan ng 3 pirasong balat ng tide, lagdaan, at ihulog sa pinakamalapit ng drop box ang inyong registration form, ang kailangan lang ay 3 minuto ng iyong oras (depende sa bilis mong mag-type).
  • Pangatlo, sisimulan ko na ang aking self-hosted na blog 2-3 buwan mula ngayon. Gusto ko lang munang tutukan ang aking trabaho at magsanay, para kahit may trabaho ako ay hindi na magiging “hassle” sakin ang mag manage ng 2 blog, Ang “Eto Ang Sayo!” at ang “????.com” na wala pang pangalan hanggang ngayon dahil masusi ko pang iniisip ang magiging domain name ng aking “OFW centered” blog na ang mga detalye at nilalaman ay akin ding sinasaliksik upang maging mas “useful” ito sa mga magbabasa.
  • Pang-apat, Magkakaron ng iba’t-ibang surpresa sa self-hosted kong blog, pati na rin ang “Eto Ang Sayo” maaaring ito ay sa pamamagitan ng cake, clown, bulaklak, pritos ring, chocnut o papremyo na ipapadala ko sa mananalo. 🙂 hehehe! Abangan…
  • Panglima, bago na ang aking header picture na kanina lang kinunan, siyempre dapat mukhang nag-iisip ako at nagpapaka-emo pero sa totoo lang, pinagpapraktisan lang ako na kuhanan ng litrato.

Sa ngayon, yan pa lang ang naiisip kong mga plano sa maliit na pitak kong ito… Dadagdagan ko na lang kung may nakaligtaan ako. Kung may suggestion naman kayo or hiling ay magiwan lang ng mensahe dito.

Hindi ninyo alam kung gaano ako kasaya na bumalik sa pagsusulat, isang bagay na aking isinakripisyo para lang maiayos ko muna ang buhay ko dito sa gitnang silangan, ang dami kong utang sa mga bumibisita sa blog ko, lalo na sa mga bagong “mukha” na nakikita kong aktibong naglalagay ng comment sa aking mga munting post… Parang pakiramdam ko tuloy ay napag-iwanan na ako… hehe…

Hindi biro ang magpost araw-araw gaya ng ginagawa ko noong mga nakaraang buwan, halos araw-araw, walang mintis, at palaging may bago. Naging “hitik na hitik” ang blog ko ng mga kalokohan at kwento ko. Kaya nahirapan din ako ng pagdisisyunan kong iwan pansamantala ang Eto Ang Sayo.

Dumating din sa punto na ayaw ko nang ituloy ito… Ngunit dahil sa suporta ng ilan sa aking “malalapit” na kaibigan (uuyy… sino kaya yun?? hahahaha!), nagbago ang isip ko (at puso ko ata nagbago rin, haha!).

Muli… Maraming salamat 🙂

mixglorioso… signing on!

I’m back! Yahooo!!!

Taob sa youtube!

3 Comments

Maghapon nanuod ako ng mga bagong clips ng concert ng bandang Journey. Malaki ang improvement ni Arnel Pineda, although medyo malabo yung mga amateur clips na napanuod ko, makikinig mo sa boses niya na malaki ang improvement ng performance at confidence level niya.

Natuwa rin ako noong kumustahin niya ang mga kapwa pinoy na nanunuod sa concert, masarap isipin na kahit nasa rurok na siya ng tagumpay, ang paa nya ay nananatiling nakatungtong sa lupa. May mga pinoy na may dalang flag, isa rin yan sa mga nagustuhan ko sa nakita ko.

Isang magandang halimbawa si Arnel ng taong natupad ang pangarap dahil sa pagsusumikap. Laki siya sa hirap at kung hindi ako nagkakamali ay napanuod ko sa Kapuso mo Jessica Soho na naging magbobote siya dati, natutulog lang sa kahoy na upuan, kumakain lang pag tapos nang kumain ang mga kamag-anak niya at namumulot ng scrap metal sa pier.

Isang living example siya, na ang kahirapan ay malalampasan kung magsusumikap at magtitiwala ka sa sarili.

Hindi ko kilala si Arnel Pineda, Naririnig ko lang ang Bandang Zoo noong nasa Manila ako ako dati, hindi ko rin alam na maganda ang boses niya. Nakilala ko na lang si Arnel noong napanuod ko siya sa TV at talaga namang napahanga ako sa angking talento ng taong ito.

Sana’y maraming tumulad sa iyong pagsusumikap. Hindi hadlang ang kahirapan upang matupad ang mga pangarap… Yan ang naituro mo sa akin idol…

Noong bata pa ako… Early 90’s TV shows

2 Comments

Sobrang bilis ng panahon… parang kailan lang eh uso pa ang maglaro ng taguan at teks, magbisikleta papuntang kawalan at mapalo ng magulang dahil may bago nanamang sugat na natamo dahil sa sobrang likot na dulot ng sugar rush na hatid ng isang boteng coke. Maraming masasayang bagay na masarap gawin noong bata pa ako, manuod ng cartoons sa cable na naka-tap sa CaTV ng kapit bahay (at least ngayon may sarili na kaming linya at nanalo pa kmi sa raffle! hehehe!), maglaro ng G.I. joe at lego na hindi ko na alam kung saan napunta ngayon, magpalipad ng saranggola sa bakanteng lote na ilang dekada bago pa nagawang subdibisyon, manghuli at mangtorture ng mga kawawang tutubi, at magbabad sa paglalaro ng family computer na may cartridge na 999 in 1 na halos 10 games lang naman na namodify yung mga stage at level ng difficulty. Naaalala ko pa nga na pag napapagalitan ako palagi dahil sa kaadikan sa pagpindot ng malagkit na kontroler ng family computer, itinatago ng nanay ko yung adapter para walang makapaglaro… ang nakakatawa lang eh alam naman natin kung san nila tinatago yung adapter… siyempre sa closet nila! haha! gotcha!

Ang sarap maging bata, parang ang pinaka problema mo lang noon eh kung matatapos mo ba o magagawa yung assignment mo sa school bago ipalabas sa TV ang mga paborito mong palabas.

Ito ang mga palabas sa TV dati pumili ka na ng gusto mong palabas:

*Ghostbusters (ang totoong multo ay ang iyong nakaraan… creepy)

*Alf (sikat pa channel 9 dati)

*Shaider (Ang bida dito ay yung Panty ni annie)

*Ultraman (Malaki ang pamilya nya… ultraman cel, ultraman godfather, ultraman x, at marami pa… nakalimutan ko na mga pangalan nila.)

*Okey ka fairy ko (Siyempre dahil kay aiza kaya ka nanonood!)

*Eat Bulaga! (hanggang ngayon naman ata eh! crush ko pa si aiza noon!)

*Doogie Howser M.D. (Pinakabatang Doktor)

*Cedie ang munting prinsipe (Bading cya…)

*Sarah ang munting prinsesa (masokistang prinsesa…)

*Von Trapp singers (Oh likikiya! Oh likuku!)

*Agila (Val sotto pa bida dyan!)

*Ana Luna (pinapanood ng mga bata na wala nang pasok sa hapon)

*Mara Clara (diyan sumikat ng todo si Juday)

*Teysi ng tahanan (panggising sa umaga)

*Lunch break (kalaban ng eat bulaga dati)

*Voltes V (tenet ten ten nen tenen!)

*Bioman (R.I.P. pink 5, hello cynthia luster hehe)

*Sesame street (lahat naman siguro dumaan dito)

*Batibot (hanggang ngayon may LSS pa rin ako ng “tinapang bangus” “tayoy magtanim” at “kapit bahay nyo”)

*3 o’clock prayer (senyales na malapit nang ihanda ang meryenda, karaniwan dito eh champorado, hotcake, maruya, at bananaQ)

*That’s Entertainment ( hindi ko naenjoy to kahit kelan, bata pa kasi ako noon at walang alam kundi maglaro… tsk tsk… mga tambalang romnick ay sheryl, lotlot at monching… geez…)

*Eye to Eye (Hanapan ng mga nawawalang bata at matanda)

*Kapwa ko mahal ko (ang malaki ang sweldo d2 e yung babae sa bilog sa ibaba ng screen na mahilig mag sign language)

Iba ang impact ng telebisyon sa mga bata… ang maaalala naman ng mga bata sa darating na panahon ay Wowowee, Mulawin, Naruto, Kokey, at ang walang humpay na patutsadahan ng mga Kapuso at kapamilya.

%d bloggers like this: