Home

Ang Ulilang Lubos

7 Comments

Alamat ng Mangga

Alamat ng Mangga

Gabi habang malakas ang hangin sa labas at ang langit ay nagbabadyang umulan ng umalis si Jeff sa eskwela. Inabutan siya ng munting ambon habang naglalakad papauwi na naging dahilan kung bakit naging putikan ang kanyang mga paa. Mahirap lang si Jeff, hindi na kailangan ng ano pang paliwanag upang makita sa hitsura niya ang kanyang kalagayan.

Ulila sa Ina si Jeff. Namatay ang kanyang ina noong siya ay isinilang. Ito rin ang pinakamabigat na dahilan kung bakit malaki ang galit ng kanyang ama sa kanya.

Malalim na ang gabi bago siya nakarating sa kanilang bahay at kahit na ambon lang ang kanyang sinugod ay basang basa siya dahil sa 20 Kilometrong layo ng kanyang nilakad. Pagod na si Jeff at nais nang magpahinga, hahayaan na lang ang kumakalam na sikmura dahil wala rin namang makakain sa kanilang bahay. Wala ang kanyang ama sa kanila, at mukhang hindi na uuwi ng gabing iyon.

Iniayos ni Jeff ang munti niyang papag upang makahiga na, wala nang panahon para mag-aral at masyadong madilim ang aandap-andap na lamparang nagsisilbing ilaw sa buong bahay, wala rin namang pasok kinabukasan dahil Sabado. Mahirap lang ang buhay ni Jeff, ngunit siya ay matalino. Ilang araw na lang at nalalapit na ang kanyang ika 11 kaarawan, sabik na siyang regaluhan ang sarili ng bagong pantalon na maiisuot niya sa paaralan. Pagkabangon niya sa kama ay naisip niyang kunin ang kanyang alkansya upang madama niya ang bigat nito.

“Magkano na kaya ang laman ng alkansya ko?” Sambit ni Jeff sa kanyang sarili habang inaalog at pinapakalansing ang bawat baryang laman ng alkansyang gawa sa lumang lata ng Nido. Solo sa bahay si Jeff, wala pa rin ang kanyang ama. Ang tanging kasama niya ay ang lumang transistor radio na nakatutok sa Am radio. Walang ibang tunog na masasagap kundi ang malabong boses ng nagkokomentaryo tungkol sa bulok na sistema ng pamahalaan. Walang pakialam si Jeff, ang nais lang niya ay may marinig siyang boses para hindi niya maramdaman na nag-iisa lamang siya.

Dahil walang ibang pagkain, naisip ni Jeff na manguha na lang ng prutas sa puno ng mangga sa labas ng kanilang bahay, mainam na rin na panawid gutom lalo na’t wala ka namang ibang pagpipilian.

Habang nasa ibabaw ng puno ay narinig niya ang tinig ng isang lalaki…

“Jeff?” Pasigaw na sambit ng lalaki sa may di kalayuan.

“Antay lang ho at bababa ako ng puno” tugon ni Jeff sa lalaking ngayon lamang niya nakita.

Malapit na si Jeff sa paanan ng puno ng dumungaw sa bakuran nila ang lalaki.

“Iho, ikaw ba si jeff na anak ni Tasyo?”

“Ako nga po… ano po ang…”

Agad sumabat ang lalaki at sinabing “Sumama ka sakin Iho at ito ay importante, ang ama mo… nadisgrasya!”

Nagliparan ang mga ibon sa paligid na tila ba’y natakot sa balitang hatid ng misteryosong lalaki.

Itutuloy…

Advertisements

[Lifeline] Bakit callcenter? part 3

1 Comment

Ikatlong yugto

Kung inaakala ninyong tapos na ang maliligayang araw ko bilang isang call center agent. Nagkakamali kayo. Hindi naman ibig sabihin nag AWOL ako sa isa eh hindi na ako pwedeng pumasok sa iba.

Makalipas ang ilang buwan (maniwala kang nakakainip maghanap ng trabaho) nabigyan ako ng pagkakataong mapaunlakan ng interview sa Dell International Services, isa sa pinakamalaking independent na outsourced contact center. Sa Dell ko natagpuan ang working environment na hinahanap ko. Pakiramdam ko ay kaya ko nang tumanda doon. Parang gusto kong doon na lang tumira para paglabas ng pinto ay nasa Mall of Asia na ako.

Masaya ang naging karanasan ko sa kumpanyang ito. May mga challenge na mahirap pero imposibleng hindi mo matapos. Mabait ang naging team manager ko at itinuring niya akong kaibigan. Matanda na siya, pero nakakasakay siya sa mga “makabagong mundo” jokes ko.

Ang job interview ko doon ang isa sa pinakamadali dahil parang nagkwentuhan lang kaming dalawa. Tiningnan nyiya ang aking CV pagkapasok ko ng pinto. Ngumiti siya sakin at sinabi ang gasgas na katagang “Tell me something about yourself…”

Ah ok, gusto niya akong magkwento kaya hindi ko tinantanan, sinabi ko na ang buong istorya ng aking buhay at karir. Kung ano ang ineexpect ko sa kumpanya, ano ang gusto kong sahod at benefits. Minsan kailangan mo lang maging “witty” hindi mo na kailanang magpakahirap.

Matapos ang mahabang kwento na umubos na sa allotted time para sakin ay binitawan niya ang isang tanong na bumago sa aking pananaw. Hindi ko akalaing yun ang maisasagot ko pero yun daw ang naging malaking factor kaya ako natanggap sabi ng babaeng nag-interview sakin.

“I can see that your course is way off the IT field. BS Tourism is not even related to any software or hardware problems that you might tackle with customers. Why do you think you are qualified for the job?”

Parang may lumabas lang na anghel sa harap ko, nasagot ko ang kanyang “trick question” ng sa loob ng ilang segundo lamang…

“I can’t see how my course could be an issue to affect my job, as a matter of fact, I believe that I’m more capable than IT graduates because I’m not stuck into just 1 field. I may be a Tourism graduate, but I also know a lot about computers, that makes me more than qualified. BS Tourism as a service oriented course and my hardware expertise is a great match for customer technical support.”

Tanggap na ako sa Dell, pumirma na agad ako ng kontrata dahil baka may maitanong pa siya na hindi ko maisagot eh bawiin pa niya. Sayang naman ang effort ko. hehe!

2 Buwan ang training sa Dell, sa dalawang buwan na iyon ay halos naging magkakapatid na kami ng mga kabatchmates ko. Masaya, at malaki ang pagkakaiba sa dating call center na pinagtrabahuhan ko.

Lumipas ang ilang buwan ay para na lang akong naglalaro sa office. Naging proud ako sa sarili ko dahil nalalampasan ko pa ang target ko. Minsan lang eh hindi ko pa rin maiwasan mag “Haduken” para makabalik ako sa queue at maka-petiks ng ilang minuto.

Ngunit ang lahat ng bagay ay may katapusan. Lumipas ang 6 na buwan at ako ay nagsawa. May kulang… may hinahanap ako. May gusto ako na hindi ko alam kung ano at hindi yun kayang ibigay ng Dell sakin.

Nang pirmahan ko ang resignation letter ko, naisip ko na tapos na ang call center career ko. Jobless na ulit ako. At habang papalabas ako ng pintuan, lumingon ako sa paligid ko… nagsindi ng yosi at nilasap ang huling sandali na makikita ko ang aking opisina. Doon ko naisip na dapat ako’y aalis na ng bansa… Kung saan ako patungo, bahala na ang diyos.

Ang moral lesson ng ikatlong yugto?

Hindi ka dapat panghinaan ng loob kung ang kurso mo ay hindi bagay sa call center. Dapat ay maging proud ka pa dahil mas marami ka pang alam kaysa sa mga kasamahan mong nakatapos ng kurso mo na kapareho ng sayo.

Tandaang sa bawat trabaho ay may mapupulot na karanasan na pwede mong pambala sa iyong kinabukasan.

Tanggalin ang panghihinayang kung hindi natupad ang kursong tatahakin. Sa panahon ngayon ay dapat maging praktikal na sa buhay.

Parang tunog horoscope lang ah!

[The End]

[Lifeline] Bakit callcenter? part 2

3 Comments

Ikalawang Yugto

Sa pagkakataong ito, nalaman ko na ang mga kasabay ko pala sa interview ay mga magiging ka-batch ko rin. Isang buwan ang training, maraming benefits, masaya, yun nga lang nakakapuyat talaga.

Ibat-ibang kwento ng buhay ang aking natunghayan sa loob ng callcenter, mga kwento ng panghihinayang, pananabik sa pamilya, kakulangan sa oras, pagsisisi. Ang pinakabata sa batch namin ay 20 taong gulang, ang pinakamatanda ay 53.

Masaya mag training, makulit at magulo. Sinong magaakala na hindi ako tatagal sa trabahong ito.

Natapos ang Training at nakapasa naman halos lahat. Akala namin ay ganun na lang kadali yun. Halos lahat kasi ay baguhan lang. Puro petiks lang nasa isip namin. Ano bang pakialam ko sa lecheng Avaya na yan. Pinagaralan din namin ang mahiwagan paraan ng pag “Haduken” para makaiwas sa calls.

Hindi madali mag call center. Yan ang tinanggap ko sa sarili ko. Hindi ko kinaya ang stress at ang pakiramdam ng palaging puyat. Siguro ay nabigla ako dahil hindi ko naman inaasahan na magiging ganun pala kahirap. Malaki ang naitulong sa akin ng unang trabaho ko. Verizon Tech support ako noon, at marami akong natutunan. Sa kasawiang palad, nag AWOL ako after 3 months.

Ang moral lesson sa pangalawang yugto?

Huwag maging pabaya sa sarili at isiping mabuti kung “worth it” ba ng pagod, puyat at stress ang iyong trabaho. Wala nang kwenta ang inipon mo pag patay ka na.

[Lifeline] Bakit callcenter?

1 Comment

Unang Yugto

[Beep] Thank you for calling [insert company name here] My name is [insert name here] how may I help you?

Karaniwang opening spiel sa isang call center. Ang trabaho na kinamumuhian ng iba. Pinandidirihan. Kinasusuklaman. Corny daw… until dumating na ang araw ng sahod. 😀 haha!

Pero gaya ko na naging isang Tech support agent dati, alam ko kung ano ang hirap at pagod ng isang call center agent. Karaniwang sinasabi ng mga tao na “madali lang yan, sisiw yan.” Sa makatuwid, kung talagang sisiw ang pagiging agent eh bakit ka nagtiyatiaga sa office life mo na ang sahod ay pang isang kinsenas lang namin? Bakit hindi ka mag call center upang malaman mo na hindi ganun kadali gaya ng mga nakikita mo sa mga larawan. Utak at boses ang puhunan, samahan mo pa ng isang dakot na pasensya.

Noong bagong graduate ako sa kolehiyo, itinaga ko sa bato na hinding-hindi ako tutungtong sa opisina ng callcenter. Buo ang loob ko na ang tatahakin kong daan ay sunod sa kurso kong BS Tourism. Ayoko ng callcenter. Ngunit ang lahat ay nagbago ng isang araw ay may natanggap akong tawag.

2 linggo pa lang ang nakalilipas ng ako ay magtapos sa eskwela (Octoberian), kasalukuyan akong naliligo ng biglang tumunog ang aking telepono. Hindi ko ito sinagot dahil mababasa at malaki ang tsansang masira. Pinabayaan ko lang. Paglabas ng banyo ay saka ko nakita na numero ito ng sa Manila. Hmm… nagtaka ako.

Hindi pa ako nakakapagbihis ay tumawag siya ulit. Sa kabilang linya ay narinig ko ang boses ng isang babae.

“Is this (my real name)?”

“Yes it is, who am I talking to?”

“My name is (someone) I’m from ACS and I’ll be doing a phone interview.”

“Phone interview? can you call me in 5 minutes? I just have to get some clothes on. I’m freezing.”

“That would be fine, I’ll call you back in a few minutes.”

Anak ng tipaklong, ipinasa pala ng kaibigan kong si PJ ang resume ko sa kanilang opisina. Hindi pa sana ako handa magtrabaho kasi kakagradweyt ko pa lang at nais ko sanang abutan pa ang pasko.

Tumawag ulit ang mabait na binibini at ininterview ako sa phone. Pumunta daw ako ng makati for final interview.

Unang totoong job interview ko sa buhay ko. May job interviews naman ako para sa OJT dati pero hindi ko naman yun sineryoso.

Sa unang job interview ko, itim na shirt na may bungo, chuck taylor na butas at cargo pants ang suot ko. Ano bang paki nila eh call center nga eh! hahaha!

Katabi ko sa lobby ang mga matitikas kong katunggali. Bihis na bihis at mabango. Maayos ang pagkakaupo at tila kinakabahan sa interview. Ako naman ay walang pakialam, matanggap o hindi, magpapasko pa rin ako sa bahay. “Win-win situation” walang regrets.

Natapos ang araw na iyon ng matiwasay. Tanggap ako sa trabaho. Unang totoong trabaho ko ay ang pagiging isang call center agent. Kinain ko ang salita ko na hindi ako tutungtong sa ganitong kumpanya.

Moral lesson ng unang yugto?

Maging praktikal sa buhay. Huwag matakot sumubok ng ibang larangan bukod sa natapos na kurso.

Sa pangalawang yugto matutunghayan ang pagpapatuloy ng aking munting karanasan… 🙂

[Tanong] Sagot…

1 Comment

Hindi ako tisoy, lasing ako niyan. Kung tingin mo sakin ay tisoy, ikaw ang lasing ngayon.

Hindi ako tisoy, lasing ako niyan. Kung tingin mo sakin ay tisoy, ikaw ang lasing ngayon.

Ang buhay ng tao ay parang isang malaking libro, ang bawat pahina ay punong-puno ng kwento at ang bawat kabanata ay isang malaking surpresa. Minsan ay naiisip ko na sana’y maaaring balikan ang nakaraan. Upang maitama ang mali, maiwasan ang hindi naman dapat, at maituwid ang baluktot na yugto ng buhay ko.

Hindi ko lubos maisip ngayon na pag lumilingon ako sa nakaraan ay puro panghihinayang, at masasakit na pangyayari ang naganap sa aking buhay. May mga pagkakataon naman na nais kong isipin na siguro ay nagakataon lang ang mga iyon. Sinabi ng lahat na sa kamatayan, doon mo makikita ang lahat ng katotohanan.

Kung totoo bang may diyos? totoo bang may kaluluwa? totoo bang may reincarnation? totoo bang hindi magkakakilala ang mga tao sa langit? totoo bang may makikitang tunnel off light? Mahal ba talaga ang magpalibing? Investment nga ba ang mamahaling kabaong? Totoo kayang may impyerno? Gaano kabigat ang mga hatol sa akin kung totoong may huling paghuhukom? Pwede kayang kumain ng popcorn habang nanunuod ng flashback ng buhay ko?

Sabi nila, nakaguhit na sa kapalaran ang ating kinabukasan. At kahit ano daw ang gawin mo ay hindi mo kayang labanan ang kapangyarihan ng “destiny” ang buhay mo na nagdadala sa akin sa puntong “bakit kailangan ko pang magpagod at magpakahirap kung ang kinabukasan ko naman ay nakasulat na?”

Ito ang mga halo-halong seryoso at kalokohang nasa isip ko ngayon:

Mapalad daw ang mga bingi, wala silang naririnig na masama galing sa kanilang kapwa. Maswerte daw ang mga pipi, hindi sila nakakapagsalita ng mga bagay na makakasakit sa kanilang kapwa.

Mapalad daw ang bulag, hindi nila nakikita ang hirap sa mundong ibabaw at hindi nila nakikita ang masamang ginagawa ng kanilang kapwa.

Masarap maging bata, ang lahat ay madali, ang lahat ay simple. Ang lahat ay nagiging mahirap pag nawala na ang pagka-inosente.

Mapalad ang mga mahihirap na nagsusumikap, mas nararamdaman nila ang bunga ng kanilang mga pinaghirapan.

Maswerte ang mga pinanganak na nakakaangat sa buhay, ang kailangan na lang nila ay panatilihing nakatungtong ang dalawa nilang paa sa lupa.

Mapalad ang mga lasing, nakakalimutan nila kung magkano ang nagastos nila at sino ang pina-utang nila noong panahong sila ay wasted.

Maswerte ang mapag-impok, sa panahon ng kagipitan, sila ay may madudukot.

Mapalad ang mga totoong tao, mas nagiging totoong mundo ang kanilang ginagalawan.

Masarap ang lechong paksiw, lalo na kung may mang tomas na nakahain.

Maswerte ang mga may pananalig sa diyos, magunaw man ang mundo, mayroon pa rin silang isang makakapitan.

Mapalad ang mga baliw, hindi sila mahusgahan agad sapagkat hindi nila alam ang kanilang mga ginagawa.

Masarap ang magmahal, masarap din ang mahalin. Ngunit wala nang sasarap pa sa pagmamahal na walang hinihinging kapalit. (Love pautang! haha!)

Mapalad ang mga binigyan ng pangalawang buhay, nabigyan sila ng pagkakataong namnamin ang sarap ang natitira nilang araw sa mundo. Buti sana kung video game ka swerte mo na kung ma-30 lives mo! wag lang sana ma “game over”.

Magulo ang utak ng isang mixglorioso, naniniwala din akong trillions na braincells ko na ang nawala simula nang matuto ako manigarilyo. Kung maibabalik ko ang kahapon at hindi ko na pinagaralan ang magbisyo. Mas marami kaya akong mas may katuturan na naiisulat?

Kung ang lahat kaya ng ipinamasahe ko sa buong buhay ko ay maiipon, may kotse na kaya ako ngayon?

Magkano na kaya ang nahulog na pera mula sa aking bulsa simula noong nakahawak ako ng pera? Malamang konti lang kasi wala naman akong pera… baryabols lang.

Kung hihingan ko ng Piso ang buong populasyon ng pinas, magkakaron ako ng P90.5 million. Uuwi na ako ng pinas at magpapakasal. Bibili ng private island at maliligo ako doon ng hubad… tandaang malaki ang pagkakaiba ng “hubo” sa “hubad” hehe!

Ilang taon kaya ako mamamalagi sa Dubai? kelan kaya ako makakalipat nng ibang bansa. Gusto ko sana sa Acapulco, kaya lang magaganda ang katawan ng mga tao dun. Magmumukha akong obese.

Ang tanong kung saan may sigurado akong isasagot ay eto: Mahaba na ba ang post ko? OO! magtrabaho ka na!

Balik tanaw sa Nintendo (a.k.a. Family Computer)

1 Comment

Noong late 80’s, usong-uso ang family computer, madaming bata ang nahumaling sa paglalaro nito. Iba kasi ang saya at eksaytment na hatid nito, marami ring magkakapatid ang nag-aaway dahil nag-aagawan sa paglalaro. Masarap maging bata, kung bibigyan ako ng pagkakataon maging bata ulit eh palagay ko hindi na ako magdadalawang-isip pa. Isa ang pagkabata sa may pinaka maraming masayang alaala. Paglalaro ng Bankang papel sa kanal, maglaro ng chi-chu (di ko alam kung tama spelling ko), Taguan, Teks, Langit-Lupa, Saksak puso (brutal), habulan (pamparami ng peklat, sugat, at keloyd), turumpo, touching (medyo tunog bastos pero masaya to lalo na pag mat nakalagay na pampabigat ang pambato mo) atbp. Pero iba pa rin ang meron kang family computer, sikat ka. Madalas ang hiraman ng bala (cartridge), madalas din magkawalaan ng bala lalo na kung 100 in 1 ang bala mo. Mainit sa mata kumbaga.

Sa halagang 1,000 piso, may family computer ka na. Medyo may kamahalan na ito noong mga panahon na yon, pero ngayon, kulang pa ang 1,000 para sa isang matinong date kasama ang nililigawan mo o ang girlfriend mo. Malaking pera na ang 1,000 dati. Hehehe! at naaalala ko… piso lang ang pamasahe sa jeep.

Eto ang mga naaalala ko na games na nilalaro ko:

*Contra – kahalintulad ng Rambo pero meron kang ka-parner. Pag patay ka na, pwede kang mang-agaw ng buhay at ito ang madalas na pinag-aawayan ng magkalaro.

*Goonies – Hango sa isang pelikula noong 80’s, hindi ko ito natapos dahil lagi lang akong stuck sa stage 5.

*Pooyan – Mga wolf na umaakyat sa puno at huhulugan ka ng bato, o babatuhin ka ng kamatis para mamatay ka, kailangan mong tirahin ng pana ang mga lobo upang sila ay mahulog at mahulog patungo sa kanilang kamatayan.

*Pacman – all star favorite pero hindi ko ito masyado na-enjoy. Pero gusto ko ang teknik nya. Kain ng kain pero hindi tumataba.

*Rush and Attack – Parang contra pero sa halip na baril eh kutsilyo ang gamit mo. Isa sa pinakamatapang na laro. Susugod sa giyera kutsilyo lang? Yabang!

*Arkanoid – Parang ping pong pero kailangan mong basagin ang makukulay na parihaba upang makapunta sa kabilang stage. Hindi ko makuha yung logic, parang dexterity game din, more on hand-eye coordination.

*Mario – Ano ang silbi ng family computer kung wala nito? sa buong buhay ko, isang beses pa lang ako nakakita ng nakatapos ng mario 1, medyo mahirap.

*Adventure Island – Hango sa mario pero sa halip na plumber ay isa kang caveman (na may skateboard na nakukuha sa itlog).

*Baloon fight – one of the best games na nalaro ko, kailangan mo ng skill dito para hindi ka maputukan ng lobo ng kalaban. Simple lang pero hindi nakakasawa, tipong pag naiinip ka na sa game eh lumipad ka lang ng mababa dun sa may tubig at aliwin mo ang sarili mo dun sa lumalabas na malaking isda na nagtatangka sa buhay mo.

*Bomberman – ihanda mo ang papel at lapis para kahit mamatay ka eh maiitago mo ang password at hindi ka babalik sa stage 1.

*Ice Climber – nakakangalay pumindot ng A button para makatalon ka at makabasad ng mga bricks. Yung polar bear, makulit.

*Donkey Kong Jr. – All time classic.

*Elevator action – Masayang laruin, medyo mabagal nga lang yung gameplay kasi mabagal yung mga elevator.

*Galaga – Isa kang spaceship na walang magawa kaya binubulabog mo ang mga alien na mukhang insekto. In return, susugurin ka nila at sisiguraduhing hindi ka makakaligtas, ang tanging paraan para lumakas ang fire power mo ay ang magpa-capture at iligtas ang kasamahan para 2 na kyo na bumabaril.

*Galaxian – Kapatid siguro to ni Galaga, hindi kaya ay third cousin.

*The legend of Kage – Isa kang ninja, sinulot ng kalaban ang girlfriend mong geisha at ngayon ay puno ng poot ang iyong damdamin kaya gusto mong gumanti. Paikot-ikot lang ang istorya hanggang mamaga na ang mga daliri mo sa pagpindot ng controller.

*Robocop – Sa movie, astig si robocop, parang untouchable ng kahit anong nilalang, pero sa video game, nasasaktan siya pag nilundagan siya ng pusa sa alley. Weak si Robocop.

note: Up,Up,Down,Down,Left,Right,Left,Right,A,B,A,B,Select,Start. Kung gagawin ito sa isang laro, maari kang magkaron ng 30 lives sa contra, god mode sa life force at gradius atbp. Kailangan mo na lang bumili ng family computer…

Ang araw ng Linggo

Leave a comment

Umaga na ako nakauwi galing sa birthday party ni Giselle, Kapatid ng kaibigan kong si Peach. Masaya yung party at talaga namang nagbabad kami sa videoke hanggang alas 4 y medya ng umaga. 5:30am na ako nakauwi ng bahay, gising na ang nanay at tatay ko at nagkakape sila pagdating ko. Gaya ng nakaugalian, mano, paliwanag kung saan ako galing, baba sa kwarto ko sa basement, hubad & hubo, quick hot shower, bihis, sigaw ng good morning, sabay higa, at tulog.

Naalimpungatan ako sa pagkakatulog. Kinatok nya ako sa kwarto ko ng pagkalakas-lakas. Sumigaw na lang ako at sinabing tulog pa ako. Masama ang ugali ko pag ginigising ako ng wala sa oras, nasisira din ang buong araw ko pag ganun. Kaya kung gigisingin mo ako ng wala sa oras, magdala ka na ng pananggalang o baluti, dahil tiyak, ibubuhos ko sayo ang galit ko.

Alas-4 na ako ng hapon nagising, kumuha agad ako ng pagkain sa taas. Ok naman yung araw na to kasi hindi masyadong umulan. Nanghihinayang lang ako dahil halos kalahati ng araw ko eh natulog lang ako. Hindi naman ako masyadong uminom kagabi, siguro 3-4 na tagay lang, nilibang ko ang sarili ko sa pag-awit at pagkain ng pulutan. Pero dahil halos bukang liwayway na ako nakarating sa bahay eh plakda talaga ako sa kama.

Lumabas ako ng bahay bandang alas-9 ng gabi, nasa tambayan kasi ang barkada. Tutal wala naman akong gagawin eh pumunta ako dun. The usual, yosi, kwentuhan, DOTA, at short visits sa 7-11 para bumili ng c2.

Ang oras na ngayon sa relo ko ay alas-4 ng umaga, Lunes na at kakarating ko lang sa bahay.

Minsan naiisip ko na nasasayang ang oras ko sa mga walang kwentang bagay, may mga araw kasi na hindi talaga ako productive, tipong lumilipas yung oras na wala akong nagawang significant sa buhay ko o sa buhay ng ibang tao. Pag nasa Manila naman ako, palagi naman akong may ginagawa, para akong robot, hindi yung tulad ni robocop, R2D2 o Daimos. Yung robot na naka-program dahil lahat ng kilos ko naka plot. Pag may plan ako sa isang araw eh hindi na kita maiisingit, mapwera manlilibre ka sa Sbarro o Starbucks. hehehe!

Ang dami kong librong gustong basahin, sobrang dami kong oras para magbasa, pero hindi ko pa rin magawa, stuck ako sa harap ng laptop, nagbabasa ng kung anu-ano o nanunuod ng video, either sa youtube or sa streaming website ng family guy.

Masarap tumambay kasama ang mga kabarkada ko, kaya lang hindi naman habambuhay pwedeng tambay lang, kanina habang naglalaro sila ng Dota eh nakaupo lang ako sa labas ng computer shop, nagyoyosi at nag-iisip… Ano na ang dapat kong gawin sa buhay ko? parang ambagal kasi ng mga papers na inaasikaso ko, naiinip na ako maghintay. Madami kasi akong plano na parang naka-hold ngayon dahil lang sa simpleng error sa Birth certificate ko. Gusto ko nang umalis, gusto ko nang magtrabaho ulit, at may gusto na akong makita…

Importante ang oras, importante rin ang panahon, importante ang mga pagkakataon… Pero palagay ko, mas importante muna sakin ang mangarap… dahil habang wala pa akong ginagawa, binubuo ko naman ang bagong plot ng buhay ko.

Mukha man akong tambay… planado naman ang buhay…. dahil sa huli, ikaw na nangangarap ang bumubuo ng mas magandang kinabukasan para sa sarili mo at hindi ang ibang tao.

Older Entries

%d bloggers like this: