Home

Ang Ulilang Lubos pt.2

2 Comments

May liwanag ang buhay -Meralco

Bago tunghayan ang karugtong ng kwento ng buhay ni Jeff, basahin muna ang unang bahagi ng kwentong ito dito.

Ikalawang yugto

Nabitawan ni Jeff ang tatlong manggang tangan niya nang siya’y bumaba ng puno. Nawala ang kanyang gutom at gumulo ang kanyang isipan.

“Sino ho ba kayo at  ano po ang nangyari kay itay?” Sambit ni Jeff habang nanginginig ang kanyang boses.

“Ako si Orlando, ninong mo ako. Ang tatay mo, nadisgrasya!!!” Ang nakakagulat na sagot ng misteryosong lalaki.

“Ako ho si Jeff, ikinagagalak ko po kayong makilala kahit ang hatid ninyo ay masamang balita. Ano ho ang nangyari kay itay?” Gulat na tanong ni Jeff.

“Ang tatay Tayso mo! Diyos ko po! Nadisgrasya! Dinala sa ospital!!!” Sagot naman ni Orlando habang kumukumpas pa ang kamay na parang kasali sa isang oratorical contest.

Dagliang tumakbo si Jeff papasok sa kanilang munting kubo at hinablot ang kinakalawang niyang alkansya ng Nido… “Nutritious Milk for Growing Kids”. Kumuha rin siya ng ilang damit na pamalit ng kanyang ama at dali-daling tiniklop ang paboritong nitong Good Morning towel.

Sumakay si Jeff sa tricycle ng kanyang “Ninong”. Sa kabilang bayan pa ang ospital kaya kinuha niya ang pagkakataong iyon para subukang bilangin ang laman ng kanyang alkansya. Pinaharurot ni Orlando ang kanyang tricycle sa bilis na 30km/h, animo’y isang naghihingalong kabayo ang kanyang tricycle. Sabay sa tugtuging “Moves Like Jagger” ng dumadagundong na sound system ng tricycle ni Orlando, pilit kinekwenta ni Jeff ang kanyang munting ipon habang nagdarasal na sana’y magkasya ito sa pangangailangan ng ama.

Magaling magmaneho si Orlando kahit mabagal ang kanyang tricycle. Ang tanging kinatatakutan niya sa kalye ay ang multo sa tulay na kung saan ay dapat siyang bumusina upang hindi umangkas ang white lady sa kanya ng libre. May mga pagkakataon na matapos niyang bumusina, nagiiwan ng P20 ang white lady na umaangkas sa kanyang matuling tricycle.

Makalipas ang ilang sandali, natapos ni Jeff ang kanyang pagbibilang. Ikinagulat niya na sa paunti-unti niyang pag-iipon, nakalikom siya ng P8,888. Biglang pumasok sa kanyang isipan ang pagsali sa mga multi-level marketing business. Naglaro sa isipan niya ang mga salitang “Extra-income, tseke, pairing bonus, cash out, at Power”. Ang P8,888 ay pwede na niyang gamitin para sa ikauunlad nilang dalawa ng kaniyang ama, ngunit naisip din niya na mas kailangan ng kanyang ama ang pera sa panahon ngayon lalo na’t siya’y nadisgrasya.

Naiinip na si Jeff sa malayong biyahe na kanilang tinatahak. Naisip niyang magtanong kay Orlando kung paano niya naging ninong ito, gayong ngayon lamang niya ito nakita.

“Paano ko ho ba kayo naging ninong gayong ngayon ko lang kayo nakita?” Tanong ni Jeff.

“Ano kamo iho?, hindi kita marinig.” Balik ni Orlando.

“Paano ko ho ba kayo naging ninong gayong ngayon ko lang kayo nakita?” Tanong ulit ni Jeff.

Hininaan ni Orlando ang volume ng kanyang sound system sa tricycle na kasalukuyang nagpapatugtog ng “Cemetery Gates” ng Pantera.

“Paano ko ho ba kayo naging ninong gayong ngayon ko lang kayo nakita?” Pangatlong ulit na tanong ni Jeff.

“Isa akong dating OFW, matagal akong nagtrabaho sa Czechoslovakia. Kababata ko ang tatay mo.” Sagot naman ni Orlando.

Hindi na kinausap ni Jeff si Orlando matapos ang tanong niyang iyon. Pakiramdam niya’y nadidistract ang kanyang ninong Orlando pag kinakausap niya habang nagmamaneho.

Malapit nang mag alas-diyes ng gabi ng marating nila ang Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia Hospital. Ang may ari ng ospital na ito ay si Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia, ang pinakamayamang negosyante sa kanilang probinsya. Sadyang napakayaman ng kanilang angkan dahil ang kanyang lolo na lahing kastila na si Don Arnulfo Miguel Escobar Perpecto Cortez del Castro ang nakahukay ng treasure ni Yamashita kasama ang kanyang asawang tsino na si Li Hwa. Sa sobrang yaman nila, hindi mo maaarok ang kanilang ari-arian. Magmumukhang pulubi si Princess Sarah at ang kanyang mina ng mga diyamante. Magmumukhang batang kalye lang si Richie Rich.

Hindi pa man humihinto ang tricycle, sinabihan na agad ni Orlando si Jeff ng “Otoy, bumaba ka na dito at puntahan mo ang tatay mo. Ibibigay ko lang itong susi ng tricycle ko sa valet parking attendant at susunod na ako sayo, bibili lang din ako ng taho latte para makakain ka”.

Bilis-bilisang bumaba si Jeff sa tricycle. Sa kanyang pag takbo, naiwan pa niya ang kanyang mga tsinelas na Rambo. Hindi na ito binalikan ni Jeff, sabik na siyang makita ang kanyang ama at ang kalagayan nito.

Tumakbo siya sa emergency room ng Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia Hospital ngunit…

.

.

.

Wala na ang kanyang ama…

Itutuloy…

Street foods atbp.

4 Comments

Maraming nagsasabing madumi ang street foods, pero marami rin naman ang tumatangkilik nito. Ang street foods kasi ay kasama na sa kulturang pinoy, isang agarang sagot sa gutom at panandaliang pamatid uhaw. At ang listahan ko ng mga street foods na naaalala ko ay:

*Fishballs – all time favorite ng mga pinoy, masarap ang lasa nito sapagkat ang mantika ay isang linggo nang hindi pinapalitan, dahil dito, nanunuot sa bawat bahagi ng fishball ang “unique” flavor nito. Ilang beses na akong sumubok magluto ng fishball sa bahay, bumili pa ako ng brand na gamit ng nagtitinda ng fishball sa amin sa Aguado Malacanang, Ngunit hindi ko makopya ang lasa ng fishball sa kalye. Presyo: 50 centavos/each pag luto, libre pag hilaw.

*Squidballs – Niluluto kasama ang fishball ngunit hindi naglalasang fishball. Mas mahal kumpara sa fishball pero mas masarap din naman. Kung pagmamasdang mabuti ay napakasarap tusukin ng squidball, malaki kasi ito, pero para itong lobo na pag tinusok mo ay liliit, parang false advertising. Gawa daw ito sa nabubulok na pusit, yun ang sabi ng mga nakatatanda. Nabubulok man o hindi, masarap pa rin. Presyo: 2 pesos/each pag luto, ??? pag hilaw.

*Chicken balls – Masama ang epekto ng chicken balls sa mga taong maraming allergies. May pinsan kasi ako na hindi naman allergic sa manok (may poultry pa nga sila) pero noong minsang nilasap nya ang balls na ito ay muntikan na siyang mag-choke. Namaga bigla ang kanyang lalamunan at sumikip ang daluyan ng hangin. Hanggang ngayon, isang malaking misteryo pa rin ang nangyari sa kanya, ano nga kaya ang ingredient na nagdulot nito? Presyo: 2 pesos/each pag luto ??? pag hilaw.

*Balot – Masarap ang balot, pero para sa mga banyaga, pang “fear factor” ito. May mga tao na hindi kumakain ng sisiw. Nakakadiri daw. Ako masaya na pag nakakain ng balot, good source din kasi ito ng protein. Lahat pati ng makolesterol ay masarap. Balot included. Presyo: 8-10 pesos/each pag luto, 5-7 pesos pag hilaw.

*Penoy – Pag ang itlog hindi naging balot, nagiging penoy. Parang ordinaryong nilabong itlog, pero ang penoy ay may ekis na ginamitan ng lapis o lumang crayola. Presyo: 6-8 pesos pag luto, 4-5 pesos pag hilaw.

*1 day old chicken fetus – I tried it once, I’ll never eat it again. Hindi ako pihikan sa pagkain pero hindi ko talaga ito masikmura. Weird yung lasa, weird din yung texture. Weirdo. Presyo: 3-5 pesos/each pagluto. Hayaan na lang mabuhay at lumaki kung hilaw para maging isang masarap na fried chicken pagdating ng panahon.

*Double-dead na chicharon – Pangalan pa lang nakakatakot na, hindi naman masama ang lasa nito, pero noong minsan na kumain kami nito kasama ang kaibigan kong si Duduy sa Pedro Gil ay nilagnat ako. Hindi ko alam kung dahil double-dead yung kinain ko o dahil lang masyadong maraming vetsin na inilagay si manong. Presyo: 5-10 pesos isang salop pag luto. Matapang ang kakain nito ng hilaw.

*Calamares – Sinubukan ko din ito ng isang beses, ok na rin kahit papaano. Kaya lang bigla naman kumalat ang balita na may formalin ito. Ok sana kaya lang yung pinaglulutuan ay nangingitim na. Hindi na ako muling kumain nito. Hindi pa ako patay para magkaron ng formalin sa katawan. Presyo: 3 pesos/each pag luto. Hindi mabubulok dahil sa formalin pag hilaw.

*Kwek-kwek at Tokneneng – Nilabong itlog na ibinalot sa misteryosong orange na mixture na gawa sa harina, tubig, vetsin. Pagkatapos ay ipiprito. Isasawsaw sa suka. Ok rin na pantawid gutom. 3-7 pesos/each pag luto, ??? pag hilaw. Nakakadiri naman kung hilaw yung orange na coating nito.

*Mga inihaw na bagay – hindi ko na ito ipapaliwanag. Alam na to ng lahat. Panalo pa rin ang isaw sa UP at ipaglalaban ko ito ng patayan. Priceless!

*Sorbetes – Binansagang dirty ice cream. Iba ang lasa nito kumpara sa Magnolia or Selecta. May kakaibang sipa ito, lalo na sa tiyan pag totoong “dirty” ang nakain mo. Pero karaniwan ay hindi yung sorbetes ang madumi kundi ang kamay ng nagtitinda nito. Ikaw ba naman ang umihi sa tabihan, sabay serve ng sorbetes. Tuwang-tuwa naman ang kumakain. Sarap! hahaha! Presyo: 5-10 pesos/each pag ok. Hindi mo gugustuhing bumili pag tunaw.

*Scramble – Kulay pink, may kakaiba rin na lasa at mas masarap kung marami yung inilalagay na gatas at chocolate syrup. Kung hindi mag-iingat, maaaring maging biktima ng diarrhea, pananakit ng tiyan at stroke. Joke lang, hindi yan cause ng stroke. hehe! Presyo: 5 pesos/cup pag ok. Kulay mertiolet pag tunaw.

*Palamig – Juice ng medyo kapos sa pera. Kadalasan makikita mong yellow ang pineapple juice, pero pag natikman mo na ay parang malamig na tubig lang na may asukal. Hindi ako umiinom nito, hindi ko kasi alam ang pinanggalingan ng tubig na ginamit dito. Ipagpapalit ko ang isang container nito sa isang pirasong sachet ng extra joss. Presyo:2-5 pesos/cup. Libre ang pananakit ng tiyan.

*Mais – Ang mais ay medyo messy na kainin sa publiko. Didikit kasi sa bibig mo ang mantika na galing sa mantikilyang ipinahid dito. Ang sabaw naman ay dadaloy sa iyong braso kung wala ito sa plastic at basta nakatuhog lang sa stick. 10-15 pesos/each pag luto. 5-10 pesos/each pag hilaw.

*Mangga at Singkamas – Nakababad sa malabong tubig na nakalagay sa malaking lumang garapon ng ladies choice. Hindi ako mahilig sa singkamas, parang niloloko mo lang kasi ang sarili mo pag kumakain ka nito, wala kasing lasa. Yung mangga naman ay ayos lang, basta hindi galing dun sa maduming tubig. Presyo: hindi ko alam, hindi ako namamalengke. Grocery ako kasi sosyal ako, hindi… wala akong pera kaya wala akong pamalengke…

*Chicharon na bituka ng manok – Malutong, kulay brown, maraming vetsin at asin. Mainam din na ulam sa kanin kung medyo kapos sa budget o pag nakalimutan kang padalhan ng allowance ng magulang mo na nasa probinsya. Presyo: Depende sa dami pero karaniwan ay 5 pesos/each. Pag hilaw wala akong idea.

*Chicken skin – Chicharon na gawa sa balat ng manok, may kaakit-akit na aroma na talagang hindi mo mahihindian. Mayaman sa kolesterol. Kumbaga eh parang ito ang isa sa bill gates ng kolesterol. Presyo: 10 pesos/maliit na supot. 25 pesos per kilo sa mall.

Madalas akong bumiyahe patungong Lucena city or Manila 0r vice versa. Sa bus marami ring pagkain. 4 na oras kasi ang trip kasama na dun ang trapik. Ok lang makalimot ng baon na pagkain pag sumakay sa bus, basta magaling kang pumili ng bibilhin mo. Eto ang ilan sa mga pagkain sa bus:

*Pinagong – Pag galing ka sa Lucena patungo ng maynila, alam mong nasa sariaya quezon ka na pag may sumisigaw na ng pinagong. Ito ay tinapay na mukhang likod ng dinosaur, masarap kainin habang mainit. Presyo: 10-15 pesos/pack pag luto. ??? pag hilaw.

*Buko pie – Malamang nasa parteng San Pablo laguna ka na pag ito na ang tinda. Parang mini buko pie sapagkat ito ay malaki lang ng konti sa cupcake. Sa unang kagat ay hindi mo mahahalata, pero habang tumatagal, hinahanap mo yung “buko” sa loob nito na para bang nahihiya sayo o nagtatago dahil wala kang malasahan na buko. Sa huli, para ka lang bumili ng normal na tinapay, sana nag-pinagong ka na lang. Presyo: 10 pesos/each pag luto. Kahit luto ay lasang hilaw.

*Mani – Kahit saan sumasakay sila, kahit hindi sila sumigaw ay malalaman mong andyan na sila dahil amoy bawang na ang buong bus. Ang punchline? “Mani, mani, mainit pa oh, masarap, may bawang, mani, mani, libangan sa biyahe oh, kutkutin sa biyahe!” yan ang sigaw ng tindero. Pwede palang maging libangan ang mani! kung paano? hindi ko alam, siguro parang PSP or mp3 player, lilibangin ka sa biyahe. Ikaw na ang bahalang dumiskarte kung paano ka malilibang, kung meron kang sinulid at karayom pwede mo rin sigurong gawing kwintas. Presyo: 5 pesos/isang maliit na papel na supot. ??? pag hilaw.

*Burger – Sa may Turbina, dito sumasakay ang mga tindero nito, sisigaw sila ng sisigaw ng “Barger, Barger Bagong luto!” hanggat hindi mo sila pinapansin. Bakit “barger” ang tawag nila? hindi ko rin alam. Siguro kasi dahil ang patties ng “Barger” na ito ay gawa sa 20% meat, 5% egg, 5% spices, at 70% flour. Presyo: 10 pesos/each pag luto, subukan mong kumain nito ng hilaw at balitaan mo ako ha?

*Bibingka – Sa may Tiaong-San Pablo boundary ito madalas matatagpuan, sa may riles ng tren. Malasa at mas gugustuhin ko pa kaysa buko pie. Presyo: 10-12 pesos/each pag luto. Parang tunaw na ice cream pag hilaw.

*Espasol – Gawa sa malagkit na uri ng kanin at nilagyan ng harina na medyo rough yung texture. Presyo: 10-15 pesos/each. Ready to eat!

*Macapuno at ube – Bite size pieces na nakalagay sa isang maliit na plastic. Masarap din pero palagay ko ay hindi ito pwedeng gawing “libangan.” Siguro yung ube pwede mong gawing clay o play doh. Gumawa ka ng ahas or dinosaur. Presyo: 10-15 pesos/pack. Ready to eat!

Haaay… alaala ng mga pagkain… pero dahil diet ako… sa imagination na lang muna… Parang Planetang pakaskas…

Hanggang sa muli mga batang Batibot! Weee!

%d bloggers like this: