Home

[Otistik] May sariling mundo

2 Comments

Alipin

Isang mundong ginagalawan
Isang dikit dikit na paraiso
Isang teknolohiyang hindi makabago
Isang hindi malaman kung totoo

Malaki ito at masalimuot
Malawak at maraming sulok
Hindi maitigil ang pagtutok
Bihag ng sakit sa batok

Hindi na alam ang gagawin
Kung wala ito’y halos mabaliw
Nahihirapan nang paghiwalayin
Ang totoo laban sa kathang isip natin

OO, ikaw ay alipin…
Hindi sa droga, hindi sa alak at hindi sa bisyo
Ikaw ay bihag at alipin
Ng teknolohiyang kung tawagin ay…

INTERNET!

Woot!

Kailan kaya magkakaron ng tamang salitang tagalog para sa Internet?

Hmmm… Ang post na ito ay para sa mga taong hindi na mapaghiwalay ang katotohan sa kathang isip lamang at para sa mga taong hindi mahimay na hindi lahat ng nakakasalamuha nila sa internet ay tanga at nagpapaloko. Gising kapatid. Wala sa internet ang totoong mundo… Nasa Atari* haha!

Nakakabugnot dito sa office 😦

Paliwanag tungkol sa Atari:

Para sa mga hindi nakakaalam…

*Ang Atari ay isang elektronikang laruan na ikinakabit sa telebisyon. Upang makapagliwaliw sa walang humpay na kaligayahan, dapat ay gamitin ang isang istik na may pindutan. Ito ang isa sa pinakamatandang uri ng video game console. Hindi ko na ito naabutan, siguro si Bro. Utoy at si Bluep naabutan pa to, matanda na sila eh! hahaha!

[Lifeline] Bakit callcenter? part 3

1 Comment

Ikatlong yugto

Kung inaakala ninyong tapos na ang maliligayang araw ko bilang isang call center agent. Nagkakamali kayo. Hindi naman ibig sabihin nag AWOL ako sa isa eh hindi na ako pwedeng pumasok sa iba.

Makalipas ang ilang buwan (maniwala kang nakakainip maghanap ng trabaho) nabigyan ako ng pagkakataong mapaunlakan ng interview sa Dell International Services, isa sa pinakamalaking independent na outsourced contact center. Sa Dell ko natagpuan ang working environment na hinahanap ko. Pakiramdam ko ay kaya ko nang tumanda doon. Parang gusto kong doon na lang tumira para paglabas ng pinto ay nasa Mall of Asia na ako.

Masaya ang naging karanasan ko sa kumpanyang ito. May mga challenge na mahirap pero imposibleng hindi mo matapos. Mabait ang naging team manager ko at itinuring niya akong kaibigan. Matanda na siya, pero nakakasakay siya sa mga “makabagong mundo” jokes ko.

Ang job interview ko doon ang isa sa pinakamadali dahil parang nagkwentuhan lang kaming dalawa. Tiningnan nyiya ang aking CV pagkapasok ko ng pinto. Ngumiti siya sakin at sinabi ang gasgas na katagang “Tell me something about yourself…”

Ah ok, gusto niya akong magkwento kaya hindi ko tinantanan, sinabi ko na ang buong istorya ng aking buhay at karir. Kung ano ang ineexpect ko sa kumpanya, ano ang gusto kong sahod at benefits. Minsan kailangan mo lang maging “witty” hindi mo na kailanang magpakahirap.

Matapos ang mahabang kwento na umubos na sa allotted time para sakin ay binitawan niya ang isang tanong na bumago sa aking pananaw. Hindi ko akalaing yun ang maisasagot ko pero yun daw ang naging malaking factor kaya ako natanggap sabi ng babaeng nag-interview sakin.

“I can see that your course is way off the IT field. BS Tourism is not even related to any software or hardware problems that you might tackle with customers. Why do you think you are qualified for the job?”

Parang may lumabas lang na anghel sa harap ko, nasagot ko ang kanyang “trick question” ng sa loob ng ilang segundo lamang…

“I can’t see how my course could be an issue to affect my job, as a matter of fact, I believe that I’m more capable than IT graduates because I’m not stuck into just 1 field. I may be a Tourism graduate, but I also know a lot about computers, that makes me more than qualified. BS Tourism as a service oriented course and my hardware expertise is a great match for customer technical support.”

Tanggap na ako sa Dell, pumirma na agad ako ng kontrata dahil baka may maitanong pa siya na hindi ko maisagot eh bawiin pa niya. Sayang naman ang effort ko. hehe!

2 Buwan ang training sa Dell, sa dalawang buwan na iyon ay halos naging magkakapatid na kami ng mga kabatchmates ko. Masaya, at malaki ang pagkakaiba sa dating call center na pinagtrabahuhan ko.

Lumipas ang ilang buwan ay para na lang akong naglalaro sa office. Naging proud ako sa sarili ko dahil nalalampasan ko pa ang target ko. Minsan lang eh hindi ko pa rin maiwasan mag “Haduken” para makabalik ako sa queue at maka-petiks ng ilang minuto.

Ngunit ang lahat ng bagay ay may katapusan. Lumipas ang 6 na buwan at ako ay nagsawa. May kulang… may hinahanap ako. May gusto ako na hindi ko alam kung ano at hindi yun kayang ibigay ng Dell sakin.

Nang pirmahan ko ang resignation letter ko, naisip ko na tapos na ang call center career ko. Jobless na ulit ako. At habang papalabas ako ng pintuan, lumingon ako sa paligid ko… nagsindi ng yosi at nilasap ang huling sandali na makikita ko ang aking opisina. Doon ko naisip na dapat ako’y aalis na ng bansa… Kung saan ako patungo, bahala na ang diyos.

Ang moral lesson ng ikatlong yugto?

Hindi ka dapat panghinaan ng loob kung ang kurso mo ay hindi bagay sa call center. Dapat ay maging proud ka pa dahil mas marami ka pang alam kaysa sa mga kasamahan mong nakatapos ng kurso mo na kapareho ng sayo.

Tandaang sa bawat trabaho ay may mapupulot na karanasan na pwede mong pambala sa iyong kinabukasan.

Tanggalin ang panghihinayang kung hindi natupad ang kursong tatahakin. Sa panahon ngayon ay dapat maging praktikal na sa buhay.

Parang tunog horoscope lang ah!

[The End]

[Lifeline] Bakit callcenter? part 2

3 Comments

Ikalawang Yugto

Sa pagkakataong ito, nalaman ko na ang mga kasabay ko pala sa interview ay mga magiging ka-batch ko rin. Isang buwan ang training, maraming benefits, masaya, yun nga lang nakakapuyat talaga.

Ibat-ibang kwento ng buhay ang aking natunghayan sa loob ng callcenter, mga kwento ng panghihinayang, pananabik sa pamilya, kakulangan sa oras, pagsisisi. Ang pinakabata sa batch namin ay 20 taong gulang, ang pinakamatanda ay 53.

Masaya mag training, makulit at magulo. Sinong magaakala na hindi ako tatagal sa trabahong ito.

Natapos ang Training at nakapasa naman halos lahat. Akala namin ay ganun na lang kadali yun. Halos lahat kasi ay baguhan lang. Puro petiks lang nasa isip namin. Ano bang pakialam ko sa lecheng Avaya na yan. Pinagaralan din namin ang mahiwagan paraan ng pag “Haduken” para makaiwas sa calls.

Hindi madali mag call center. Yan ang tinanggap ko sa sarili ko. Hindi ko kinaya ang stress at ang pakiramdam ng palaging puyat. Siguro ay nabigla ako dahil hindi ko naman inaasahan na magiging ganun pala kahirap. Malaki ang naitulong sa akin ng unang trabaho ko. Verizon Tech support ako noon, at marami akong natutunan. Sa kasawiang palad, nag AWOL ako after 3 months.

Ang moral lesson sa pangalawang yugto?

Huwag maging pabaya sa sarili at isiping mabuti kung “worth it” ba ng pagod, puyat at stress ang iyong trabaho. Wala nang kwenta ang inipon mo pag patay ka na.

[Lifeline] Bakit callcenter?

1 Comment

Unang Yugto

[Beep] Thank you for calling [insert company name here] My name is [insert name here] how may I help you?

Karaniwang opening spiel sa isang call center. Ang trabaho na kinamumuhian ng iba. Pinandidirihan. Kinasusuklaman. Corny daw… until dumating na ang araw ng sahod. 😀 haha!

Pero gaya ko na naging isang Tech support agent dati, alam ko kung ano ang hirap at pagod ng isang call center agent. Karaniwang sinasabi ng mga tao na “madali lang yan, sisiw yan.” Sa makatuwid, kung talagang sisiw ang pagiging agent eh bakit ka nagtiyatiaga sa office life mo na ang sahod ay pang isang kinsenas lang namin? Bakit hindi ka mag call center upang malaman mo na hindi ganun kadali gaya ng mga nakikita mo sa mga larawan. Utak at boses ang puhunan, samahan mo pa ng isang dakot na pasensya.

Noong bagong graduate ako sa kolehiyo, itinaga ko sa bato na hinding-hindi ako tutungtong sa opisina ng callcenter. Buo ang loob ko na ang tatahakin kong daan ay sunod sa kurso kong BS Tourism. Ayoko ng callcenter. Ngunit ang lahat ay nagbago ng isang araw ay may natanggap akong tawag.

2 linggo pa lang ang nakalilipas ng ako ay magtapos sa eskwela (Octoberian), kasalukuyan akong naliligo ng biglang tumunog ang aking telepono. Hindi ko ito sinagot dahil mababasa at malaki ang tsansang masira. Pinabayaan ko lang. Paglabas ng banyo ay saka ko nakita na numero ito ng sa Manila. Hmm… nagtaka ako.

Hindi pa ako nakakapagbihis ay tumawag siya ulit. Sa kabilang linya ay narinig ko ang boses ng isang babae.

“Is this (my real name)?”

“Yes it is, who am I talking to?”

“My name is (someone) I’m from ACS and I’ll be doing a phone interview.”

“Phone interview? can you call me in 5 minutes? I just have to get some clothes on. I’m freezing.”

“That would be fine, I’ll call you back in a few minutes.”

Anak ng tipaklong, ipinasa pala ng kaibigan kong si PJ ang resume ko sa kanilang opisina. Hindi pa sana ako handa magtrabaho kasi kakagradweyt ko pa lang at nais ko sanang abutan pa ang pasko.

Tumawag ulit ang mabait na binibini at ininterview ako sa phone. Pumunta daw ako ng makati for final interview.

Unang totoong job interview ko sa buhay ko. May job interviews naman ako para sa OJT dati pero hindi ko naman yun sineryoso.

Sa unang job interview ko, itim na shirt na may bungo, chuck taylor na butas at cargo pants ang suot ko. Ano bang paki nila eh call center nga eh! hahaha!

Katabi ko sa lobby ang mga matitikas kong katunggali. Bihis na bihis at mabango. Maayos ang pagkakaupo at tila kinakabahan sa interview. Ako naman ay walang pakialam, matanggap o hindi, magpapasko pa rin ako sa bahay. “Win-win situation” walang regrets.

Natapos ang araw na iyon ng matiwasay. Tanggap ako sa trabaho. Unang totoong trabaho ko ay ang pagiging isang call center agent. Kinain ko ang salita ko na hindi ako tutungtong sa ganitong kumpanya.

Moral lesson ng unang yugto?

Maging praktikal sa buhay. Huwag matakot sumubok ng ibang larangan bukod sa natapos na kurso.

Sa pangalawang yugto matutunghayan ang pagpapatuloy ng aking munting karanasan… 🙂

%d bloggers like this: