Home

Ang Ulilang Lubos pt.2

2 Comments

May liwanag ang buhay -Meralco

Bago tunghayan ang karugtong ng kwento ng buhay ni Jeff, basahin muna ang unang bahagi ng kwentong ito dito.

Ikalawang yugto

Nabitawan ni Jeff ang tatlong manggang tangan niya nang siya’y bumaba ng puno. Nawala ang kanyang gutom at gumulo ang kanyang isipan.

“Sino ho ba kayo atΒ  ano po ang nangyari kay itay?” Sambit ni Jeff habang nanginginig ang kanyang boses.

“Ako si Orlando, ninong mo ako. Ang tatay mo, nadisgrasya!!!” Ang nakakagulat na sagot ng misteryosong lalaki.

“Ako ho si Jeff, ikinagagalak ko po kayong makilala kahit ang hatid ninyo ay masamang balita. Ano ho ang nangyari kay itay?” Gulat na tanong ni Jeff.

“Ang tatay Tayso mo! Diyos ko po! Nadisgrasya! Dinala sa ospital!!!” Sagot naman ni Orlando habang kumukumpas pa ang kamay na parang kasali sa isang oratorical contest.

Dagliang tumakbo si Jeff papasok sa kanilang munting kubo at hinablot ang kinakalawang niyang alkansya ng Nido… “Nutritious Milk for Growing Kids”. Kumuha rin siya ng ilang damit na pamalit ng kanyang ama at dali-daling tiniklop ang paboritong nitong Good Morning towel.

Sumakay si Jeff sa tricycle ng kanyang “Ninong”. Sa kabilang bayan pa ang ospital kaya kinuha niya ang pagkakataong iyon para subukang bilangin ang laman ng kanyang alkansya. Pinaharurot ni Orlando ang kanyang tricycle sa bilis na 30km/h, animo’y isang naghihingalong kabayo ang kanyang tricycle. Sabay sa tugtuging “Moves Like Jagger” ng dumadagundong na sound system ng tricycle ni Orlando, pilit kinekwenta ni Jeff ang kanyang munting ipon habang nagdarasal na sana’y magkasya ito sa pangangailangan ng ama.

Magaling magmaneho si Orlando kahit mabagal ang kanyang tricycle. Ang tanging kinatatakutan niya sa kalye ay ang multo sa tulay na kung saan ay dapat siyang bumusina upang hindi umangkas ang white lady sa kanya ng libre. May mga pagkakataon na matapos niyang bumusina, nagiiwan ng P20 ang white lady na umaangkas sa kanyang matuling tricycle.

Makalipas ang ilang sandali, natapos ni Jeff ang kanyang pagbibilang. Ikinagulat niya na sa paunti-unti niyang pag-iipon, nakalikom siya ng P8,888. Biglang pumasok sa kanyang isipan ang pagsali sa mga multi-level marketing business. Naglaro sa isipan niya ang mga salitang “Extra-income, tseke, pairing bonus, cash out, at Power”. Ang P8,888 ay pwede na niyang gamitin para sa ikauunlad nilang dalawa ng kaniyang ama, ngunit naisip din niya na mas kailangan ng kanyang ama ang pera sa panahon ngayon lalo na’t siya’y nadisgrasya.

Naiinip na si Jeff sa malayong biyahe na kanilang tinatahak. Naisip niyang magtanong kay Orlando kung paano niya naging ninong ito, gayong ngayon lamang niya ito nakita.

“Paano ko ho ba kayo naging ninong gayong ngayon ko lang kayo nakita?” Tanong ni Jeff.

“Ano kamo iho?, hindi kita marinig.” Balik ni Orlando.

“Paano ko ho ba kayo naging ninong gayong ngayon ko lang kayo nakita?” Tanong ulit ni Jeff.

Hininaan ni Orlando ang volume ng kanyang sound system sa tricycle na kasalukuyang nagpapatugtog ng “Cemetery Gates” ng Pantera.

“Paano ko ho ba kayo naging ninong gayong ngayon ko lang kayo nakita?” Pangatlong ulit na tanong ni Jeff.

“Isa akong dating OFW, matagal akong nagtrabaho sa Czechoslovakia. Kababata ko ang tatay mo.” Sagot naman ni Orlando.

Hindi na kinausap ni Jeff si Orlando matapos ang tanong niyang iyon. Pakiramdam niya’y nadidistract ang kanyang ninong Orlando pag kinakausap niya habang nagmamaneho.

Malapit nang mag alas-diyes ng gabi ng marating nila ang Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia Hospital. Ang may ari ng ospital na ito ay si Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia, ang pinakamayamang negosyante sa kanilang probinsya. Sadyang napakayaman ng kanilang angkan dahil ang kanyang lolo na lahing kastila na si Don Arnulfo Miguel Escobar Perpecto Cortez del Castro ang nakahukay ng treasure ni Yamashita kasama ang kanyang asawang tsino na si Li Hwa. Sa sobrang yaman nila, hindi mo maaarok ang kanilang ari-arian. Magmumukhang pulubi si Princess Sarah at ang kanyang mina ng mga diyamante. Magmumukhang batang kalye lang si Richie Rich.

Hindi pa man humihinto ang tricycle, sinabihan na agad ni Orlando si Jeff ng “Otoy, bumaba ka na dito at puntahan mo ang tatay mo. Ibibigay ko lang itong susi ng tricycle ko sa valet parking attendant at susunod na ako sayo, bibili lang din ako ng taho latte para makakain ka”.

Bilis-bilisang bumaba si Jeff sa tricycle. Sa kanyang pag takbo, naiwan pa niya ang kanyang mga tsinelas na Rambo. Hindi na ito binalikan ni Jeff, sabik na siyang makita ang kanyang ama at ang kalagayan nito.

Tumakbo siya sa emergency room ng Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia Hospital ngunit…

.

.

.

Wala na ang kanyang ama…

Itutuloy…

[Weekend Post] May ngipin ang batas!

4 Comments

Ang weekend sa Gitnang silangan ay Biyernes at Sabado, Linggo ang simula ng Linggo (ang gulo! waa!) kaya [Weekend Post] ang itatawag ko sa mga post ko na isusulat tuwing weekend.

Isang linggo na ang nakalipas ng pumutok ang balita sa aming opisina na ang aming kumpanya ay inaatake ng aming mga kalaban. Sa madaling salita, parang GMA7 at ABS-CBN.

Nagtatrabaho ako sa isang publishing company dito sa Dubai, Halos karamihan ng makikita mong magazine sa mga grocery, book store, at convenient store ay sa kumpanya namin galing, in other words, parang “SUMMIT MEDIA” sa pinas kung saan sila ang naglalabas ng FHM, Cosmopolitan, Hi!, Ok!, T3, Candy, Smart Living, Entrepreneur etc.

Kaunting butas lang ang masilip ay tiyak na masisira ang reputasyon ng kumpanya, at yan naman ang butas na pinalaki ng aming mga kakumpetensya.

May ngipin ang batas dito sa Dubai, at hindi uso dito ang magbigay sa pulis ng “pampadulas” para makalusot sa atraso.

Isa sa mga batas na mahigpit na ipinagbabawal dito ay ang “sex before marriage.” Kung sa Pinas yan, tiyak na marami nang nakakulong at taon-taon ay may nakalaan nang pondo ang gobyerno (kung hindi makukurakot) para magpagawa ng karagdagang pasilidad.

Isa sa aming kaopisina ang nahuling nakikipagtalik sa dalampasigan ng Jumeira. Babae siya, isang briton. Nakainom ng alak, nakakilala ng lalaki, naginit ang katawan at hindi napigilang magkasala, hindi lang sa mata ng diyos, kundi pati sa batas ng tao. Nang pumutok ang balitang yan, maugong ang naging bulong-bulungan sa office. Media daw kasi kami at dapat kami ang naunang sumunod sa batas. Pangalawa, bihira ang ganyang mga balita dito. Dito kasi, ang bad news ay hindi masyadong nailalabas. Maririnig mo na lang sa ibang kababayan ang mga masamang balita, kung meron mang todo ng sama ng balita ay saka lang naiilathala sa pahayagan.

Wala pa akong isang buwan sa aking trabaho… medyo naguguluhan na ako. Ang aking tanong, dapat bang saluhin ng kumpanya ang pagkakamali ng isa nitong empleyado o isa ba itong personal na atake ng kalaban namin sa industriya? Ito ba ay katulad ng sinasabi noong araw sa school na wag kang pupunta sa beer house, kabaret, bilyaran, karerahan ng kabayo, bidyuhan etc. na suot ang uniporme mong pang eskwela? Hmmm… hahayaan kong kayong mga taga-basa ang humusga.

[Paalam Kababayan…]

Sa loob ng linggong ito, may 3 Kababayang Pinay ang namatay dahil sa isang malagim na aksidente sa kalye. Nagtatrabaho sila sa Ritazza cafe, umuwi gamit ang service vehicle ng kumpanya nang sinapit ang hindi inaasahan. Sa Lahat ng kamag-anak at mahal sa buhay ng 3 nating kababayan, ako ay nakikiramay.

[Moving on…]

Kanina lang narinig ko ang balita na 10 kababayang Pinoy ang “NAKAKAHIYANG” nahuli habang nagpa-pot-session… Hindi ko alam kung maaawa ako sa kanila dahil sasaluhin nila ang bigat ng kaparusahan o matatawa dahil sa katangahan na ginawa nila. Ito ang dahilan minsan kung bakit ang baba ng tingin ng ibang lahi sa mga pinoy.

Nakasagap din ako ng balita na may isang bangkay ng Pinoy ang natagpuan sa basurahan. Malamang ito ay hindi mapapalathala sa diyaryo o mapapanuod sa TV dahil ito ay “bad news” hindi ko rin alam kung ito ay isang exaggeration lang. Hindi kumpirmado ang balitang ito, pero yan ang aking narinig.

May ngipin ang batas sa Dubai… at ayaw kong makagat nito.

Ang Dubai na siguro ang isa sa pinaka-open na lugar dito sa gitnang silangan, pwedeng mag-inom (sa mga hotels) or pwedeng magpadeliber ng patago. May mga mabibili din na karne ng baboy at hindi gaanong istrikto sa pananamit. Pero kahit na binibigyan ng ganitong kalayaan ang mga naninirahan dito, huwag sana nilang kalimutan na ito ay isa pa ring Islamic country. Igalang natin ang kanilang kultura at relihiyon gaya ng gusto nating gawin nila sa atin.

Halo-Halo Espesyal

11 Comments

Babala: Ang limbag na inyong matutunghayan ay naglalaman ng halo-halong kwento.

Santol China, yan ang tawag sa prutas na iyan. Kasing laki lang ng kalamansi at may laman na iisang buto, ang lasa niya ay… oo… tama ka… lasang santol.

Mukhang garden na ang blog ko, puro halaman, bulaklak at prutas na, konting sibuyas na lang at bawang ay pwede nang igisa ang blog ko. Hmm… Parang gusto ko tuloy ng bacon… nakakagutom.

Naglalaba ako ngayon habang gumagawa nitong blog ko, nakakatamad kasi maglaba pag weekend dahil ang gusto ko lang gawin pag weekend ay magrelax, magkulong sa kwarto, maghintay ng mga kaibigan at kamag-anak ko sa pinas na interesado pang malaman ang mga inaatupag ko dito.

Sa ngayon, masaya ako. The storm has passed, and just like a thief in the night, it was fast.

Wala namang bago sa buhay ko bukod sa mga bagong lessons na natututunan ko tungkol sa buhay. 24 na ako at marami nang karanasan, ngunit ang karanasang aking naipon ay kailangan pang linangin upang maging karunungan.

Karunungan na magagamit ko sa paghubog ng aking kinabukasan…

Katarungan para sa carpet na natapunan ko ng tea kanina, hindi ko sinasadya na madumihan ang carpet na kapwa ko pinoy na ang trabaho ay housekeeping ang naglinis. Isang paumanhin, babalikan ko pa sana ang duming aking idinulot ngunit masyado kang mabilis, pagbalik ko ay malinis na. Iba talaga trumabaho ang pinoy, mabilis. Pasensya kabayan. Hindi na mauulit.

Sinuway ko ang sarili kong batas sa aking blog, may mga bagay akong naisulat na hindi nararapat. Sa kadahilanang nabanggit ay tinanggal ko na ang post ko ng “When love and hate collide” first time ko nagbura ng entry. Ouch… naging iresponsable ako sa mga naisulat ko doon. Patawad.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay paurong ang takbo ng relo namin dito sa bahay, ani mo’y napaglaruan ng mga duwende sapagkat counter-clockwise ang takbo ng ng oras. Ito ang mga panahon na sana’y sinabi ko na “if only I could turn back time…” pero hindi, ayaw ko nang ibalik ang nakaraan para itama ang mga mali para lang makuha ko ang gusto ko. Masaya na ako sa kung nasaan, kung sino, at kung ano ang meron ako, wala na akong ibang dapat baguhin sa nakaraan sapagkat ang nakaraan ang naglilok sa aking pangkasalukuyan.

May isang bata ang aking nakilala, itinuro niya sa akin kung paano maging masaya… salamat sa iyo nini, isa ka sa mga dahilan kung bakit masaya ako ngayon. Kulang ang araw ko ng hindi kita nakakakulitan.

Malapit na akong magdalawang buwan dito sa Dubai, mabilis pa rin akong maligaw. Ang tanging lugar na aking nagamay ay ang Satwa, at ang mga bilihan ng streetfood ng indiano na palaging isang malaking surpresa sa aking panlasa. Ngayong darating na weekend, bibili ako ng mapa ng Dubai. Mapa lang ng Dubai ang kailangan ko, may panibago akong misyon at may isang buwan pa ako para maghanda.

Bumibigay na ang laptop ko at wari’y malapit nang magpaalam sa akin. Ang lahat ay kasalanan ko. Payo lang sa aking mga kababayan na magdadala ng laptop sa paliparan, wag ninyong padadaanin sa baggage x-ray ang inyong laptop. Hindi mabubura ang mga files mo sa Hard disk mo pero may ibang bagay na maaaring masira. Simula ng dumating ako dito, unti-unti nang nagloloko ang aking laptop. Para siyang isang kandila, unti-unting nauupos hanggang sa tuluyan nang samakabilang basurahan. Mapapa-iktad (alam niyo ba ang ibig sabihin niyan? hehe) ka rin kung nakasaksak ito at hindi ginagamitan ng baterya, nagmistulang “Arc of Covenant” ang laptop ko dahil sa kuryenteng dumadaloy sa paligid nito. Maarte ang aking laptop. Ayaw sa Dubai.

Isang ordinaryong araw lang sana ang lumipas ngayon, yan ang akala ko. Hindi ko namalayan na palagi pala akong nakangiti sa harap ng monitor ko sa opisina. Mukha nanaman akong tanga… Bakit ako nakangiti?

Ako lang ang may alam… at siya (tao,bagay,hayop,cute) lang ang dahilan… Ngorks!

I Love Dolores…

6 Comments

Pista sa halos lahat ng bayan sa southern tagalog. Sariaya (agawan festival), Lucban (pahiyas festival), Tayabas (mayohan festival), at Dolores Quezon. Festive mood ang lahat. Masaya. Maraming tao. Maraming pagkain.

Pumunta ang buong pamilya namin sa Dolores quezon, isang lugar kung saan lumaki ang aking mahal na ina. Nandun halos lahat ng aking mga kamag-anak sa mother side. Masaya, maraming pagkain, at marami akong nakain na suman.

Ang bawat bahagi ng bahay ng lola ko sa dolores ay aking pinagmasdang maige. Alam ko kasing matatagalan bago ako makabalik sa lugar na ito. Ang mga pinsan kong mas nakababata sakin ay kinulit ko, ang mga tito at tita ko ay kabiruan ko. Wala akong sinayang na oras. Lahat kami iisa ang nararamdaman. Masaya sila na ako’y pupuntang ibang bansa upan makamit ang aking mga pangarap, pero malungkot sila na mapapalayo ako sa kanila.

Close ako sa mother’s side of the family. Lahat ng kamaganak ko doon ay mahal na mahal ko. Simula kasi pagkabata ko ay sa kanila ako may naaalalang mga nakakatuwang bagay, paglalaro ng bangkang papel tuwing malakas ang ulan, pagsakay sa kariton at karitela na hinihila ng kalabaw ng ni Mamay (lolo), paglalangoy sa sabang (ilog), swimming sa bato resort, pagbibisikleta, pagpunta sa malawak na parang (lupain) pangunguha at pagkain ng rambutan, santol china, santol, lanzones.

Wala akong maalala na masamang pangyayari sa Dolores Quezon. Maliban na lamang sa pagpanaw ng aking Mamay (lolo) noong 1997,t sa pagpanaw ng tita ko. Bukod sa mga yan, wala na akong maalalang may dramahan, at kung anu-ano pang iyakan. Lahat ng memories ko masaya. Lahat.

Hindi ko maiwasang malungkot ng pumunta kami sa bahay ng isa ko pang Mamay (lolo), siya ang kapatid ng yumaong Mamay (lolo) ko. Halos splitting image kasi siya ng aking (mamay) na kahit na isang magsasaka lamang (ngunit tisoy) ay nakapagtaguyod ng isang matibay na pamilya. Doon kami kumain ng tanghalian, pagkatapos noon ay hindi ko maiwasang pagmasdan ang mga larawan sa piano. Mga larawan na nagpaalala sakin na kahit na wala na siya (mamay) ay alam kong proud siya sa amin, lalo na sa kanyang mga apo, at apo sa tuhod.

Naging maganda ang araw ko ngayon, ngunit hindi ko maiwasan na malungkot noong panahon na para magpaalam. Iniwasan kong umiyak, nakangiti lang ako habang nagpapaalam, ngunit sa loob ko, para akong pinupunit na papel. Huling sulyap ko sa kanila noong ibinaba ko ang salamin ng sasakyan, at kumaway ako sa kanila ng aking huling paalam… sabay sambit ng “next year ulit…”

Masayang malungkot, mixed emotions…

Ang irony pa, ang ang ang patron ng Dolores Quezon ay ang Our Lady of Sorrows (Latin: Beata Maria Virgo Perdolens) na may pitong sword na nakatarak sa kanyang puso.

Malungkot ako. Kasi mahal ko sila, at mamimiss ko sila…

Kitakits next year…

Manila Boy!

2 Comments

Nandito ako sa Maynila simula noong lunes. Hindi ko dala ang laptop ko kaya parang may “kulang” pero siguro naman hindi ko pa nakikita ang “laptop” ko bilang substitute sa isang tunay na “girlfriend”

Ang buong akala ko, makakauwi na ako ngayon, araw ng martes. Ngunit sa hindi maipaliwanag na paraan eh puro bulilyaso ang lakad ko. Parang gumaganda na alng ang araw ko e pag oras na ng pagkain.

sa Burger king, buy 1 take 1 ang junior whopper. Doon ko ibinuhos ang galit at gutom ko! Anak ng tipaklong! 2 days na ako sa Manila pero wala pang 42.5% ang natatapos ko! (accurate computation yan!)

Hindi ako makakapag-online ng regular ngayong mga darating na araw pero salamat “SAYO!” kasi andiito ka at nagbabasa ng mga kamalasan ko.

Grabe ang init dito sa Manila, sa bawat taon na iginugol ko sa pagtira dito sa kamaynilaan, damang dama ko ang pagbabago sa mga lumipas na panahon. Mainit sa Maynila noon, pero hindi kasing init ng mala-pugon na init na nararanasan ko ngayon. Natulog na ako ng “naka-brief” (sorry, no pictures attached) ngunit nagmistulang iniincubus ako dahil sa pagtagaktak ng aking pawis.

Kahapon (Lunes) nanggaling ako sa NSO upang kunin ang mas pinaganda, mas pinatatag, mas pinakwela kong Birth certificate w/ correction. Sa Wakas! After 3 months! napasakamay ko na ang resulta!

Kanina naman, naghalungkat ako ng mga hidden treasures ko sa aking boarding house. Hanggang Abril lang ang bayad ko ngunit dahil isa na akong “beterano” hindi na ako siningil sa libreng pagtira ko dito. Nagempake ako at ipinagtatapon na ang mga bagay na nagpapaalala sakin ng mapapait na alaala noong college. Anak ng tipaklong, Sa sobrang dami ng gamit ko, noong matapos akong magempake ay halos nangalahati ang gamit ko… Ibig sabihin, puro basura ang kalahati ng gamit ko. Mga gamit na wala nang pakinabang sakin ngunit itinatago ko pa. Hmmm… hindi lahat itinapon ko. Ang iba ay dadalhin ko pag-uwi sa probinsya. Kukuha ako ng malaking lata ng Nido, doon ko sila ilalagay, lalagyan ko ng gas at susunugin. Ayaw ko ng may ibidensya. Ayaw ko na ng mga alaala.

Hindi ko alam kung kelan ako uuwi sa Lucena. Miss ko na ang kama ko at miss ko na ang lutong bahay ng aking ama’t ina.

Nakakasura mang isipin ngunit mukhang matatagalan pa ako dito sa Maynila. Isang lugar kung saan natuto akong maging idipendiyente at mapagsumikap, lugar kung saan kailangan kong magluto para hindi magutom, at maglinis para hindi magmukhang taong grasa ang natutulog sa kama ko. Malapit ko nang iwan ang Maynila, lugar na halos walong taong kumupkop sa akin at humubog sa aking pagkatao. Siguro sa mga huling sandali ko dito, nanamnamin ko ang pulusyong nakasusulasok, at sasabayan ko na lang ng workout ang matinding init para talagang pagpawisan ako ng todo at mailabas ko ang mga toxins ko sa katawan na dulot ng yosi.

Hanggang dito na lang muna, ito ang unang pagkakataon na nagpost ako sa blog ko sa isang computer shop, medyo naiilang ako kasi lumilingon itong katabi ko. Ayaw ko na mabasa niya… kahit na lantad naman sa publiko ang pitak kong ito…

Ang E-mail

3 Comments

Mahilig akong magbsa ng e-mail, minsan may inaabangan pa talaga ako. πŸ™‚ Para sa akin, since patay na ang tradisyunal na “snail mail” at minsan pag bilog ng buwan ko na lang nakikita ang kartero, ok na ang makatanggap ng e-mail galing sa kapamilya at mga kaibigan.

Minsan, pag nakitang kong forwarded message, nag-aalangan akong buksan, malamang kasi eh miracle, miracle nanaman yan, pass to 25 of your closest friends or something bad will happen to you, Mr. Adolfo dela temptasyon lost his life when he did not forward this e-mail. Yung mga ganyang tipong mail na ang sarap ipakain sa kung sino mang gumagawa niyan. Hindi kasi nakakatuwa na may mga taong naniniwala diyan. Isa lang yang e-mail or text message. Hindi yan sumpa. Hindi ka mamamatay pag hindi mo ginawa, hindi mauubos ang kabuhayan mo at mas lalong hindi mauubos ang pamilya mo na parang may fratwar ang sigesige sputnik at batang city jail, hindi mawawala ang pinakamalapit na tao sa buhay mo. Hindi. Hindi. Hindi.

Anak ng tokwa. Maniwala kayo mga pards, sa sobrang dami ng natatanggap kong ganyang e-mail, wala pa akong ibinalik, ipinadala, pinamahagi. Hindi ako naniniwala sa mga ganyang chuk chak chenes. Hanggang ngayon ay buhay pa ako. Ang tanging nangyari sa akin? napuno ang trashbox ng Gmail account ko. Pramis. Kung may kilala kayong namatay dahil hindi sumunod diyan, magpapainom ako!

Dell International Services Pasay Technical Support Specialist

Sa larawang ito, makikita ang namimilog kong mata, Si jem na nasa itaas ko. Si Mikey na may hawak ng gitara, at si Oscar, ang Dennis Trillio ng Batch 12 sa Dell. Kaya lang mukhang natabunan siya.

Kanina pagkagaling ko sa DFA, isang damukal na e-mail galing kay wordpress at sa mga kaibigan ko ang sumambulat sa akin. Yung iba, binura ko kasi alam kong spam. Yung sa wordpress inaprub ko dahil comments. Nakita ko and e-mail sakin ni Jem Joya, Kaibigan ko noong nasa Dell International Services pa ako at kaibigan ko pa rin naman hanggang ngayon. Si Jem ang Boses sa likod ni “Dennis” sa Anime na Ghost figther (pasesnsya jem dahil inilabas ko ang iyong sikreto! haha!). Isang talentadong, mabait at down to earth na tao yan si Jem, pramis. πŸ™‚ May e-mail siya na akala ko isa nanaman sa mga jokes na palagi kong natatanggap galing sa kanya. Hindi siya joke… basahin niyo na lang… forwarded message lang siya pero meron siyang kwenta. πŸ™‚

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan. Kapag dala

ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw

sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan. Maramdamin ang

isang matanda. Nagse-self-pity ako a tuwing sisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan ang

sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng “binge!” paki-ulit

nalang ang sinabi mo o pakisulat nalang. Pasensya ka na, anak.

Matanda na talaga ako.

Kapag mahina na tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong tulungang

tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa

lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at

paulit ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo nalang ako.

Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan.

Natatandaan mo anak noong bata ka pa? kapag gusto mo ng

lobo, paul it-ulit mo ‘yong sasabihin, maghapon kang mangungulit

hangga’t hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtyagaan ko ang

kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda,

amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting maligo. Mahina na ang

katawan ko. Madaling magkasakit kapag nalamigan, huwag mo sana akong

pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinatyagaan kitang

habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako’y masungit, dala na

marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon, magkwentohan naman tayo, kahit

sandali lang. inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang

kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo

na sabik na sabik na akong makakwentohan ka, kahit alam kong hindi

ka interesado sa mga kwento ko. Natatandaan mo anak, noong bata ka

pa? Pinagtyagaan kong pakinggan at intindihin ang pautal-utal mong

kwento tungkol sa iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na ako’y magkakasakit at maratay

sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaan alagaan.

Pagpasensyahan mo na sana kung ako man ay maihi o madumi sa higaan,

pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking

buhay. Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana

ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang

kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na

lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagapalain ka sana … dahil

naging mapagmahal ka sa iyong ama’t ina…

-Written by Rev. Fr. Ariel F. Robles

CWL Spiritual Director

St. Augustine Parish

Baliuag, Bulacan

Reality… Pagtanda natin, sana maging malibog na lolo at lola tayo, masaya tayo at kontento sa buhay na ating inilagi sa mundo. kahit umiihi na siguro ako sa saluwal ok lang, sa future kasi may mga shorts na na hindi nababasa at hindi nangsusulasok ang amoy kahit isang linggong hindi palitan. πŸ™‚

Bati na tayo…

5 Comments

Nagtatampo na ang blog ko sa akin, hindi ko kasi siya kinikibo. Para kaming magkasintahan na nag cool-off at hindi nagpapansinan.

Noong nagkasakit ako, nauunawaan niya siguro na wala talaga akong panahon upang lumikha ng entry, ngayon namang magaling na ako, sana maunawaan niya na na-miss ko rin naman ang outdoors at kailangan kong, mag-inom, mag-yosi, tumambay, magpuyat etc.

Hindi ako tinatamad magsulat, sa totoo lang, bumubulusok ang utak ko ng ideya. Pero kailangan ma-enjoy ko muna ang sarili ko. Matagal din akong namahinga, namiss ko rin mag-bloghop kahit papano. Ang laptop ko na halos isang linggong straight na hindi ko pinapatay, ngayon halos 4 hours na lang bukas sa maghapon.

Iba ang mood ko lately, sobrang bilis ng takbo ng isip ko, pero sobrang bagal ng katawan ko magrespond. Bago ko pa magawa yung gusto kong gawin, ginagawa ko na agad ang kasunod. Malaking tipak ng lakas ang kinuha ng aking mala-trangkasong sakit. Para akong kandila na unti-unting nauupos tapos ngayon ay may sindi na ulit.

Malakas na ako ngayon, konting ubo na lang at sakit ng ulo. Hindi talaga ako sakitin, pero pag tinamaan ako, feeling ko ay dumadaan ang crush ko sa harap ko… hindi ako makagalaw.

Nasurpresa rin ako sa bagong dashboard (control panel ng blog, para sa mga hindi nakakaalam) ng wordpress. Noong first 10 minutes nangangapa ako, pero nang lumaon, medyo alam ko na ang pasikot-sikot. Ang hindi ko lang maintindihan ay ang bagong feature ng pag-uupload ng music files. Hindi kasi tinatanggap ang mp3 format. Sayang naman. Pero siempre, ang downside naman ng pagkakaroon ng music sa page mo ay ang pag-bagal ng loading. Kawawa naman ang mga taga-basa lalo na ang mga nakadial-up. Hindi naman lahat ng PC may speakers, hindi rin lahat ay mahilig sa music.

Bukas ay Lunes, holiday. I’ll make this day a productive one.

Para kay wordpress… bati na tayo… πŸ™‚

Older Entries

%d bloggers like this: