Sementeryo...

Unang Yugto
Pangalawang Yugto

Laking gulat ni Jeff nang malamang wala na ang kanyang ama. Napaluhod siya at nabitawan niya ang kanyang alkansiyang Nido… “Nutritious Milk for Growing Kids”. Hawak ang good morning towel na paborito ng kanyang ama, pinunasan niya ang kanyang mga luha at sipon na dumadaloy sa kanyang malapad na ilong.

Sa di kalayuan ay napansin siya ng isang nars. Nagtataka siya kung bakit umiiyak ang bata.

“Boy, bakit ka umiiyak?” Tanong ng nagtatakang nars.

“Wala na si tatay! Wala na siya! Huuuhuuu…” masuka-sukang sagot ni Jeff.

“Ah, ikaw ba ang anak ni Tasyo?… Wala na nga siya… inilipat na sa ward.” Natatawang sagot ng nars.

Natigilan si Jeff. Ang buong akala niya ay wala na ang kanyang tatay. Dali-dali siyang tumakbo patungo sa ward ng Don Diego Francisco Amorsolo Gerardo del Castro Y Escudero de Garcia Hospital habang hinahabol naman siya ng nars.

Sa ward 123 niya nakita ang walang malay at nakaratay na katawan ng ama.

“Boy, ako nga pala si Weng, ako ang nars na nag-alaga sa tatay mo habang wala pa siyang dumadating na kamag-anak”

“Maraming salamat po manong Weng. Tatanawin ko ho itong malaking utang na loob. Ano ho ba ang nangyari sa kanya?”

“Ang tatay mo, nadisgrasya!!!” Panghihimasok ni Ninong Orlando na bigla na lang sumulpot sa ward.

“Nahulog ang tatay mo sa escalator na pataas ang direksyon… kaya parang walang katapusan ang pagkahulog niya.” Nag-aalalang sagot ni Weng.

“Sa kasamaang palad, 15 minutos ang itinagal ng pagpagulong-gulong niya sa escalator… Mukhang nagkaron siya ng amnesia.” Dagdag pa niya.

“Ano ho yung amnesia?” Tanong ni Jeff, na sa tanang buhay niya ay ngayon lamang narinig ang salitang ito.

“Ehem… ehem… ehem… mawalang galang na ho Nurse Weng pero hayaan niyong ako na ang magpaliwanag sa bata.” Sambit ni ninong Orlando.

“Amnesia is a condition in which one’s memory is lost. The causes of amnesia have traditionally been divided into categories. Memory appears to be stored in several parts of the limbic system of the brain, and any condition that interferes with the function of this system can cause amnesia.”

Laking gulat ni Jeff ng marinig ang sinabi ng kanyang ninong Orlando. Bukod sa magaling magmaneho, ay mukhang matalino pa siya at namemorya niya ang depinisyon ng amnesia sa wikipedia.

“Ang ibig ho bang sabihin ay walang maaalala ang tatay ko?” naiiyak na tanong ni Jeff kay nars Weng.

Lumapit si nars Weng sa tabi ng kama ni Tatay tasyo para ayusin ang daloy swero nito… “Ang iyong ama ay nawalan memorya dahil sa pagkabagok ng ulo nito sa escalator ng maraming beses. Bagamat maari siyang makaalala ng ibang bagay, hindi natin masabi kung alin ang mga ito hanggat hindi siya nagkakaron ng malay. Sa panahong ito, siguro’y mas makakabuti na mamahinga na muna kayo. Stable naman ang kanyang kalagayan kaya hayaan niyo lang siya.”

“Maiwan ko muna kayo diyan, at tawagan niyo na lang ako sa intercom kung sakaling may kailangan ang pasyente.”

“O sige ho manong Weng. Maraming salamat po sa inyo.” Balik na sagot ni Jeff kay nars Weng habang ito ay lumalabas ng ward.

Lumapit si Jeff sa kanyang ama. marami itong mga pasa at sugat na natamo mula sa 15 minutos na pagkahulog sa escalator. Awang-awa siya sa sinapit ng ama. Dahil nais na rin niyang makapahinga ng tuluyan ang kanyang ama ay lumayo na siya at umupo sa isang tabi.

“Ninong Orlando, magpahinga na po kayo at ako na lang po ang magbabantay kay tatay hanggang bukas.” Pakiusap ni Jeff sa kanyang ninong.

“Totoy, ikaw ang magpahinga na, ako na lang ang magbabantay sa tatay mo at gigisingin kita pag nagkamalay na siya. Nakapahinga naman ako sa biyahe dahil matagal-tagal din akong nakatulog.” Sagot niya kay Jeff…

“Paano ho kayo natulog sa biyahe eh kayo ang nagmamaneho ng tricycle? Malaking pagtataka ni Jeff.

“Secret.” Sagot ni ninong Orlando.

Itutuloy…