Habang hinihigop ko ang isang tasa ng mainit na kape, binabasa at nagtatama ako ng mga mali sa website namin sa trabaho, bigla akong napahinto. Naisip ko ang nangyari dito sa opisina kahapon na ikinalungkot ng lahat. Pakiramdam na ano mang oras, mawawala sa iyo ang lahat ng iyong pinaghirapan.

Nandito na si Mr. Recession, tinamaan na ang kumpanya namin sa pamamagitan ng print ads at online advertisements. Noong mga nakaraang linggo lang, mahigit 40 ang natanggal sa aming kumpanya, karamihan ay mga editors ng mga magazine na ini-pullout na dahil mahina ang benta nila at mahina ang print ads nila. Ang iba naman ay naturingang “redundant” kaya na-terminate. Naalala ko pa 3rd quarter last year, mayabang at buong pagmamalaki sinabi ng gobyerno ng UAE na ang Dubai daw ay recession proof at malabo daw na maapektuhan ang Dubai ng krisis. Asa naman ako na totoo yan… hehe!

Kahapon, mahigit 30 ang natanggal sa loob ng isang araw, ito rin ay para sa mga magazines na hindi nakakakuha ng advertisements. Ngunit ang masaklap ay ang kasama namin sa arabianbusiness.com na itatago natin sa pangalang “Noel” ay natanggal din sa trabaho.

Nakakatulala ang umagang ito. Pero mas maayos naman ako ngayon kaysa kahapon. Ginusto ko talagang pumunta sa bahay nina Mumu para may makausap ako kahit konting sandali lang, o kahit mahawakan lang ang kamay niya para lumakas ang loob ko. Alas 2 na ako ng madalng araw nakauwi sa bahay upang matulog, alas 6 y medya naman ako gumigising para pumasok sa trabaho. May mga alinlangan ako sa aming kumpanya, kahit naman sino ay ayaw ng malungkot na surpresa.

Salamat sa kasintahan ko na palaging nandiyan sa saya, at mas lalong nandiyan sakin sa panahon ng kalungkutan at hirap. Mahirap ang mag-isa lalo na kung nasa banyagang lugar ka kung saan ang iyong kinabukasan ay parang palaging nakataya sa roleta ng buhay. Hindi ko alam ang gagawin ko kung mag-isa lang ako, malamang panghinaan ako ng loob, umuwi na ng pinas at magsimula na lang ng maliit na negoso.

Simula nanaman ng bagong umaga, ang lahat dito sa opisina ay tahimik, maraming bakanteng lamesa, ang lahat ay nakikiramdam. Hindi na ako masyadong natatakot. Ano naman ang magagawa ng takot sa panahon na ganito kundi gumawa pa ng mas maraming alinlangan at pakiramdam na ako’y nanganganib na.

Itinataas ko na lahat sa Diyos kung ano ang plano niya sa akin. Walang bagay na permanente at naniniwala akong ang mga bagay na nawala sa iyo ay mapapalitan pa ng ibang bagay na mas maganda.

Naniniwala rin ako sa old Tibetan monk saying galing sa Tibetan Book of the Dead na, “The root of man’s suffering is his wants” o palalimin pa natin sa katagang “Self/soul/ego in Buddhism is the root cause of man’s suffering”

Na ang ibig sabihin ay ang mga tao na nabubuhay sa materyalismo ay mas nahihirapan sa buhay at mas nakakaranas ng mas maraming frustrations. Iyan ay dahil nakatutok sila sa mga “wants” nila, mga bagay na hindi naman ganon ka-importante at isa lang luxury.

Kung ano ang nakalaan sa akin sa roleta ng buhay, Diyos lang ang nakakaalam. Kahit hindi ako maka-jackpot, steady lang. Alam kong andiyan lang ang pamilya ko para sakin, at alam kong andiyan lang si mumu para sakin. Kuntento ako, sapat na ang kung ano ang meron ako ngayon at masaya ako.🙂