Malalim ang sugat na dulot ng ekonomiya
Sakit na di akalai’y aking madarama
Saan nga ba papunta ang ga-mundong problema
Sana’y sa pagbuo ng isang bagong sistema

Maraming nagdarasal na wag sanang tamaan
Ngunit ang hagupit ay sagad sa kalamnan
Hindi inaasahan na hindi maiwasan
Biglang mawawala ang munting ipong pinagpawisan

Ano ba ang ibig sabihin nito?
Ang buong mundo ba ay hindi nagplano?
Pag-asa’y nandiyan lamang, bakit hindi matamo?
Kailangan pa bang tumigil ang pag-ikot ng mundo?

Tag hirap at pagkalugi iyan ang sigaw ng ilan
Trabaho at pangkabuhayan ang para sa taong bayan
Bakit ba pulos reklamo wala na bang sulusyon?
Siguro nga’y meron, hindi lamang sa ngayon

Ilang araw pa ang dapat bilangin
Ilang oras pa ang dapat bunuin
Ilang minuto pa ang dapat ubusin
Para mamulat na ang problema ay sa “atin”

Ang bansa at ang sarili ay sadyang nakagapos
At ito ay hinding-hindi matatapos
Hindi pa huli upang pag-ibig ang humaplos
Sa bansang Pilipinas na naghihikahos

Gising kababayan taas noong harapin
Ang pagsubok na nakalatag ay kayang daigin
Pag-ibig ang sandata, Pag-asa ang baluti
Taas noo pinoy, tayo’y hindi magagapi

Ngayon na ang panahon ng pagbabago
Simulan sa sarili, tiyak hindi matatalo
Kapit bisig, gamitin ang angking talino
Isisigaw sa mundo na “Kaya ko ito”