Ano Ang Gagawin Mo Ngayong Pasko – Ryan Cayabyab – One

Ikalawang beses ko nang magpasko ng wala sa piling ng aking mga mahal sa buhay. Una ay noong nagtatrabaho pa ako sa call center sa Kamaynilaan, Pangalawa ay dito sa Dubai.

Parang kailan lang ng magbitiw ako sa aking trabaho sa Dell upang makasama ang aking pamilya na ipagdiwang ang pasko. Buo na kasi ang loob ko na aalis ako ng bansa upang doon hanapin ang aking kapalaran.

Pebrero ng taong kasalukuyan ng matukoy ko na Dubai ang bansa na aking pupuntahan. Hindi ko ito inaasahan at hindi ko maisip na maipinta sa aking utak na dapat ay may bigote, balbas, rayban at jacket na maong dapat ako para maging swak na swak ako sa pagiging isang ganap na OFW.

Ok din ang pasko dito, konti lang ang pinagkaiba sa Pinas. Sa sobrang konti ay hindi ko mabilang hehe…

Malamig ang simoy ng hangin, hindi na puwedeng lumabas ng bahay ng nakasando lang. Mahirap ata ang mabansagang “Hard Nipples” ng mga kabayan na makakakita. Hehe.

Hindi ko masyadong dinadama ang pasko, siguro ngayong taong ito ay papalipasin ko na lang. Pag lalo kong dinamdam, lalo lang akong malulungkot. Mas mabuti na yung pinapalampas na lang… Parang Valentines lang… tinutulugan.

Hindi ko na rin namalayan na halos wala pala talaga akong pinaghandaan ngayong pasko. Parang naging ordinaryong buwan lang ang Disyembre. Isang Buwan na sa halip na mapuno ng galak ay parang isang panahon lang kung saan tumigil ang aking mundo. Ganito pala pag malayo ka at solo. Nakakapraning…

Ang Christmas wish ko ay isa lang. Hindi materyal na bagay. Hindi rin magkakasya sa medyas. Ang resolusyon ko naman sa darating na taon ay sa New Year post ko ilalagay.

Hindi ako makapag konsenreyt sa pagsusulat ngayon dahil sa ingay ng TV. Alas 10 na ng gabi ngunit Iron Man pa ang palabas. Bukas ko na lang ito itutuloy, pagod na rin ako galing sa trabaho.

-=Kinabukasan=-

Wala na akong mood magsulat ngayon.

Merry Xmas sa Lahat. Sa mga Dumaan lang sa buhay ko, dadaan, at sa mga totoong naiwan… Maligayang bati sa inyong lahat.