Ang tao ay pinagtibay ng panahon, hinasa ng karanasan, at sinubok ng pagkakataon. Ang tao ay hindi likas na malakas, ang pagiging malakas o matatag ay isang kabalintunaan.

Minsan ang tao ay nabibigo, nasasaktan, umiiyak, nalulumbay… nagiging marupok.

Yan ang panahon kung kailan nasusubok ang tunay na mga kaibigan mo o mahal sa buhay. Kadalasan, ang taong may “dinadala” ay kailangan lang naman ng taong makikinig sa kanilang mga problema, hindi naman nila hinihiling na magpayo ka, hindi nila hinihiling na gawan mo ng paraan. Ang kailangan lang nila ay ang makinig sa kanilang mga hinaing. Hindi mo kailangang maging bayani, at hindi mo kailangang maging sulusyon sa kanyang mga problema.

Ang hirap ng mag isa. Minsan ay hinihiling ko na magkatawang tao na lang ang WordPress tutal halos alam na niya ang saya at lungkot na naranasan ko. Mas kilala pa ako ng blog ko kaysa sa ilan sa aking mga kaibigan. Alam kong mahal ako ng mga kaibigan ko, pero sa pagkakataong ito na malayo ako sa kanila, hindi ko sila masisisi kung bakit wala sila sa tabi ko kung kailangan ko ng kausap.

Kung magkakatawang tao si WordPress, siya na siguro si “Ernie” ng Sesame street. Loko-loko ngunit tapat at handang makinig gaya ng ginagawa niya sa kaibigan niyang si Bert, ngunit walang kaibigang perpekto. Noong isang araw lang ay nasayang ang pagkahabahabang post ko dahil ini-block ni wordpress sa kadahilanang “offensive” daw ang mga nakasulat dito. Mabilis naman naresolba ang kaso matapos ang dalawang e-mail sa support team. Nakakaburat lang na may magrereport pa ng blog ko eh bihira na nga akong makapagsulat at hindi naman siguro offensive na maglagay ako ng larawan ng lumang bisikleta, o mga Macro shots ko ng mga bulaklak sa hardin.

Parang isang theraphy na ang pagsusulat sakin. Hindi naman ako adik magblog, siguro dati… pero ngayon hindi na. Marami na rin akong nakasalamuha na iba’t-ibang tao sa aking pitak na ito ang iba ay naging tunay na kaibigan ko, ang iba naman ay naglahong parang bula matapos ang x-links. Wala namang problema sakin yun… Hindi ko kailangan ng maraming kaibigan… kailangan ko lang ng totoong kaibigan.

Anong sarap ng laging may karamay, kahit isang maliit na supot lang ng butong pakwan ang pagsaluhan ay langit na ang kwentuhan. Mga simpleng bagay na na-take-for-granted ko noong nasa Pinas pa ako. Mga bagay na ngayon ko lang napagtanto… mga bagay na hindi matatapatan ng salapi.

Malapit na akong mag-tatlong buwan sa Dubai. Sariwa pa ako dito hindi kagaya ng ibang Pinoy na 5-10 taon na dito nakatira. Pero kahit anong tanggi nila… Hindi ako naniniwala na hindi nila gustong umuwi ng Pilipinas.

Sa kasamaang palad ay magulo nanaman ang isip ko ngayon. Wala nanaman akong makausap, walang mapaglabasan ng sama ng loob, walang mapagkwentuhan ng hinanakit. Parang gusto ko na bigla umuwi ng Pilipinas… yakapin ang dalawa kong pamangkin, makasalo sa pagkain ang aking mga magulang, makausap ang aking mga kapatid. Tunay ngang kay lupit ng tadhana na kailangang sa ganitong paraan ko pa mapagtanto ang mga bagay na dapat ay pinahalagahan ko dati pa.

Sa bawat pag ikot ng kamay ng mga relo, sa bawat pagpilas ng lumipas na buwan sa kalendaryo, para akong pinaparusahan. Dahil alam kong matagal-tagal pa bago ko matikman ulit ang lutong bahay, malanghap ang sariwang hangin, maramdaman ang buhangin ng dagat at hindi ng disyerto.

isa… dalawa… tatlo… apat… lima… anim… pito…

Pitong buwan pa bago ako ulit makatungtong ng lupang sinilangan. Hindi na ako makapaghintay… wala na ring makakapigil. At sa pagkakataong ako’y magbalik sa lugar na aking kinalakhan, lulubusin ko na ang mga pagkakataon na makasama ang aking pamilya, mga kaibigan at ang aking kasintahan.

Tama nga ang sabi nila. Nakakabuang…

Minsan iniisip ko na lang na tao ang unan ko, dalawa kasi ang silbi niya… minsan ay sandalan… minsan ay punching bag. Pero kahit ganun… nandito lang siya palagi. Hindi nagrereklamo. Walang kakibo-kibo.

Pitong buwan pa… para akong pinapatay ng oras. Alam kong mabilis na lang yan… ngunit alam kong hindi lahat ng bagay ng maganda ay nakukuha ng mabilisan.

Handa na akong maghintay. Kahit sa kaunting paraan ay nalinawan ako habang tinatapos ang post kong ito. Kailangan ko ng kausap… ngunit mukhang mas kailangan ko ng pahinga. Pagod lang to, stress sa trabaho. Lilipas din… Sana.