Eto Ang Sayo!

Eto Ang Sayo!

Una sa lahat, nais kong pasalamatan si ifoundme dahil sa pagbabahagi niya ng kwento sa aking pitak. Ang dahilan kung bakit si ifoundme ang napili kong “Contributor” sa aking pitak ay dahil sa siya lang ang taong nakilala ko na kaya akong talunin ng harapan at pagsabihan. Balanse siya. Totoong tao. At nais ko rin siyang pasalamatan dahil lagi siyang nandiyan para balansehin ang aking magulong utak. Para siyang guardian angel na nakasuot ng uniporme ng isang security guard sa banko. Alisto, alerto at laging palaban.

Pangalawa, nais ko rin humingi ng paumanhin kay ifoundme dahil inilabas ko ng sabay ang part 2 at part 3 ng kanyang isinulat. Dahil diyan, buong puso akong humihingi ng kapatawaran.

Ano nga ba ang dahilan kung bakit ako nagpahinga?

a. Depressed ako
b. Marami akong kaaway sa blogosphere
c. Wala na akong oras
d. Hindi na ako masaya
e. None of the above

Ang sagot diyan ay ang letrang “e” at kung paano nangyari yan… tunghayan.

Ibabalik ko kayo sa ika 19 ng Pebrero taong kasalukuyan. Ako ay nag-iisa sa basement at walang magawa. Hindi naman sa pagiging “geek” pero nasawa na ata ako kakabasa ng tungkol sa kung anu-ano sa Wikipedia. Lahat ay ginawa ko upang makalimutan ang lungkot na dulot ng paglisan ng isang babaeng bumihag sa aking pagkatao.

Marupok ako pagdating sa pagpapaalam, ngunit naiitago ko sa panlabas na kaanyuan ko ang lungkot na aking dinadala. Naaalala ko pa ang mga panahon na pinupuntahan ako ng aking kuya sa kwarto, para lang malaman kung nagbigti na ba ako o nagpakalulong na sa sigarilyo at pagpupuyat. Malaki ang naitulong ni kuya sakin. Kailangan ko ng karamay at siya ay nasa tabi ko upang samahan ako. Hindi siya masalita na tao ngunit ang kanyang presensya ay malaking bagay para sa akin.

Sinimulan ko ang pagsusulat sa araw na aking nabanggit sa itaas. Aksidente ko lang nakita ang WordPress. Ang plano ko talaga ay ituloy ang aking pagsusulat sa Friendster blog ko. Nagalak naman ang aking kuya nang kanyang malaman ang bagong outlet ko… ang pagsusulat.

Lingid sa kaalaman ng aking mga kapatid at magulang, mahilig talaga akong magsulat. Nagsimula sa maiikling tula noong Highschool, hanggang sa paglalapat ng liriko sa mga komposisyon ng aming banda. Ang pagsusulat ay isang regalo… na dapat ay maibahagi sa iba.

Lumipas ang mga araw at ako’y nahumaling sa pagsusulat, lahat ng bagay na ginagawa ko, natutuklasan ko, nakikita ko, nararanasan ko, natitikman ko, napupuntahan ko at kalokohan ko ay aking nagagawang isang maikling kwento. Na-enganyo ko rin magsulat sa wordpress ang ilan sa aking malalapit na kaibigan na sina Peach, Pure, Pol, at Marc.

Ang pagsusulat ang naging munting mundo ko upang matakasan ang totoong mundo. Ngunit hindi nagtagal, ang pagsusulat ay naging totoong mundo rin sakin at ang reyalidad ay halos kapantay lang nito.

Malaki ang naitulong na “theraphy” ng blog na ito sa akin. Marami akong nakilala at ang iba sa kanila ay naging kaibigan ko pa. Ngunit ang lahat ng ito ay may kapalit. Walang libre sa mundo, kung meron man ay bonus lang ito.

Bakit ako nagpahinga?

Nang magsimula na akong magtrabaho, nadala ko ang “blog” na ito sa trabaho ko… parang isang sakit na hindi gumagaling, isang multong nagpaparamdam, isang sugat na ayaw maghilom. Maya’t-maya ko sinisilip ang blog ko sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, ako naman ang nagsulat doon kaya alam ko na ang laman. Naaapektohan na ang trabaho ko. Masama na para sa aking career. Hindi na healthy. Sagabal na.

Hindi na “ako” ang blog na ito. Hindi ko na nararamdaman na may kontrol ako sa mga sinusulat ko. Mga bagay na minsan ay nakakasakit sa damdamin ng iba. Bumabalik ang tunay na mixglorioso na hindi kilala ng mga bumibisita sa blog na ito. Matalas ang dila. Walang puso.

Clean fun, outlet, hobby… Yan ang tingin ko sa pitak ko dati.

Ngayon. Hindi ko na alam… tsk tsk tsk…

Hindi ko alam kung ano ang pinairal ko sa mga huli kong post… Talas ba ng isip… o Talas ng aking pananalita.

Kaya humihingi ako ng paumanhin sa mga taong nasagasaan ko. Hindi ko ito sinasadya. Hindi ko hangad na makasakit ng damdamin ng iba. Hangad ko lang ay magsulat. Hindi ko alam kung may tinamaan ako. Kung meron man pasensya na.

Hindi rin ako depressed gaya ng iniisip ng iba, sa katunayan ay masaya ako sa buhay ko at trabaho. Hindi rin ako apektado sa mga lurkers, at sa mga nagkokomento ng walang link. Nirerespeto ko kayo, ang hiling ko lang ay irespeto niyo rin ang pitak ko at ang mga tagabasa nito. Wag naman nating gawing chatroom ang comments section. Wag din nating abusuhin ang paggamit ng space. Hindi ako madamot, hindi lang siya tama.

Puputok na ang utak ko sa dami ng gusto kong isulat, kung maibabalik ko lang ang kahapon, gusto ko sanang bumalik sa madilim na kwarto ko sa basement kung saan nakakahanap ako ng kapayapaan na hindi kayang bilihin ng pera, oras na hindi kayang agawin sakin, at panahon na parang hindi lumilipas.

Limang buwan na ang pitak kong ito. Salamat sa mga palaging bumibisita, sumusuporta at nagiiwan ng bakas sa aking pitak.

Nakakahiya mang sabihin ngunit naging alipin ako ng blogging. Nakakaadik… mahirap tanggalin sa sistema. Kumakati ang daliri pag hindi nakakapag sulat. Nagsusulat ng entry kahit sa panaginip.

Siguro nga ay nawala na ang totoong dahilan ng pagsusulat ko. Lumipas na ang panahon na parang kailan lang. Hindi ko rin inakala na may mga magiging kaibigan ako dito na mas totoo pa sa totoong kaibigan ko. Salamat sa inyo. Muntik nanaman akong tinopak upang burahin ang blog ko… pag nagkataon ay wala nang mababasa ang aking mga magiging apo…

May mga bagay ngayong araw na ito na nagpaalala sakin kung gaano kasimple ang magsulat sakin dati. Mga alaala kung saan ang bawat salita na namumutawi sa aking isipan ay nailalathala ko ng walang alinlangan. Ngunit may mga panahon din na naging alipin ako sa sarili kong kagustuhan.

Para kay Maloi ang Blog na ito. Kung hindi dahil sa kanya ay wala ito ngayon, at siya rin ang naging inspirasyon ko sa karamihan ng naisulat ko dito.

Lumipas ang panahon at nakalimutan ko na kung paano mag-libang sa pagsusulat. Nakalimutan ko ang dahilan kung bakit sinimulan ko ito. Nakalimutan ko na ang pagsusulat ay dapat sa puso galing…

Alas 2 y medya na ng madaling araw dito sa Dubai. Nais ko mang makipag-usap sa kahit na sino ay wala naman akong mahahagilap dahil ako lang ang gising. Kani-kanina lang ay lumindol sa Pilipinas. Sana naman ay ayos lang kayong lahat diyan.

Hindi ko alam kung may babalikan pa ako… matapos akong mawala nang parang bula.

Nagbabalik na ako…

Salamat din kay mai-mai at pupot๐Ÿ™‚ avid readers at tested friends๐Ÿ™‚

At sa nag-iisang master Hokage na “pogi” haha!

[Eto Ang Sayo! Signing On!]

Apir? anong apir?

Taken 2 years ago with my Motorola flinstones mobile phone.

Taken 2 years ago with my Motorola flinstones mobile phone.

YAKAP!!!

[Pahabol: Salamat sa mga bumoto kay Ann Cusi! Balatuhan ninyo ako pag nanalo kayo ng 10,000 ok? para naman makabili na ako ng sarili kong domain, haha! taong grasa ako sa Dubai pasensya na. LOL!]