Naranasan mo na ba ang maipit sa isang sitwasyon kung saan ang dalawa mong kaibigan ay hindi nagkakaunawaan at pareho silang nagbabahagi ng kanilang mga hinaing sa iyo?

Yan naman ang nais kong ibahagi. Ang karanasan kong maipit kung saan ang dalawa kong kaibigan ay hindi nagkakaunawaan at pareho silang nagbabahagi ng kanilang mga hinaing. (Haha! inulit lang eh!)

May mga bagay na ayaw kong malaman dahil ayaw kong makisali o ayaw kong pakialaman, ngunit may mga bagay na kahit anong gawin mong pagiwas ay ikaw pa rin ang tutumbukin sa huli.

Bumalik sa aking mga alaala ang isa sa mga paborito kong na topic noong Psychology student pa ako…

Ang pagsusugal… joke!

Itago mo na ang mga barya mo at wag mo nang tangkain pang pumusta, wala ka sa perya at hindi color game ang nakikita mong larawan sa itaas.

Ang apat na butas sa bintana ng pagkatao o ang tinatawag na “Joharis Window

  • Ang Unang Bintana : Mga bagay na alam mo tungkol sa iyong sarili, at alam din ng mga nakapaligid sa iyo.
  • Ang Pangalawang Bintana: Mga bagay na hindi mo alam tungkol sa iyong sarili ngunit alam ng ibang nakapaligid sa iyo.
  • Ang Pangatlong Bintana: Ang mga bagay na alam mo tungkol sa iyong sarili na hindi alam ng mga nakapaligid sa iyo.
  • Ang Pang-apat na Bintana: Mga bagay na hindi mo inaasahan sa iyong sarili, at ng mga nakapaligid sa iyo, ngunit lumalabas lamang sa mga espesyal na pagkakataon.
  • Ang Panlimang Bintana: Wala kang alam. Dahil binayaran mo lang or sinuhulan mo ng 5 pirasong niyog ang iyong guro noong college. Joke lang, walang ika-5 bintana, hanggang ika-4 lang. hehe!

Ang Ika-apat na bintana ang pinakamahirap maipaliwanag sa lahat. Pag sinabi mo bang espesyal na pagkakataon, ang ibig ba nitong sabihin ay tuwing mayroong may Birthday, 25th Wedding anniversary, Dancing sun sa Agoo, tumugma ang hula ni Madame Auring, nagkabalikan na si Romnick at Sheryl, nanalo ka sa lotto, nalaman mong Adamantium ang iyong buto, Tatay mo si Bill Gates or nagkaron ka na ng boyfriend / girlfriend?…

Mahirap gumitna, para akong papel na mapipilas, para akong hukom na naninimbang. Bakit ayaw kong kumampi sa kahit na kanino? Dahil pareho ko silang mahal dahil kaibigan ko sila.

Ano ba ang kadalasang nangyayari sa mga ganitong sitwasyon?

Eto ang senaryo:

Legend: B1 – Bestfriend 1, B2 – Bestfriend 2

Matalik mong kaibigan sina B1 at B2 (at ang mga kaibigan niyong oso na sina Amy, Lulu, Morgan at si Dodie daga) may naikwento sayo si B1 tungkol kay B2 na hindi maganda, Lingid naman sa kaalaman ni B1 ay napagusapan niyo siya ni B2 at magkaiba ang kanilang kwento. Pinilit mong gumitna pero dahil oso ka lang (tao ka lang) ay kumampi ka kay B2. Nabuo ngayon ang tambalan ninyo ni B2 at wala nang kakampi si B1. Naging maayos naman ang samahan ninyo ni B2 at wala nang pumapansin kay B1.

Isang araw, naglalakad ka sa quiapo at nakita mo si b2 na may kinakausap na animo’y isang malaking saging na nakapajama, pilit mong inaninag ang pagkatao ng kanyang kausap at pilit mong inaalam kung ano ang misteryo sa likod ng tawanan at hagikhikan. Lumapit ka, unti-unti para hindi halata. Nagulat ka sa iyong nakita…

Tumambad sa iyong harapan si B1 at B2. Magkasundo na sila ulit at masayang nagkekwentuhan…

Ngayon, ang tanong… saan ka pupulutin? ngayong bati na si B1 at B2? paano mo ipapaliwanag sa iyong sarili na gusto mo silang maging kaibigan ulit pareho? Maibabalik pa kaya ang dating samahan ninyong tatlo?

Times like these, you need a juicy… juicy fruit gum… or mentos para mas cool ang maging diskarte mo.

Karaniwan, pag naninimbang ka sa dalawang taong malapit sa iyo, nahihirapan ka. Ayaw mo naman silang makitang nag-aaway ngunit hindi mo naman sila mapagbati. Ang pinakamagandang sulusyon na lang ay ang pakinggan ang bawat anggulo ng buong pangyayari at himayin ang katotohanan. Ngunit sa prosesong ito, wag kang magsasalita, dahil oras na may masabi ka na hindi tama, parang dinagdagan mo lang ng uling ang nagliliyab na apoy.

At siyempre pag may kwento ay mayroong “moral lesson”

Ano nga ba ang mga moral lesson na napulot mo sa aking maikling kwento? (may mapupulot ba talagang aral sa kwento ko?)

  • Be a good listener
  • Less talk less mistake, or just keep your mouth shut.
  • Hear both sides of the story
  • Huwag kumampi dahil ikaw ang maiipit sa huli at wala kang karapatang manghusga
  • Si B1 at B2 ay hindi totoo dahil sila ay mga dambuhalang mascot na saging lang
  • Hindi ka Oso (bear)

Hmmm…

Naiipit ako sa sitwasyong hindi ko naman pinili, nagkataon lang na siguro ako ang taong mukhang walang ginagawa kaya sa akin nila nailabas ang kanilang mga hinaing. Superman na siguro ako kung sabihin kong hindi ako nasasaktan sa mga nakikita kong nangyayari. Ayaw kong makitang unti-unting nasisira ang kanilang pagiging magkakaibigan at basta na lang maitapon ang kanilang mga pinagsamahan.

Palagay mo kaibigang Oso? ano ang magandang gawin?

Ayokong makitang magkaaway si B1 at si B2, bakit kamo?

Dahil ayaw kong “Maghalo Ang Balat sa Tinalupan” LOL! hahahaha!