Babala: Ang limbag na inyong matutunghayan ay naglalaman ng halo-halong kwento.

Santol China, yan ang tawag sa prutas na iyan. Kasing laki lang ng kalamansi at may laman na iisang buto, ang lasa niya ay… oo… tama ka… lasang santol.

Mukhang garden na ang blog ko, puro halaman, bulaklak at prutas na, konting sibuyas na lang at bawang ay pwede nang igisa ang blog ko. Hmm… Parang gusto ko tuloy ng bacon… nakakagutom.

Naglalaba ako ngayon habang gumagawa nitong blog ko, nakakatamad kasi maglaba pag weekend dahil ang gusto ko lang gawin pag weekend ay magrelax, magkulong sa kwarto, maghintay ng mga kaibigan at kamag-anak ko sa pinas na interesado pang malaman ang mga inaatupag ko dito.

Sa ngayon, masaya ako. The storm has passed, and just like a thief in the night, it was fast.

Wala namang bago sa buhay ko bukod sa mga bagong lessons na natututunan ko tungkol sa buhay. 24 na ako at marami nang karanasan, ngunit ang karanasang aking naipon ay kailangan pang linangin upang maging karunungan.

Karunungan na magagamit ko sa paghubog ng aking kinabukasan…

Katarungan para sa carpet na natapunan ko ng tea kanina, hindi ko sinasadya na madumihan ang carpet na kapwa ko pinoy na ang trabaho ay housekeeping ang naglinis. Isang paumanhin, babalikan ko pa sana ang duming aking idinulot ngunit masyado kang mabilis, pagbalik ko ay malinis na. Iba talaga trumabaho ang pinoy, mabilis. Pasensya kabayan. Hindi na mauulit.

Sinuway ko ang sarili kong batas sa aking blog, may mga bagay akong naisulat na hindi nararapat. Sa kadahilanang nabanggit ay tinanggal ko na ang post ko ng “When love and hate collide” first time ko nagbura ng entry. Ouch… naging iresponsable ako sa mga naisulat ko doon. Patawad.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay paurong ang takbo ng relo namin dito sa bahay, ani mo’y napaglaruan ng mga duwende sapagkat counter-clockwise ang takbo ng ng oras. Ito ang mga panahon na sana’y sinabi ko na “if only I could turn back time…” pero hindi, ayaw ko nang ibalik ang nakaraan para itama ang mga mali para lang makuha ko ang gusto ko. Masaya na ako sa kung nasaan, kung sino, at kung ano ang meron ako, wala na akong ibang dapat baguhin sa nakaraan sapagkat ang nakaraan ang naglilok sa aking pangkasalukuyan.

May isang bata ang aking nakilala, itinuro niya sa akin kung paano maging masaya… salamat sa iyo nini, isa ka sa mga dahilan kung bakit masaya ako ngayon. Kulang ang araw ko ng hindi kita nakakakulitan.

Malapit na akong magdalawang buwan dito sa Dubai, mabilis pa rin akong maligaw. Ang tanging lugar na aking nagamay ay ang Satwa, at ang mga bilihan ng streetfood ng indiano na palaging isang malaking surpresa sa aking panlasa. Ngayong darating na weekend, bibili ako ng mapa ng Dubai. Mapa lang ng Dubai ang kailangan ko, may panibago akong misyon at may isang buwan pa ako para maghanda.

Bumibigay na ang laptop ko at wari’y malapit nang magpaalam sa akin. Ang lahat ay kasalanan ko. Payo lang sa aking mga kababayan na magdadala ng laptop sa paliparan, wag ninyong padadaanin sa baggage x-ray ang inyong laptop. Hindi mabubura ang mga files mo sa Hard disk mo pero may ibang bagay na maaaring masira. Simula ng dumating ako dito, unti-unti nang nagloloko ang aking laptop. Para siyang isang kandila, unti-unting nauupos hanggang sa tuluyan nang samakabilang basurahan. Mapapa-iktad (alam niyo ba ang ibig sabihin niyan? hehe) ka rin kung nakasaksak ito at hindi ginagamitan ng baterya, nagmistulang “Arc of Covenant” ang laptop ko dahil sa kuryenteng dumadaloy sa paligid nito. Maarte ang aking laptop. Ayaw sa Dubai.

Isang ordinaryong araw lang sana ang lumipas ngayon, yan ang akala ko. Hindi ko namalayan na palagi pala akong nakangiti sa harap ng monitor ko sa opisina. Mukha nanaman akong tanga… Bakit ako nakangiti?

Ako lang ang may alam… at siya (tao,bagay,hayop,cute) lang ang dahilan… Ngorks!