Ako’y nagbalik na galing sa Maynila. Welcome back to me…

Sa aking nakaraang post, naikwento ko ang mga kamalasang inabot ko sa pag aasikaso sa Maynila. Lahat, bulilyaso, lahat tumagal. Pinanghihinaan na ako ng loob na yung mga inaasikaso ko sa Manila ay hindi ko na matatapos at kakailanganin ko pang ipa-DHL yung mga papeles ko papuntang puso ni M abroad. Mauuna pa ako sa mga lecheflaningles na papeles. Pagod na ako, naliligo na sa pawis, at frustrated na sa mga nangyayari sakin sa Maynila. Hindi na ako naniniwala sa “THE SECRET” na naisulat ko sa mga nakaraang posts ko.

Noong lunes, nagtungo ako sa Manila, kinuha ko ang resulta ng halos 4 na buwan kong paghihintay para sa correction ng aking middle name. Ayos na, nakipagpalitan lang naman ako ng pawis sa mga katabi ko sa pila. Dinaig pa ang pista ng Nazareno sa Quiapo sa kapal ng tao sa NSO. Medyo ok pa ang morale ko, positive thinking pa rin ang aking pinaiiral.

Pagkatapos sa NSO, pumunta na ako sa SM Manila upang makipagkita kay Pure, Nagpasama ako sa kanya sa DHL sa 5th floor upang maitanong kung magkano at gaano katagal ang hihintayin ko para sa authentication ng documents ko sa DFA. Ang sumambulat sa amin ay isang magandang babae na solo lang sa maliit na opisina ng DHL. Sinabi niya sakin ang mga dokumentong kailangan ko (Notaryo etc.) bago ko ibigay sa kanya ang mga dokumento ko. Ang proseso naman ay 10-15 days. Napanganga na lang ako hindi dahil masyadong matagal kundi dahil ang ganda ng kanyang brown eyes. LOL! Pag nagkataon, paalis na ako eh wala pa ang mga importanteng papeles na kailangan ko. Pero positive pa rin… hindi pwedeng panghinaan ng loob.

Pumunta ako ng Manila city hall upang magpanotaryo. Smooth ang proseso at ang bilis magtype sa computer ni atorni na para bang isa akong VIP. Ngunit eto na… isang bad omen. Inabot ng 3 try bago naiprint ng maayos ang pinapagawa ko. May naiwan kasing pending na print job sa printer queue. Parang ayaw ata ako bigyan ng notaryo. Parang nananadya na ang tadhana. Gusto ko nang tumayo at gamitin ang TSR skills ko, pero hinayaan ko na lang. Mabuti na lang at hindi naiinip si Pure dahil busy siya sa pagkalikot ng kanyang PSP, ganyang kaming mga single, nalilibang na lang sa video games. haha!

Natapos ang notaryo, kailangan ko daw umakyat sa 4th floor. Pagpunta namin sa 4th floor…
“Iho sarado na kami, bukas ka na lang bumalik ng maaga dahil magkakape pa ako at sinisimot ko pa ang asin na natira sa kinakain kong mani kanina sarado na kami kahit 4:30 pa lang ng hapon.” Nagsimula na nga ang sunod sunod na kamalasan.

Parang wa-epek na si “THE SECRET” hindi ko na madama ang “POWERS”

Martes ng umaga, Nagligpit ako ng mga gamit ko sa boarding house. Pagkatapos noon ay bumalik ako sa city hall para ituloy ang naudlot kong lakad. Ok naman lahat, kasama ko nanaman si Pure, kaya lang eto na…

“Iho eto ang stub, wag mo itong iwawala dahil kailangan mo ito para ma-claim ang pinapanotaryo sa Huwebes. Ipapadala pa kasi ito sa Santo Papa sa Roma at pipirmahan pa ng lahat ng leader ng APEC.

Anak ng tupa. Ang dapat na dalawang araw na lakad ko lang ay magiging isang linggong disappointment. Naubos na ang aking morale sa napakadaling panahon. Dulot na rin ito ng palaging pagpila ng napakahaba sa bawat ahensya na puntahan ko. Para akong alagad ni Moses… matagal na naghahanap ng “lupang pangako…” Ibinuhos ko ang galit sa Dalawang dambuhalang burger sa Burger King! yan ang nakita naming sulusyon ni Pure sa nakaka frustrate kong linggo. Bumalik ako sa DHL sa 5th floor, doon kami nagkita ni Pure, habang wala pa siya, nalaman ko ang nakakalungkot na balita… Ang mahal ng mga rates na inilatag niya sakin, ang masama pa diyan, nalaman kong meron na siyang asawa at anak. Hindi na “single” si Ms. DHL with brown eyes. Double na siya.

Wednesday, araw ng pahinga ko. Sinamahan ko lang ang pamangkin ko sa Chemo niya at regular check-up. Pagkatapos ay kumain muna kami sa Jollibee upang tugunan ang kumakalam kong tiyan. Nagbulsa pa ako ng extrang burger para may baon ako pag-uwi. Hindi inaasahang nandun si Joseph Bitangcol (tama ba spelling?) at talaga namang nagkagulo ang mga crew ng jollibee at panay ang pagpapacute. Pogi siya. Hanggang dun na lang muna. Haha!

Thursday (today) Gumising akong nag-iisip ng paraan upang mapabilis ang proseso ng aking pagaasikaso. Wala na ako sa mood, pero pagharap ko sa maliit na salamin sa banyo ng aming boarding house, tiningnan ko ang aking sarili. Sinabi ko sa sarili ko na “MATATAPOS KO ITO LAHAT NGAYON!” kahit na alam kong may halong “magic” pag nangyari yan.

Bumalik ako sa city hall, ang isinalubong ko sa mga haggard na hitsura ng mga tao doon ay ang aking matamis na ngiti. “Good morning maam’ kukunin ko na po sana yung ipinanotaryo ko sa inyo” bungad ko. “Totoy, akin na ang stub at ako na ang kukuha.” ganting tinig niya. Sa pagkakataon iyon, natuwa ako, hindi ako pumila at hindi ako naghintay, wala pang 5 minuto ay tapos na. Ang saya…

Nag dalawang isip akong pumunta sa DFA para sa authentication ng documents ko. Alam ko kasing madaling araw pa lang ay matindi na ang haba ng pila doon. Pag tingin ko sa relo ko, alas-10 y medya na. Sa trapikong nakikita ko sa kalye, natantsa ko na isang oras ang biyahe. Pero sige, go lang, it’s now or never, nasimulan ko na ang araw ko na maganda, alam kong magtutuloy-tuloy na to… sana…

Bumaba ako sa Libertad station na nangangapa. Hindi ko kasi alam kung ano bang sasakyan ko upang maabot ang DFA. Binunot ko ang yosi ko sa aking bulsa, tumayo ako sa isang tabi at nagmunimuni habang pinagmamasdan ang mga pakwan na nasa kariton na parang nasa loob ng aquarium na gawa sa plastic cover. Matapos ang ilang hithit-buga, sumakay na ako sa jeep na may karatulang “DFA” obvious kaya pinatulan ko na.

Pag dating ko sa DFA, 11:30 na. Sakto, tama ang komyutasyon. Inisip ko na lang na magpalipas ng lunch break ng mga empleyado para ala-una ako ng hapon babalik at sasabak sa pila. Inisip ko nang pumasok sa loob ng DFA, sa sobrang lupit ng pag-kapkap sa akin ni manong sekyu, nadurog ang baon kong hopia sa bulsa ko. Hindi na siya nagsorry nang nakita niya na “beyond recognition” na ang hopia na sana ay “kutkutin” ko habang nagpapalipas oras. Hinayaan ko na lang. Hindi puwedeng sirain ng 6 na pirasong Goldilocks Hopia Monggo ang araw ko. Lumapit ako sa sekyu sa may entrada ng building, “manong ilang araw ang processing ng authentication?” tanong ko. “1 week sir” sagot naman ng halatang excited nang magtanghalian na sekyu.

Tumuloy pa rin ako sa loob, lumapit sa desk at kumuha ng form. Matapos kong punuan ang mga hinihinging impormasyon sakin, pumasok na ako sa loob. Hindi na ako umaasa na mapapabilis pa ang aking ginagawa, nagpasalamat na lang ako at eto na ang huling hakbang na gagawin ko at handa na ako. Sa bawat hakbang ko rin papasok ng silid ng authentication ay pinaplano ko na ang pagluwas ko next week para sa pagclaim ng dokumento.

“Mico!” (Palayaw ko)
“Mico!”

Hindi ako lumilingon. Konti lang ang tumatawag sakin ng “Mico” dahil kilala lang ako sa pangalang iyan noong highschool. Sa kabila ng salamin, nakita ko si “Mr. T” hindi ko puwedeng banggitin ang kanyang pangalan dahil baka “masilip” siya doon ng mga nakatataas ng puwesto. Nakangiti siya sakin at biglang humataw ng “high 5” apir! “Anong ginagawa mo dito?” tanong niya… “magpapauthenticate sana ako” tugon ko naman.

Agad niya akong pinalapit sa window at binigyan ng resibo. “Takbo na sa cashier, baka mag lunch na yun…”

Parang “Amazing Race” ang karipas ko sa pagtakbo. Muntik ko pang makalimutan ang sukli kong 200 pesos. Pagbalik ko sa authentication ay naglalagay na ng gintong selyo si Mr. T, iniabot niya sa kanyang boss ang aking 99% finished na authenticated na dokumento, pinirmahan niya ito ng wala nang kiyeme.

100% finished na ang DFA authenticated na dokumento ko sa tulong ni Mr. T! Ang 1 week na paghihintay, naging less than 20 minutes na proseso. Salamat kay Mr. T!

—Moving on—

Napahiya ako sa sarili ko, lahat ng bagay ay may dahilan… may “POWERS” pa si “THE SECRET” lalo na pag sinamahan mo ng dasal at tiwala sa sarili. Wag mo nang masyadong samahan ng “lakas ng loob” kasi baka masobrahan ka.

Sa pagkakataong ito… muling napatunayan ko ang power ng positive thinking… it really works. Pagtawanan mo na ako, pagtatawanan din kita… hehehehe! Basta ang alam ko, para itong droga. EPEKTIB! PASEETEEB!

Ang lahat ng nangyari sa akin noong mga nakaraang araw ay isang malaking puzzle, magulo. Pero sa huli, mabubuo at makakalikha ng magandang larawan.

Hindi rin halata sa post kong ito na namiss ko ang blogosphere! hahaha! 1,488 words haha!