Nandito ako sa Maynila simula noong lunes. Hindi ko dala ang laptop ko kaya parang may “kulang” pero siguro naman hindi ko pa nakikita ang “laptop” ko bilang substitute sa isang tunay na “girlfriend”

Ang buong akala ko, makakauwi na ako ngayon, araw ng martes. Ngunit sa hindi maipaliwanag na paraan eh puro bulilyaso ang lakad ko. Parang gumaganda na alng ang araw ko e pag oras na ng pagkain.

sa Burger king, buy 1 take 1 ang junior whopper. Doon ko ibinuhos ang galit at gutom ko! Anak ng tipaklong! 2 days na ako sa Manila pero wala pang 42.5% ang natatapos ko! (accurate computation yan!)

Hindi ako makakapag-online ng regular ngayong mga darating na araw pero salamat “SAYO!” kasi andiito ka at nagbabasa ng mga kamalasan ko.

Grabe ang init dito sa Manila, sa bawat taon na iginugol ko sa pagtira dito sa kamaynilaan, damang dama ko ang pagbabago sa mga lumipas na panahon. Mainit sa Maynila noon, pero hindi kasing init ng mala-pugon na init na nararanasan ko ngayon. Natulog na ako ng “naka-brief” (sorry, no pictures attached) ngunit nagmistulang iniincubus ako dahil sa pagtagaktak ng aking pawis.

Kahapon (Lunes) nanggaling ako sa NSO upang kunin ang mas pinaganda, mas pinatatag, mas pinakwela kong Birth certificate w/ correction. Sa Wakas! After 3 months! napasakamay ko na ang resulta!

Kanina naman, naghalungkat ako ng mga hidden treasures ko sa aking boarding house. Hanggang Abril lang ang bayad ko ngunit dahil isa na akong “beterano” hindi na ako siningil sa libreng pagtira ko dito. Nagempake ako at ipinagtatapon na ang mga bagay na nagpapaalala sakin ng mapapait na alaala noong college. Anak ng tipaklong, Sa sobrang dami ng gamit ko, noong matapos akong magempake ay halos nangalahati ang gamit ko… Ibig sabihin, puro basura ang kalahati ng gamit ko. Mga gamit na wala nang pakinabang sakin ngunit itinatago ko pa. Hmmm… hindi lahat itinapon ko. Ang iba ay dadalhin ko pag-uwi sa probinsya. Kukuha ako ng malaking lata ng Nido, doon ko sila ilalagay, lalagyan ko ng gas at susunugin. Ayaw ko ng may ibidensya. Ayaw ko na ng mga alaala.

Hindi ko alam kung kelan ako uuwi sa Lucena. Miss ko na ang kama ko at miss ko na ang lutong bahay ng aking ama’t ina.

Nakakasura mang isipin ngunit mukhang matatagalan pa ako dito sa Maynila. Isang lugar kung saan natuto akong maging idipendiyente at mapagsumikap, lugar kung saan kailangan kong magluto para hindi magutom, at maglinis para hindi magmukhang taong grasa ang natutulog sa kama ko. Malapit ko nang iwan ang Maynila, lugar na halos walong taong kumupkop sa akin at humubog sa aking pagkatao. Siguro sa mga huling sandali ko dito, nanamnamin ko ang pulusyong nakasusulasok, at sasabayan ko na lang ng workout ang matinding init para talagang pagpawisan ako ng todo at mailabas ko ang mga toxins ko sa katawan na dulot ng yosi.

Hanggang dito na lang muna, ito ang unang pagkakataon na nagpost ako sa blog ko sa isang computer shop, medyo naiilang ako kasi lumilingon itong katabi ko. Ayaw ko na mabasa niya… kahit na lantad naman sa publiko ang pitak kong ito…