Home

Food Trip sa Flat Y-9!

16 Comments

Diet

D-I-E-T

Diet

Kung matagal-tagal ka nang umaaligid sa aking blog, alam mo na siguro na medyo bumubuhat ako ng konti at may sinusunod akong diet at green tea (C2 haha!) Epektib naman dahil kahit papano ay nabawasan akong aking “baby fats” sa tagiliran.

Hindi pa ako nakakapag buhat dito sa dubai, ang tanging exercise ko lang ay noong nagkaroon kami ni petsay, ni tito sonny (tatay ni petsay) at kuya boy (siga ng Satwa) sa Jumeira beach. Matapos ang mahabang lakarin… balik nanaman ako sa pagkain ng nag-uumapaw na kanin at malasang ulam.

Kahapon, pumunta sa kanya-kanyang party ang mga tao dito sa flat namin, Sina tito Sonny at tita Malou ay pumunta sa 1st party ng Dubai chapter ng Adamson alumni. Si ate Jacklyn (tita ni petsay) ay pumunta sa chikka grill kasama si Andrew (pinsan ni petsay) Si Nonoy naman at kuya boy ay wala pa at nasa trabaho pa.

Habang walang tao at kami lang ni Petsay ang natira sa flat…

Nakaisip kami ng isang bagay…

Isang bagay na masarap…

Nakakabusog…

…Shawarma

Ngunit ang shawarma ay panimula pa lang sa nakaambang katakawan na aming pinaplano, nagdesisyon kaming kumain muna ng shawarma bago kami magtungo sa West Zone, Isang 24 hour grocery. Bumili kami ng mga kailangan namin para sa food trip, French fries, Drumstick, at paratha.

Isang mainit na kawali ang sumalubong sa Veggie Paratha (Indian bread) na aming binili, sumunod dito ang french fries at fried chicken.

Pagkain…

Sumunod sa babae…

Yan ang aking weakness…

Hahahahaha!

Talagang nagpagalingan pa kami ni Petsay sa pagpresent ng aming pang foodtrip, siyempre kailangan hindi lang masarap ang lasa, masarap din sa mata.

Masarap magluto, at medyo nakakapaso, ewan ko nga ba kung bakit nananakit yung manitka eh hindi ko naman siya inaano… pero ang foodtrip na ito ang isa sa pinakamalupit…

Dalawang veggie paratha, dalawang drumstick, at isang damukal ng letter french fries. Yan ang aming inihain sa aming sarili, kung makikita sa larawan ay kokonti lang ang nakalagay na french fries sa aking plato, yan ay dahil hindi kasya ang natitirang alpabeto na nakahiwalay sa isang mangkok.

Ang fried chicken, masarap, si petsay ang nagluto at nagtimpla ng pampalasa nito, ang french fries naman at medyo mas masarap lang ng konti sa french fries ng Mcdo, Ngunit ang Veggie Paratha…

Isa lang ang kinain ko… tsk tsk… hindi naman ako racist (masyado) pero lasang indiano siya (kahit hindi pa ako nakakatikim ng taong indiano) at medyo hindi ko kaya yung amoy. Isa lang ang kinaya ko, yung kasunod ay inilipat ko na lang ng lalagyan. Hindi naman masama ang lasa, mas matapang nga lang talaga ang lasa nito kaysa sa batang lumaki sa tondo.

Matapos ang kulitan habang kumakain at nang maubos na ang pagkaing nakahain… isa lang ang aking nasabi…

Pagkatapos niyan, kami ay nagtungo na sa DVD player at TV at nanuod ng prison break DVD na binili ni petsay sa isang indianong nagbebenta ng pirata ng patago. Naalala ko pa rin ang amoy ng paratha… masarap sa una… nakakasawa sa gitna at pag tumagal ay palagay ko ay nakakasuka.

Wala munang diet…

Time out! woot!

Mga tulang sariling likha (pt.3)

4 Comments

“Tibok”

Sa bawat landas na aking tinahak
Binibilang ang hakbang at mga yapak
Nagdarasal na sana aking makamtan
Kaligayahang aking inaasam-asam

Bawat tibok ng puso’y aking sinundan
Kahit hindi alam ang kahihinatnan
Parang bulag na nasa kadiliman
Kaunting sulyap ay pinagkaitan

Ngunit sa dulo ay mayrong liwanag
At ang pag-asa ay maaaninag
Walang pagsubok na ‘di malalampasan
Dahil puso ang sinunod makita ka lamang

Ano ang Al-Pakne?

9 Comments

Ang “Al-Pakne” ay hindi isang tindahan ng arabo, hindi ito bilihan ng carpet at mas lalong pugad ng prostitusyon. Ang Al-Pakne ang computer shop na tambayan ko sa Lucena. Noong hindi pa ako nakakaalis ay palagi akong tumatambay dito, hindi ako naglalaro, tumatambay lang, parang sekyu na nagpupuyat habang nakaupo.

Ang Al-Pakne Computer shop na ang pinaka madalas puntahan ng barkada namin. Pag solo ka kasi at wala kang makasama, pumunta ka lang sa Al-Pakne at tiyak na may kaibigan kang matatagpuan doon. Pangalawang bahay ika nga.

Si Allan ang may “ari” (hahaha) ng Al-Pakne, nakilala namin siya dahil ang barkada namin ang “naka-devirginize” sa kanyang shop. Kami ang mga naunang customer at mga naging parokyano.

Nasa Dubai din si Allan, nauna lang siya sakin ng dalawang linggo. Nagkita na muli kami nitong isang araw lang sa Satwa. Siempre kumakanta ako sa isip ko ng “Its a small world after all…” pumunta kami sa mga kaibigan niyang Lucbanin (taga-Lucban Quezon) at kami (kasama ko si Peach) ay pinakilala sa ating mga kababayan dito.

Dahil feeling namin ay turista kami, nagpasya kaming magkodakan sa isang tabi. Yan si Allan, siya ang Willie Revillame ng Quezon Province. Talaga namang mapapa-wowowee ka sa kanyang kagwapuhan! hahaha! Hindi namin kasama si Peach Dahil siya ang kumodak sa amin. Nasa likod namin ang tallest Building sa buong mundo, and Burj Dubai.

Matapos naming pumunta sa flat ng mga taga-Lucban, sinamahan namin si allan na maghanap ng “tocino” at “tender juicy” na talaga namang napaka-makatas! Sa isang 24 hour grocery store kami nakatagpo ng mailap na hotdog.

Matapos ang pagbili niya ng naglalakihang hotdog, Inilibre niya kami ni Peach ng shawarma. Wow libre! game ako diyan! hahaha!

Masarap siya sa halagang 3 Dirhams (P33.00) at malasa. Hindi ko lang alam kung ang naaamoy ko bang sibuyas ay yung nasa shawarma o yung bumbay na kahero. hahaha!

First day high!

8 Comments

Unang araw ko sa Dubai, gabi ako dumating kaya wala akong masyadong makita kungdi ang ilaw sa mga gusaling nasa paligid. Hindi ko pa nararamdaman ang pagiging homesick siguro dahil na rin kasama ko si peach palagi. Madaming Pinoy dito, kaya hindi ko na sila binilang. Sinamahan ako ni Peach sa isang malaking 24 grocery store para bumili ng mga “kulang” ko na gamit dahil over baggage ako. Sa soap department ako ay natawa… C.Y. Gabriel… yan ang sabon na aking nasulyapan! Aba’y akalain mong ang beauty soap ng kuya kong panganay ay meron pala dito! Pero nakaramdam din ako ng kaunting kalungkutan, Hindi pa kasi alam ng kuya ko na nasa Dubai na ako.

2 taon na ang nakakalipas ng magtungo ang kuya ko sa Italy upang makipagsapalaran. Gustuhin ko mang sumunod sa kanya doon, ayaw ko namang maging pabigat sa kanya.

___

Masaya ang naging unang araw ko dito, Mainit pero hindi maalinsangan. Nag-ayos na ako ng gamit sa maleta na maayos kong isinalansan sa aking tukador. Parang nasa QC or Makati lang ako. hahaha! Dami kasing pinoy.

To be continued…

Touchdown!

16 Comments

Pagkatapos maglakbay ng 4,290 Milya mula sa pilipinas, sa taas na 34,000 feet at sa bilis na 512 Km/h sa loob ng 9 na oras. Narating ko rin ang Dubai. Isang bansa na wala sa mga plano ko ngayong taong ito, ngunit napuntahan ko sa tulong ng isang kaibigan.

Sa Australia sana o sa Netherlands ang punta ko ngayong taong ito, ngunit dahil sa pagkakataon at hindi maipaliwanag na dahilan (hindi daw maipaliwanag oh! haha!) Mas pinili ko ang Dubai.

Ilang taon akong hinubog ng Maynila upang maging independent, ito na ang ultimate challenge ksa aking sarili.

Hindi pa ako lumalabas ng bahay, mainit daw sa labas ngayon, naniniwala naman ako sa kanila kasi ang tubig sa gripo ay medyo maligamgam. Nakakulong lang ako sa kwarto at walang ganang kumain, sabik sa kung sino ang mag-oonline sa Yahoo Messenger ko. Mamaya ako magpopost ng mas detalyadong kwento tungkol sa aaking biyahe, Kailangan ko munang punan ang tawag ng kalikasan sapagkat sira/durog/sabog/humihilab ang aking tiyan dahil sa pagkain sa eroplano. Paalam muna. Mamaya ulit! 🙂

Fiesta Despedida! Eto Ang Sayo 3rd month special!

20 Comments

Today, 3 months na ang blog ko. Salamat sa mga bumibisita at sumisilip sa munting pitak kong ito. 🙂

Salamat sa kapangyarihan ng siyensiya, naretrieve ko ang mga naburang pictures sa memory stick ko gamit ang isang libreng program (na buti na lang at walang virus) galing sa internet na ang pangalan ay Pandora. Sa wakas, matatapos ko na ang post na ito. Malamang ito ang huling post ko habang nasa bansang sinilangan pa ako.

Sabado nang magtungo ako sa bahay nina Bluep, inanyayahan niya kasi ako at ang aking kuya (na kaibigang malapit niya) na mananghalian sa kanilang hacienda. Naghanap ako sa paligid ng kanyang malawak na bakuran ng kabayo, baka kasi maka-libre ako ng horseback riding. hehe! Malawak ang lupain nina Bluep, pero napakasimple niyang tao (hindi bola yan) nais ko na siyang bansagang “Bluepanjeet, Lord of Doring court” na parang si Cedie, ang munting prinsipe kaya lang ay tinawanan niya lang ako. Wala rin akong masabi sa pagkaing inihain sa amin, natuwa ako sapagkat ang mga pagkaing iyon ay hindi ko na matitikman sa dxb kaya mas marami ang ulam ko kaysa sa kanin (diet mode). Matapos ang tanghalian, may bote na agad ng beer kaming hawak na parang may nagbabadyang isang malupit na inuman.

Ang beer pala ay parang panulak lang sa talaga namang nakakabusog na piging! nasundan pa ito ng dalawang malaking bote ng Brandy na inangkat pa mula sa mga kastila. Sadyang ang inumang iyon ay nakakatuwa, puno nang palitan ng mga kuro-kuro, at kwentuhan ng mga kalokohan.

Happy Fiesta!

Sa larawan sa itaas, makikita (from left to right) si Bluep, Ako, si Dennis (kaibigan din nina kuya), at ang kuya kong mas mukhang bata pa sakin. Nag-iinuman na kami sa pagkakatong yan, mga bandang alas-2 y medya na ng hapon kinunan ang litratong iyan, hindi pa kami lasing… nakainom lang…

Ngunit nakakahiya (blushing) ang mga sumunod na tagpo…

Sa may di kalayuan, nakarinig ako ng isang tinig…

Isang tinig na dahilan para lumingon ako…

Sa videoke…

Boses ng isang babae… na pinsan pala ni Bluep…

Hindi ako magaling kumanta, nabanggit ko na yan sa iba kong post, pero alam ko kung ano ang pangit at palyadong boses. Sa pagkakataong iyon, hindi ko naiwasang mamangha sa malamig at napakagaling na boses ng pinsan ni Bluep na itago na lang natin sa pangalang Jemae.

Hindi ko rin maiwasang lumingon hanggang mahalata na ako ni Dennis at biniro ako na wag na daw akong pumunta ng dxb dahil nandito na daw sa harapan ko ang dahilan. hahaha! At dahil sa kantiyaw at “setup” sakin ng kuya ko, ni Bluep at ni Dennis, napa-duet tuloy ako sa kanya. Naging crush ko tuloy siya agad. haha!

Singing...

Blushing Moments haha!

Hindi ako balladeer at hindi ako sanay makipag-duet pag kumakanta. Pero naging madali ang lahat dahil nakainom ako, medyo malakas ang loob… hahaha!

Isang malaking ngiti...

Hindi ko maiwasang ngumiti… Bakit kaya? 🙂

Mahiyain daw oh! hahaha!

…Hindi ko maiwasang ngumiti dahil minsan lang ako nakipag-duet, tapos napakagaling pa. Hindi rin ako masyadong lumalapit sa kanya, hindi dahil mahiyain ako, kundi dahil nangingitim ako lalo pag pinagtabi kami. huhuhu! Pero pramis! ang galing niya.

Hmm… nag pramis ako sa sarili ko na hindi ako mag-oopen ng mga ganyang topic sa blog ko. This one is an exemption.

Natapos ang inuman sa bahay nina Bluep ng nakita ko sa aking relo na 7:30 na ng gabi. May pa despedida sakin ang kaibigan ko, isang surprise na nalaman ko rin naman dahil sa galing ng aking radar.

Nahihilo ako ng biglang may nagdoorbell sa aming bahay, si jobel pala ay nasa labas na. Wala pang 15 minutes, dumating na ang iba ko pang kaibigan na may dalang isang cake… Speechless ako nang makita ko ang cake na ibinigay nila… Natuwa ako sa nakasulat…

Maraming salamat sa inyo!

Eto naman ang sayo!

Nagulat ako sa nakasulat… at may mapa pa ng Pilipinas! Salamat talaga!

Kainan na!

Kainan na! medyo matitino pa sila sa larawang yan… wala pang alak. hehe!

Yummy!

Sa larawan sa itaas, makikita ang keyk na napapalibutan ng makukulay na prutas. Yummy!

Eto na ang alak!

Hindi ako “bias” at mas lalong wala akong favoritism, nagkataon lang na sa picture na ito, si emoboyblue nanaman ang “bida” ang pogi kasi niyang nilalang na yan. Kaya mapapansin ninyo na ayaw kong tumabi sa kanya… yan ay dahil pumapangit ako. hahaha!

Friendster...

Nais ko rin magpasalamat kay Benjie alyas bulutong dahil sa iaaalay sana niyang wine sakin. Sayang lang at na-confine siya. Pagaling ka pare!

Mamimiss ko sila...

Hindi ako magbabanggit ng kung anu-ano pang paligoy ligoy para sa mga kaibigan kong ito, sila rin kasi ang ipopost ko sa mga darating na araw… isang sentence lang… “Mamimiss ko sila…”

Party with College F___ fest red cups!

From left to right > Meyn, Duduy, Pure, Em, Alfie, Marc, RB, Ako, Karen, Allan, Roi, Jobel, Gsel, Raquel. Si Andre ang kumuha ng “kodak” kaya wala siya sa picture. Hindi ko alam kung sinasadya yun kasi may timer naman yung camera eh… hahaha!

Hindi ko akalaing ganito karami ang pupunta, pero sa totoo lang, halos kalahati pa lang yan ng barkada, ang iba ay nasa maynila, nagtatrabaho, nasa ibang bansa… nauubos na kami isa-isa… pero matibay pa rin… “SOLID”

At para sa grand finale… ang larawang ito ang magpapatunay na kahit na ilang oras na ang nakaraan ay may “tama” pa rin ang alak na ininom ko sa bahay nina Bluep

I\'m too sexy for my shorts...

Si Andre at Arbby, tulog na… ganyan naman palagi sila, nag-iinom tpos matutulog kaya sanay na kami.

Para sa lahat ng pumunta, maraming salamat! 🙂 Salamat din kay Bluep sa pag-imbita sa Fiesta! 🙂

I Love Dolores…

6 Comments

Pista sa halos lahat ng bayan sa southern tagalog. Sariaya (agawan festival), Lucban (pahiyas festival), Tayabas (mayohan festival), at Dolores Quezon. Festive mood ang lahat. Masaya. Maraming tao. Maraming pagkain.

Pumunta ang buong pamilya namin sa Dolores quezon, isang lugar kung saan lumaki ang aking mahal na ina. Nandun halos lahat ng aking mga kamag-anak sa mother side. Masaya, maraming pagkain, at marami akong nakain na suman.

Ang bawat bahagi ng bahay ng lola ko sa dolores ay aking pinagmasdang maige. Alam ko kasing matatagalan bago ako makabalik sa lugar na ito. Ang mga pinsan kong mas nakababata sakin ay kinulit ko, ang mga tito at tita ko ay kabiruan ko. Wala akong sinayang na oras. Lahat kami iisa ang nararamdaman. Masaya sila na ako’y pupuntang ibang bansa upan makamit ang aking mga pangarap, pero malungkot sila na mapapalayo ako sa kanila.

Close ako sa mother’s side of the family. Lahat ng kamaganak ko doon ay mahal na mahal ko. Simula kasi pagkabata ko ay sa kanila ako may naaalalang mga nakakatuwang bagay, paglalaro ng bangkang papel tuwing malakas ang ulan, pagsakay sa kariton at karitela na hinihila ng kalabaw ng ni Mamay (lolo), paglalangoy sa sabang (ilog), swimming sa bato resort, pagbibisikleta, pagpunta sa malawak na parang (lupain) pangunguha at pagkain ng rambutan, santol china, santol, lanzones.

Wala akong maalala na masamang pangyayari sa Dolores Quezon. Maliban na lamang sa pagpanaw ng aking Mamay (lolo) noong 1997,t sa pagpanaw ng tita ko. Bukod sa mga yan, wala na akong maalalang may dramahan, at kung anu-ano pang iyakan. Lahat ng memories ko masaya. Lahat.

Hindi ko maiwasang malungkot ng pumunta kami sa bahay ng isa ko pang Mamay (lolo), siya ang kapatid ng yumaong Mamay (lolo) ko. Halos splitting image kasi siya ng aking (mamay) na kahit na isang magsasaka lamang (ngunit tisoy) ay nakapagtaguyod ng isang matibay na pamilya. Doon kami kumain ng tanghalian, pagkatapos noon ay hindi ko maiwasang pagmasdan ang mga larawan sa piano. Mga larawan na nagpaalala sakin na kahit na wala na siya (mamay) ay alam kong proud siya sa amin, lalo na sa kanyang mga apo, at apo sa tuhod.

Naging maganda ang araw ko ngayon, ngunit hindi ko maiwasan na malungkot noong panahon na para magpaalam. Iniwasan kong umiyak, nakangiti lang ako habang nagpapaalam, ngunit sa loob ko, para akong pinupunit na papel. Huling sulyap ko sa kanila noong ibinaba ko ang salamin ng sasakyan, at kumaway ako sa kanila ng aking huling paalam… sabay sambit ng “next year ulit…”

Masayang malungkot, mixed emotions…

Ang irony pa, ang ang ang patron ng Dolores Quezon ay ang Our Lady of Sorrows (Latin: Beata Maria Virgo Perdolens) na may pitong sword na nakatarak sa kanyang puso.

Malungkot ako. Kasi mahal ko sila, at mamimiss ko sila…

Kitakits next year…

Older Entries

%d bloggers like this: