Magulo ang pahina ko ngayon, wala akong ginawa ngayong mga nagdaang araw kundi paglalagyan ng kung anu-ano ang pitak ko. Masyadong busy ang mga nagdaang araw, maraming lakad at maraming happenings na kailangang puntahan. Kahapon, Umalis na si Peach pabalik ng Dubai. Malungkot man siya, nag-enjoy naman daw siya sa mga gimik at outing namin ng barkada. Paalam Peach! See you soon!

Dalawang grupo ang meron sa aming magkakaibigan, Ang “Buko-MS” (Buko-Mountaineering Society) na pang-bundok at seryosohang mountaineering at ang lost command na “TEAM 3” na puno ng kalokohan ngunit hindi mo mapapakain ng delata. Kung paano nabuo ang team 3, hindi ko rin alam, pero hindi naman magkaaway ang dalawang grupo, nagkataon lang na 2 ang grupo para magkaron ng balanse. Mahabang paliwanag.

Sa pagkakataong ito, Team 3 ang grupo na pumunta sa Laiya Batangas. Ang grupong team 3 ay ang “pang-masa” group kung saan tipid, kakaunti ang budget, at abot-kaya ang ambagan. Isa lang ang hindi mo kayang gawin sa Team 3. Yan ay ang kumain ng delata. Bukod kasi sakin, si Meyn din ay mahilig magluto. kaya walang dahilan upang hindi kami kumain ng “fresh” na pagkain. Mas gugustuhin ko pa namang maglagay sa bag ko ng 1 kilong liempo kaysa naman sa 3 lata ng Maling. Ang point lang naman eh magtitipid ka na rin lang eh wag mo nang idamay ang pagkain. Hindi ako nakaramdam ng gutom sa Laiya. Palaging busog. Palaging may pagkain. Palaging may alak… hahaha!

Always late

Nakakabuang talaga maghintay sa mga late. Hindi ako late sapagkat dinaanan ako ng jeep sa bahay namin para na rin makuha ang olympic sized cooler na itatakas ko pa sana kay erpats. Ang tatay ko ay adik sa cooler, kung magkakaroon kami ng biglaang lakad sa 5 panig ng Pilipinas, eh hindi ka mauubusan! Meron kaming 3 blue na cooler at dalawang red. Hindi ko alam kung bakit ganun karami pero pramis… hindi ka mauubusan. Pagdating namin sa computer shop na tagpuan, wala pa ring tao kaya nag kwentuhan na lang kami at nagbolahan kahit na alas-6 y medya pa lang ng umaga. Hindi na ata mawawala sa mga lakad ang late. Pero sa pagkakataong ito, medyo nalibang ako, iba kasi ang topic namin… isang sex scandal na aking ikinagulat. Mantakin mong ang aga-aga eh scandal agad ang kwentuhan! boys will be boys…

Libangin mo ako...

Mahirap maglibang ng sarili habang naghihintay. Sa larawan sa itaas, makikita na gumagawa na ako ng kalokohan sa sobrang inip. Dahil sa aking malikhaing effort, hindi ako naiiba sa aking mga katabi. Ang usapang alas 5 ng umaga ay naging alas 7 y medya ng umaga. 2 hours late. Filipino time.

Bigas

Sa kadahilanang wala pa kaming bigas na pang-saing para sa dalawang araw naming pagliliwaliw, tumigil kami sa isang tindahan sa San Juan Batangas upang bumili ng bigas. Hindi katulad sa TV, walang mabang pila dito. Bakit? Kasi wala nang NFA rice dito. Bumili kami ng bigas na nagkakahalaga ng P33.00 per kilo. Hindi na namin sinuri ang kalidad ng bigas na aming binili. Salop-lagay sa plastic-timbangan-bayad-takbo sa jeep-sibat… dahil excited.

Sa hirap may sarap...

Sa bawat hirap, may kapalit na sarap. Kaya naman bago ka makarating sa laiya, halos 2 kilometro muna ng alikabok ang tatahakin mo bago mo maabot ang paraiso. Hindi nakakatuwa ang alikabok, dahil may allergic rhinitis ako. Sa tulong ng aking mahiwagang “green balabal” ay hindi ko nalanghap ang pinung-pino na alikabok. Para silang microscopic pero nakikita sila ng mga mata pag medyo nagkukupol sila. Ayun…

Halos walang pinagkaiba ang Laiya ngayon sa Laiya na dinatnan ko 2 years ago. Maliban sa kaunting development sa mga hotel, resort at cottage sa paligid, simple at malinis pa rin ang Laiya.

Itutuloy…