Buong araw akong tulog ngayong Lunes, 7:30 na ako nagising dahil sa kagat ng langgam. Kinagat at talagang nagpakasarap ang mga langgam sa aking katawan, hindi dahil sweet ako kundi (dahil wala naman akong tao na dapat suyuin dito sa pilipinas) kundi dahil sinisimot siguro nila ang mga nahulog na chips sa aking kama.

Gumising lang ako kanina upang kumain at makita ang aking mga magulang. Sa maniwala kayo o sa hindi, halos buong araw talaga ako nakakulong dito sa basement. Umaakyat lang ako sa taas pag may kailangan ako. Nawala na rin ang hilig ko sa TV. May sarili na rin akong banyo dito sa basement kaya kahit sa pag-ihi, hindi ko sila nakikita, at walang dahilan para makita nila akong umiihi.

Ang dami kong pending na posts sa drafts ko, Yung tungkol sa “Last” Gig namin, Yung Laiya adventure ko, Yung tungkol sa totoong holdapan, etc. Bakit hindi ko sila mai-post? dahil hindi ko pa sila binabasa ng buo para maitama ang typo, grammar (mas sanay kasi ako sa english at hindi sa tagalog, NAKS!) laki ng larawan at dahil sa bagong online game na nilalaro ko.

Hangganga ngayon, pinapagpag ko pa ang sarili ko at mamaya ay magpapalit ako ng kobre kama ko. Gusto kong may katabi ako pagtulog, pero ayoko naman ng isang baranggay na langgam. Ngayon lang ulit ako nilanggam sa kama sa loob ng matagal na panahon. Naalala ko dati noong nagtatrabaho pa ako sa isang callcenter sa Pasay, nakatulog akong kumakain ng chips habang nakikinig sa radyo. Nakapatong ang chips sa aking dibdib ng dapuan ako ng antok. Naalimpungatan ako ng dumating ang maingay kong boardmate, pagkagising ko, naalala kong hindi pa ubos ang chips ko kaya ayun… deretso kain, parang nagpahinga lang ng konti sa pag nguya. MULTITASKING… Yan ang magandang itinuro sakin sa callcenter. Ang hindi ko na lang siguro kayang gawin at ang kumain habang naliligo!

Mamayang madaling araw (dahil plano ko magpuyat) aayusin ko na ang mga pending posts ko, nakakainis kasi na minsan nasimulan ko tapos hindi ko naman tinatapos. Ipagpaumanhin ninyo na baka maraming typo at error ang post kong ito, ayoko kasing idagdag pa sa drafts ang maikling post na ito… baka maging pending din. haha!

Masama ang lasa ng langgam… hindi mo maipaliwanag ngunit nakakasuklam. Hindi ako gumanti ng kagat sa langgam, pero dahil patay pa ang ilaw at liwanag ng screen ng laptop lang ang gamit ko, ininom ko ang coke na nakapatong sa aking workstation (na gawa sa kahon). Ang sama ng lasa! Anak ng tupa! Ang daming langgam! Ang Dami! HUWAAAA!!!