Sa huli kong post, hinamon ko kayo na pumusta na hindi ako mag-oonline at titiisin ko na wag mag-online. Kung pumusta kayo, talo sana kayo, dahil eto ako… isang araw lang nagpahinga at ngayon ay bumalik na.

Hindi ko kinaya ang init sa kamaynilaan, ang kwarto ko sa boardinghouse parang isang malaking pugon (oven). Sa halip na bukas pa ako ng gabi umuwi, faster than a speeding bullet ako nagpasya na lumuwas na pabalik ng probinsiya. Kahapon kasi, natapos ko na ang lakad ko sa NSO kahit na ika-2600th ako! Yung NBI clearance pang abroad ko naman ay parang hangin lang na dumaan, wala pa akong 30 minutes sa pag-aasikaso.

Sa maniwala kayo o hindi, ngayon lang ako kumain pagdating ko sa Lucena. Kahapon, isang maliit na balot ng hopia galing kay aling goldilocks at 2 litro ng c2 lang ang laman ng aking kaha. Hindi naman ako nanghina pero kasumpa-sumpa talaga ang init sa maynila, hindi ko inaasahan na mala-impyerno pala ang lugar na dadatnan ko.

Pagdating ko kanina lang, akala ko walang tao dito sa bahay, wala kasi ang sasakyan namin. Wala pa naman akong susi sa bagong padlock namin dahil ang luma naming padlock eh nadekwat ng magbobote. Nakakatawa mang isipin pero ang padlock na proteksyon sana ng aming pamilya laban sa mga magnanakaw ang siya pang ninakaw ng tinamaan ng kulog na yun. Ang bago naman naming padlock, dalawa lang ang susi, ewan ko kung saang lupalop binili ng tatay ko yun pero hindi ka makakapagpagawa ng duplicate dahil ang susi nito ay walang katulad.

Mabuti na lang at magulang ko lang pala ang wala at sina ate ay kumakain ng hapunan. Ang magulang ko ay nagpaparty, masaya ako pag lumalabas sila. Hindi yan dahil malaya na akong makakapaglakad ng hubo sa loob ng bahay dahil malaya na ako at magagawa ko na ang gusto ko, kundi dahil gusto ko silang nakikitang nag-gu-goodtime. Alam ko kasing madalas pagod din sila at maraming iniisip.

Natuwa naman ako at binayo ng comments ang blog ko, hindi ako comment freak pero natutuwa ako pag may nagrereact kasi nalalaman ko kung sino ang bumasa ng “kung ano” sa blog ko.

Nais ko rin i-welcome sa mundo ng blogosphere si Sushi. Kaibigan din siya ni kuya at ni Bluepanjeet. Kung nabasa ninyo ang 200th post ni bluep, andun siya sa picture doon. Hanapin niyo na lang para may kaunting suspense at misteryo.

Holdap to!!!

Hindi ako naholdap. Picture lang yan noong minsan na lasing kami at napagtripan namin ang bagong ATM ng BDO. Wala lang, lumabas nanaman ang katarantaduhan ko. Ang kasama ko diyan sa picture ay si pol. Si pol ang author ng MY NAME IS PAUL. Siya rin ang drummer/panghatak/chickboy/mr. sex appeal ng aming banda.

Sa ngayon, ay hanggang dito na lang muna ulit, may hahabulin kasi akong inuman kaya eto, nagpalit lang ako ng T-shirt at lalarga na ulit ako. Hindi naman ako masyadong umiinom, gusto ko lang makasama ang mga kaibigan ko. At dahil pare-pareho kaming kuwago, malamang hanggang madaling araw nanaman ang kwentuhan namin.

Bukas ulit! Salamat sa pagbisita at pagbabasa! MWAH! hahahahahaha!