Malapit na akong mag 2 buwan sa mundo ng blogging, at unti-unti ko nang nakikita ang mga “loopholes” na meron dito.

Ano nga ba ang nasa isip ng isang baguhan? Lahat naman nagsimula sa wala, mula sa simpleng mala-diary na entry, hanggang sa tumagal ay kasali na rin sa exchange links at monetizing. Walang masama dito. Ang punto ko lang, lahat ay dumaan sa pagiging baguhan.

Hindi ako savvy pagdating sa mga usapang HTML, hosting, xampp, local:host tsuk tsaks… Maghain ka sa harap ko ng sampung laptop at desktop, kaya kong ayusin yan, bibigyan pa kita ng siopao at mani habang pinapanuod mo ako. Pero bigyan mo ako ng isang problema mula sa mga nabanggit ko sa taas, pramis magbibigti ako, ayokong makialam sa mga bagay na wala naman akong alam, mahirap magmarunong—nakamamatay. Maraming nagsabi sakin na madali lang ang self-hosted wordpress, siguro nga hindi lang ako pamilyar, pero sa mga susunod na araw magbabasa-basa ako para matuto ako. Kung mapapansin ng mga napapadalas sa site ko, ang theme ko ay hindi ko binabago. Bakit kamo?

una, ito ang una kong napili noong gumawa ako ng account.
pangalawa, malamig sa mata.
pangatlo, wala na akong panahon para mag-ayos ng panibagong theme.
pang-apat, nakakalito ang pabago-bagong theme.
panglima, sinungaling ako at hindi totoo ang unang apat na isinulat ko, tamad lang talaga akong magpalit.

Ang blogroll ko naman, araw-araw, walang mintis, binibisita ko yan, once or twice, depende sa dami ng bagong posts na babasahin ko. Minsan nag-iiwan ako ng comment, minsan “no comment” na lang. Prangka ako at matalas ang dila ko kung minsan, pero dahil nais kong baguhin ang ugali kong pagiging “insensitive” humihinga ako ng malalim bago magsalita. Minsan kasi, may mga comment na “may masabi lang” ang pangit ng ganon. Plastik, Orocan, Prinsesa ng Banyera. Nagpapapansin lang at hindi nahuli ni Mr. Akismet para ikulong sa mahiwagang baul ng spam comments…

Alas 3 y medya na ng madaling araw. Anak ng tipaklong puyat nanaman ako. Siguradong pagkagising ko, tanghalian na ang nakahain sa hapag-kainan. Tirik na ang araw. Maingay na ang mga batang naglalaro sa labas ng aking bintana. Tapos na ang lahat ng gawain ng mga kasama ko sa bahay. At ako nagsisimula pa lang ng araw ko.

Busy ako bukas (mamaya). Magsusulat ng liriko para sa gig namin sa linggo. Malamang hindi na ako makakapag-online. Siguro pag nakauwi ako ng maaga, makakapagsulat pa ako, pero pag nauwi sa tambay, kwentuhan at kape, malamang sa linggo na ako makakapaglagay ng bagong entry.

Anak ng tokwa. naging OT (Out of Topic) ang post ko! haha! pero ayos lang yan… Sa mundo ng isang baguhan. Hindi mo maiiwasang magkamali…🙂