Home

Ang self-hosted WordPress – Nakakaburat

2 Comments

Ako ay isang certified laptop/desktop hardware tech. Pero pag iniharap mo sakin ang mga self-hosted, domain, FTP at kung anu-ano pang abubot… aba’y tatawanan lang kita dahil wala akong alam sa mga ganyang bagay. Leave it to the experts ika nga.

Kagabi, pumunta dito sa bahay si Bluepanjeet. 1 longneck at isa’t kalahating lapad ang naubos namin. Pagkakataon ko na sanang matututo kung hindi lang ako nasobrahan sa inom at kwentuhan. First time kasi naming magtuos ni Bluepanjeet sa larangan ng inuman. Kasama rin namin ang kuya ko na kaibigan niya.

Kanina, dahil wala akong magawa at gusto kong palipasin ang hangover na aking kinasusuklaman, nag desisyon akong pakialam ang mga bagay na wala akong alam… ang FTP… Domain… at ang hosting… Pagtatawanan ako ng mga “PRO” kasi sasabihin nila na madali lang… pero mangmang talaga ako sa mga ganyan. Siguro kailangan ko ng 3-5 hours manual “hands-on” tutorial para makabisado ko ang mga tamang paraan sa pag setup ng aking self-hosted WordPress.

Dahil makulit ako kahit lumaki ako sa sinturon ng aking tatay. Eto ang resulta ng aking dalawang oras na pakikipagbuno sa self-hosted chenes na yan… http://mixperoment.site88.net napagana ko siya ng hindi gumagamit ng FTP, ayaw kasi maginstall ng mga leche flaningles na FTP software na gamit ko. Kailangang halungkatin ko pa ang registry ng windows para lang maayos ko yung error. Isang bagay na kaya kong gawin ngunit tamad ako para pagtiyagaan.

Unti-unti na akong natututo, pero palagay ko hindi ko pa ito matututukan ngayon. Madami pa kasi akong inaasikaso at maglalagay pa ako ng reply sa mga comments na hindi ko pa nasasagot.

Sa isang araw, ako naman ang pupunta sa bahay ni Bluepanjeet para sa seryosohang tutorial. hahaha! Tutorial muna bago inuman para maintindihan ko ng lubos.

Kung pinipindot ninyo ang link at ayaw gumana dahil hinaharang kayo ni webhost, hayaan niyo na lang at next time niyo na lang silipin. Basta ako… kakain na lang muna ako… nakakaburat…

Pasensya na rin kung medyo organized chaos ang blog ko ngayon… marami kasi akong tinetesting na ngayon eh palagay ko namang hindi nakakapagpaganda ng hitsura na blog ko. lalong gumugulo hahaha!

Advertisements

Ala Eh! The Laiya Adventure (Photo Gallery pt.1)

6 Comments

Magulo ang pahina ko ngayon, wala akong ginawa ngayong mga nagdaang araw kundi paglalagyan ng kung anu-ano ang pitak ko. Masyadong busy ang mga nagdaang araw, maraming lakad at maraming happenings na kailangang puntahan. Kahapon, Umalis na si Peach pabalik ng Dubai. Malungkot man siya, nag-enjoy naman daw siya sa mga gimik at outing namin ng barkada. Paalam Peach! See you soon!

Dalawang grupo ang meron sa aming magkakaibigan, Ang “Buko-MS” (Buko-Mountaineering Society) na pang-bundok at seryosohang mountaineering at ang lost command na “TEAM 3” na puno ng kalokohan ngunit hindi mo mapapakain ng delata. Kung paano nabuo ang team 3, hindi ko rin alam, pero hindi naman magkaaway ang dalawang grupo, nagkataon lang na 2 ang grupo para magkaron ng balanse. Mahabang paliwanag.

Sa pagkakataong ito, Team 3 ang grupo na pumunta sa Laiya Batangas. Ang grupong team 3 ay ang “pang-masa” group kung saan tipid, kakaunti ang budget, at abot-kaya ang ambagan. Isa lang ang hindi mo kayang gawin sa Team 3. Yan ay ang kumain ng delata. Bukod kasi sakin, si Meyn din ay mahilig magluto. kaya walang dahilan upang hindi kami kumain ng “fresh” na pagkain. Mas gugustuhin ko pa namang maglagay sa bag ko ng 1 kilong liempo kaysa naman sa 3 lata ng Maling. Ang point lang naman eh magtitipid ka na rin lang eh wag mo nang idamay ang pagkain. Hindi ako nakaramdam ng gutom sa Laiya. Palaging busog. Palaging may pagkain. Palaging may alak… hahaha!

Always late

Nakakabuang talaga maghintay sa mga late. Hindi ako late sapagkat dinaanan ako ng jeep sa bahay namin para na rin makuha ang olympic sized cooler na itatakas ko pa sana kay erpats. Ang tatay ko ay adik sa cooler, kung magkakaroon kami ng biglaang lakad sa 5 panig ng Pilipinas, eh hindi ka mauubusan! Meron kaming 3 blue na cooler at dalawang red. Hindi ko alam kung bakit ganun karami pero pramis… hindi ka mauubusan. Pagdating namin sa computer shop na tagpuan, wala pa ring tao kaya nag kwentuhan na lang kami at nagbolahan kahit na alas-6 y medya pa lang ng umaga. Hindi na ata mawawala sa mga lakad ang late. Pero sa pagkakataong ito, medyo nalibang ako, iba kasi ang topic namin… isang sex scandal na aking ikinagulat. Mantakin mong ang aga-aga eh scandal agad ang kwentuhan! boys will be boys…

Libangin mo ako...

Mahirap maglibang ng sarili habang naghihintay. Sa larawan sa itaas, makikita na gumagawa na ako ng kalokohan sa sobrang inip. Dahil sa aking malikhaing effort, hindi ako naiiba sa aking mga katabi. Ang usapang alas 5 ng umaga ay naging alas 7 y medya ng umaga. 2 hours late. Filipino time.

Bigas

Sa kadahilanang wala pa kaming bigas na pang-saing para sa dalawang araw naming pagliliwaliw, tumigil kami sa isang tindahan sa San Juan Batangas upang bumili ng bigas. Hindi katulad sa TV, walang mabang pila dito. Bakit? Kasi wala nang NFA rice dito. Bumili kami ng bigas na nagkakahalaga ng P33.00 per kilo. Hindi na namin sinuri ang kalidad ng bigas na aming binili. Salop-lagay sa plastic-timbangan-bayad-takbo sa jeep-sibat… dahil excited.

Sa hirap may sarap...

Sa bawat hirap, may kapalit na sarap. Kaya naman bago ka makarating sa laiya, halos 2 kilometro muna ng alikabok ang tatahakin mo bago mo maabot ang paraiso. Hindi nakakatuwa ang alikabok, dahil may allergic rhinitis ako. Sa tulong ng aking mahiwagang “green balabal” ay hindi ko nalanghap ang pinung-pino na alikabok. Para silang microscopic pero nakikita sila ng mga mata pag medyo nagkukupol sila. Ayun…

Halos walang pinagkaiba ang Laiya ngayon sa Laiya na dinatnan ko 2 years ago. Maliban sa kaunting development sa mga hotel, resort at cottage sa paligid, simple at malinis pa rin ang Laiya.

Itutuloy…

The Laiya Beach Batangas Adventure

5 Comments

Coming up!

Tantararan!

Sino Ang Tunay Na Baliw?

8 Comments

Note: Awitin ang sumusunod na salita sa tono ng “May pulis sa ilalim ng tulay”

May butas, ang laki, ng butas, sa ilalim ng dagat…
May butas, ang manok, ng tiyan, sa bigas, sa ilalim ng dagat…
May butas, may pari, may butas, may butas…
May butas ang talong na hilaw sa ilalim ng dagat…

…Magulo…

Ngunit totoo…

Yan ang awitin ng isang baliw na nakatira sa kanto ng street namin. Isang matandang babae na nasa early 50’s. Maraming istorya kung bakit siya nabaliw. Ang sabi ng aking mahal na ina, nakasama pa daw niya noong college ang babaeng iyon sa kursong nursing. Maganda daw at matalino ang babaeng iyon, ngunit sa isang iglap lang, nawala ito sa katinuan. Nagtungo daw ito sa isang liblib na lugar upang maging intern, pagbalik ay tulala na at wala na sa sarili.

Kagabi pag-uwi ko ng bahay, nagyosi muna ako ng isang piraso sa kanto. Andun siya at nakaupo sa lupa. Hindi na ako nagtangkang tulungan siya sapagkat may history siya ng pananakit sa mga taong hindi naman niya kilala. Habang nakaupo ako sa gutter (kanal na may mala-batis na tubig na dumadaloy) pinagmasdan ko siya. Wala akong magawa. Nakakalungkot lang na may mga taong hindi mapaghiwalay ang totoong buhay sa hindi totoong bagay. Napaisip ako… Ano nga kaya ang tumatakbo sa isip ng isang baliw? Naging Psychology student ako noong college bago ako nagshift sa kursong turismo. Hindi ko na naabutan ang pagaaral tungkol sa mga mental patients.

Habang nag-iinit ang puwit ko sa pagkakaupo, tinitigan niya ako… isang malamig na titig na para bang may nais siyang sabihin sa akin, na parang may taong nakakulong sa katawan ng isang may problema sa pag-iisip na gustong sumigaw… Sabay inawit niya ang kantang “may pulis, may pulis sa ilalim ng tulay…” na gamit ang kakaibang lyrics. Kahapon ang post ko ay tungkol sa pagkakamali ko lyrics tuwing kumakanta ako sa banda namin. Parang coincidence na yan ang narinig kong kanta. Mali ang lyrics. Kathang isip ng isang taong walang totoong “reality”, walang kamuang-muang.

Sa may di kalayuan, may mga batang sa tingin ko ay highschool na… tinatawanan nila ang kawawang ale na nakaupo sa lupa at kumakanta gamit ang lyrics na siya lang ang nakakaunawa. Paano nga ba nagkaron ng talong na hilaw sa ilalim ng dagat? siya lang ang nakakaalam, sapagkat sa mundo ng isang baliw, walang imposible.

Sino ba ang tunay na baliw?

Sila ba na walang mundong alam kundi ang sarili nilang reyalidad na tanging sila lang ang may alam at sila lang ang kumokontrol? O tayong mga nasa tamang pag-iisip na gumagawa ng mali at lumalapastangan sa isat-isa? Magulo, ngunit sa mundo ng isang baliw, ang reyalidad ay kaya niyang baluktutin.

Ang mga titig niya sa akin ay nakakatakot… Nanindig ang aking mga balahibo at napahithit ako ng yosi sa kaba… Ngunit habang naglalakad ako pauwi ng bahay, naintindihan ko na ang ibig sabihin ng kanyang titig… isang reyalidad na sakin ay tumama… Isa lang ang kailangan ng mga taong may problema sa pag-iisip… Iyan ay ang kalinga at ang ating pagunawa.

Kakauwi ko lang galing sa Maynila, naisip ko kasing magrelax-relax… as if relaxing naman ang ambyans sa Maynila. Hehe. Nakakapagod ang biyahe… tsk… tsk…

At sa wakas… nagsimula na ang kaibigan kong si Pure (pu-re) na magsulat sa kanyang blog. Matagal ko nang kaibigan si Pure, at tulad ko ay hitik na hitik din siya sa katarantaduhan. 🙂 Click niyo lang blog niya sa Blogroll ko. 🙂

Ang Huling Pagtatanghal sa Entablado (Genuflect Gig pt. 1)

10 Comments

Ang Aking Banda… Ang GENUFLECT

Ang buhay isang musikero, magulo, masalimuot, masaya, nakakapagod at nakakarimarim. Walang pera sa pagbabanda, ito ay isang libangan na nagsimula lang noong naging sesyonista ako sa ibang banda noong Highschool. Nagkaroon ako ng Banda noong 2003, sarili kong banda… hindi ako sesyonista.

Marami nang pinagdaaanan ang banda namin, nagoyo na kami at tinakbuhan sa bayaran, na-late sa ibang performance, hindi naka-attend sa mga commitments at tumugtog kahit na disabled ako.

Ang pagbabanda sa akin ay isang libangan, hindi ako kikita dito, tama na ang isang libreng bote ng redhorse sa isang performance. Sapat ng kabayaran ang palakpakan sa bawat kantang matapos namin.

Noong last week lang, huling akyat ko na sa entablado kasama ang aking bandang Genuflect. Sa pansamantalang panahon, iiwan ko muna ang industriyang akin nang minahal. Alam kong dadating din kami sa oras na magkakahiwahiwalay kami at tatahakin ang ibat-ibang ruta ng buhay. Nagkataon lang na ako ang kailangang umalis. Ibinilis ko na kay Meyn (Guitars) at kay Paul (Drums) na humanap na muna ng ibang bokalista habang wala ako, at kung gagawa sila ng desisyon na malaki ng wala ako ay ituloy lang nila. Ayokong maging hadlang sa kaligayahan nila, tulad ko, mahal nila ang mundo ng musika.

Masaya naman ang huling gig namin, madaming kaibigan ang pumunta at marami ring tao ang nanuod. Disappointed lang ako dahil tinawag na “METAL NIGHT” ang gabing iyon dahil mga metal na banda lang ang tutugtog ngunit marami pa ring “EMO” at “ALTERNATIVE” na nakalusot. Hindi naman ako galit sa mga Genre na yan, kaya lang sana kung may tema ang isang production, sana naman matupad, kasi pinaghandaan namin ang pagtatanghal na iyon at ng ibang bandang metal. Sana naging propesyonal naman sila.

Less Talkie, More Photography… eto na ang mga larawan na kinunan sa gig namin, ipagpaumanhin ninyo ngunit hindi lahat ay ipo-post ko sa kadahilanang talagang nakakaumay tumingin sa larawan na halos lahat ay kasali ako… bakit kamo? kasi blog ko to… ngorks! hahahaha!

Sa larawan sa itaas, makikitang nakapikit ako pagkanta ko… Ngayon lang ako nagperform ng walang suot na shades, halos lahat ng gig namin, kahit madaling araw na ay may shades akong suot. Ayoko ko kasi ng makikita akong nakapikit sa mga pictures. Pero sa pagkakataong ito, wala akong shades, kung bakit? wag niyo na lang alamin sapagkat isang mahabang istorya. Noong hapon, bago kami magperform, pinapili ako ni Meyn ng Shades na gusto kong isuot, pinapahiram niya ako sapagkat alam niyang hindi ako kumakanta ng walang suot na ganito. Sa gulat niya, tumanggi ako… 🙂 Huling pagtatanghal na… hindi ko na kailangan ng shades upang maitago ang aking mga mata…

Kahit hindi ako kumakanta, nakapikit pa rin ako, iminumulat ko lang ang aking mga mata pag medyo nakakatulog na ako sa entablado. HEHE!. Dati na akong walang hiya, noong HS pa lang eh marami na akong kalokohan at katarantaguhang ginagawa sa harap ng klase lalo na pag wala ang mga guro. Pero noong panahon na nagbabanda kami, nagkaron ako ng stage-fright, isang pobya na medyo nahirapan akong malampasan. Pero ngayon ok na ako, hindi naman ako takot sa mga tao, takot lang ako na magkamali ako lalo na sa lyrics. Naalala ko yung gig namin na kasama namin yung Aegis, kumanta ako ng “Your love” ng Alamid. Ang lyrics ko ay “Your love is like the sun, that lights up my whole world, shenanganan insahiyayd. Your love is like a river la la la la la la, shenshenenen insahiyayd…” Hahaha! Maraming nakapuna sa pagkakamali ko, lalo na yung mga kaibigan namin. Nakakatawa yung experience kasi hindi na kami nagcocover ng mga kanta, bihira na. Kaya nahirapan akong magmemorize ng kanta, ayun… kailangan kong magtumbling sa stage para makalimutan nila ang pagkakamali ko… yung tipong sasabihin ng nanunuod ay… “Nagkamali siya sa pagkanta nakaka… OY tingnan niyo! nagtumbling! ang galing!!! whooo!!!! astig!… ano nga ba yung sinasabi ko sayo?” Kailangan mong magtumbling para makalimot ang mga nanonood… or kung nagkamali ka… kailangan galingan mo yung sa kasunod na kanta at wag mag-iimbento ng lyrics na shenenen dahil walang ganyang lyrics… Yan ang natutunan ko…

Tapos na sana ang performance namin sa loob ng 3 kanta, ngunit dahil huling el bimbo na namin to, hindi na namin pinalampas at pinatulan na namin ang mga sumisigaw ng “more” hindi kami nageextend ng performance, ito ay bilang respeto na rin sa ibang kapwa namin musikero na kasunod namin sa lineup. Pero dahil ang EX-GF ko ang next na tutugtog, pinagbigyan na kami, mahal pa nga siguro niya ako… Hahaha!

Sa susunod makikita niyo pa ang ibang larawan… kung maraming magrerequest, ilalagay ko rin picture ng EX ko…. hahahaha!

Itutuloy…

Walang Ending Ang Pending

2 Comments

Buong araw akong tulog ngayong Lunes, 7:30 na ako nagising dahil sa kagat ng langgam. Kinagat at talagang nagpakasarap ang mga langgam sa aking katawan, hindi dahil sweet ako kundi (dahil wala naman akong tao na dapat suyuin dito sa pilipinas) kundi dahil sinisimot siguro nila ang mga nahulog na chips sa aking kama.

Gumising lang ako kanina upang kumain at makita ang aking mga magulang. Sa maniwala kayo o sa hindi, halos buong araw talaga ako nakakulong dito sa basement. Umaakyat lang ako sa taas pag may kailangan ako. Nawala na rin ang hilig ko sa TV. May sarili na rin akong banyo dito sa basement kaya kahit sa pag-ihi, hindi ko sila nakikita, at walang dahilan para makita nila akong umiihi.

Ang dami kong pending na posts sa drafts ko, Yung tungkol sa “Last” Gig namin, Yung Laiya adventure ko, Yung tungkol sa totoong holdapan, etc. Bakit hindi ko sila mai-post? dahil hindi ko pa sila binabasa ng buo para maitama ang typo, grammar (mas sanay kasi ako sa english at hindi sa tagalog, NAKS!) laki ng larawan at dahil sa bagong online game na nilalaro ko.

Hangganga ngayon, pinapagpag ko pa ang sarili ko at mamaya ay magpapalit ako ng kobre kama ko. Gusto kong may katabi ako pagtulog, pero ayoko naman ng isang baranggay na langgam. Ngayon lang ulit ako nilanggam sa kama sa loob ng matagal na panahon. Naalala ko dati noong nagtatrabaho pa ako sa isang callcenter sa Pasay, nakatulog akong kumakain ng chips habang nakikinig sa radyo. Nakapatong ang chips sa aking dibdib ng dapuan ako ng antok. Naalimpungatan ako ng dumating ang maingay kong boardmate, pagkagising ko, naalala kong hindi pa ubos ang chips ko kaya ayun… deretso kain, parang nagpahinga lang ng konti sa pag nguya. MULTITASKING… Yan ang magandang itinuro sakin sa callcenter. Ang hindi ko na lang siguro kayang gawin at ang kumain habang naliligo!

Mamayang madaling araw (dahil plano ko magpuyat) aayusin ko na ang mga pending posts ko, nakakainis kasi na minsan nasimulan ko tapos hindi ko naman tinatapos. Ipagpaumanhin ninyo na baka maraming typo at error ang post kong ito, ayoko kasing idagdag pa sa drafts ang maikling post na ito… baka maging pending din. haha!

Masama ang lasa ng langgam… hindi mo maipaliwanag ngunit nakakasuklam. Hindi ako gumanti ng kagat sa langgam, pero dahil patay pa ang ilaw at liwanag ng screen ng laptop lang ang gamit ko, ininom ko ang coke na nakapatong sa aking workstation (na gawa sa kahon). Ang sama ng lasa! Anak ng tupa! Ang daming langgam! Ang Dami! HUWAAAA!!!

Mabilis lang to pramis…

5 Comments

Kakauwi ko lang galing sa laiya… sumilip lang ako… 🙂

nais ko nga palang hingin ang YM id ng mga taong umaaligid sa blog ko… add ninyo lang ang mix11013 na username ko. Grabe… Basag ako… inuman, fatty foods, init ng araw… haaay… todohan ang naging Laiya experience ko.

Matutulog na muna ako… haaaay…

ZZZZ

Older Entries

%d bloggers like this: