Ang unang post ko na ako ay galit, at may halong pulitika, isang bagay na ayaw kong bumahid sa masayang blogsite ko…

Kalahating araw ng katotohanan…

Ilang araw din akong hindi nagsusulat, marami rin akong dahilan para mapunuan ko ang mga katanungan niyo kung bakit.

Kanina, galing ako sa LTO magrerenew sana ako ng lisensya ko na wala nang bisa, pero dahil marami nga akong dahilan, ayun… inabot ako ng cut-off at bukas na daw ako bumalik. Ganyan sa bansa natin, ang ahensya ng gobyerno ang umaalipin sa mga tao, san ka pa? minsan 3:30pm pa lang, nakataas na ang paa sa lamesa habang kumakain ng mani. Cut-off.. yan ang salita at gawain na dapat tanggalin sa gobyerno natin. Mauunawaan ko na cut-off kung dumating ako ng alas-4 ng hapon, pero dumating ako sa LTO ng ala una y medya, kakatapos lang ng lunch break! waaa! hindi ko naman nilalahat ang mga empleyado doon, pero nakakabanas talaga. tsk… tsk… tsk…

Dahil diyan pumunta na lang ako sa DFA, tiningnan ko ang requirements para makapag renew ng passport ko para pagpunta ko sa isang araw ay plantsado na ang mga papeles na kailangan ko. Ang daming tao doon, parang may mall tour si John Lloyd Cruz, si Sharon Cuneta, si spongebob at si batman sa dami ng tao. Parang andoon si Eddie Gil at namimigay ng pera, parang mga langgam na nakakita ng isang tipak ng kendi. Grabe, kung kailan na-computerize ang ahensyang ito, saka naman naging parang usad kuhol ang serbisyo. Inilista ko ang requirements sa cellphone ko habang nakatingin sa nakapaskil sa pader na tarpaulin. May dumating na magjowa at sa sobrang kapal ng mukha ay inangkin nila ang tarpaulin, gusto ko sanang sabihin na itutupi ko na yung tarpaulin at iuwi na lang nila sa bahay. Pinigilan ko ang sarili ko at itinutok ko na lang ang ulo ko sa aircon para lumamig. Pag-alis ng magkasintahang garapal, saka ko itinuloy ang aking misyon, tinapos ko na agad upang makaalis na sa lugar kung saan ang oras ay “slow-motion”

Dati noong hindi pa computerized, 2 weeks lang ang pagkuha ng passport… Ngayon 20 days na! aba! Sana nagsulat na lang sila ng alibata sa dahon ng saging, tapos ipapaskil mo ang picture mo sa may tangkay. Mas mabilis pa yun sa alas kwatro, wala nang mga digital picture ek-ek na hindi ka pa handa ay pinipindot na.

Hindi ako taong reklamador, pero hindi rin naman ako bulag para hindi makita ang mga “flaws” nakakainis na yung pinaghihirapan mong suweldo ay kakaltasan ng ubod ng laking tax tapos wala ka namang ma-hita sa serbisyo. Kaya dapat ang Pinoy, maging pasensyoso ngunit alerto, kung hindi, masisingitan ka sa pila ng ibang kababayan natin na balasubas.

Wala tayong magagawa kung puro tayo reklamo pero wala namang kibo, pero sana yung mga nagseserbisyo sa bayan sa bawat ahensiya ng gobyerno ay magkaron na ng “initiative” para gawin ang tama, at gawin ng matapat ang kanilang mga trabaho. Ang bawat minuto sa trabaho ninyo ay binabayaran ng taong bayan sa pamamagitan ng tax. Huwag ka sanang kumain ng mani at siopao kung hindi mo pa break, kung gutom ka na ay sana magtrabaho ka naman habang hinihimas mo ang malamig na bote ng coke. Kung oras mo lang ang sasayangin mo, ok lang, pero may ibang tao na nag-leave pa sa trabaho ng walang sweldo para lang maserbisyuhan ng bulok.

Para sa inyong mga GUILTY! Ito ang unang post ko na galit ako! Nabinyagan niyo ako! Masiyahin ako pero pucha, hindi kayo nakakatuwa!

Magnanakaw na ang Pangulo, Magnanakaw pa ng oras ang “ibang” empleyado… Gahasain niyo na rin kami, pasagasaan sa napakamahal na northrail project, pabagsakan niyo na kami ng kisame sa NAIA-3, at lunurin niyo na kami sa nagtataasang presyo ng gasolina dahil sa oil deregulation law, dukutan niyo na kami ng harapan sa bulsa, huwag na yung patago sa pamamagitan ng kickback.

Marami akong mga kaibigan na nagtatrabaho sa gobyerno. Hindi naman lahat ng nagtatrabaho doon ay masama, nakakairita lang na garapal kung umabuso ang ilan sa kanila.

Mani, siopao, at bote ng coke… mga pagkaing saksi sa mga pangyayari… kung nakakapagsalita sila ay isa lang ang masasabi nila… “Masarap kami…”