Kahapon ay kaarawan ko, buti na lang at hindi ko kabuwanan kasi lalaki ako at walang kakayahang manganak. Weird ang Birthday ko, naiwan akong solo sa bahay dahil tanghali na akong gumising, habang ang buong pamilya ay nag visita iglesia. Pagkagising ko walang pagkain, buti na lang at hindi ko na kailangang mangaso gaya ng ating mga ninuno, binuksan ko ang freezer at naganap ng kung ano mang frozen treasure ang makikita ko. Dahil birthday ko, gusto kong hainan ang sarili ko ng munting piging, kumuha ako ng longganisang lucban, hotdog, tocino, itlog, at corned beef. Hindi dahilan ang pagiging solo ko upang malungkot.

Kasalanan ko kung bakit ako naiwan, sa pagkakaalala ko ay ginising ako ng aking ina, at ako naman ang kusang tumanggi dahil puyat ako.

Naaalala ko noong 1997, birthday ko noon at aksidenteng nakalimutan ng magulang ko ang aking kaarawan, umuwi ako ng bahay galing sa eskwela ng basa sa ulan dahil nahulog ang wallet ko at wala naman akong kaibigan na nasa paligid upang mahiraman. Pagdating ko sa bahay, naka lock pa ang gate, hindi pa rin ako nakapasok at tuloy ang buhos ng ulan. Ang magulang ko pala ay pumunta sa Makro, bumawi naman sila dahil paguwi ay naalala nila na meron pala silang anak na bunso, binigyan ako ng nanay ko ng t-shirt, ang tatay ko naman, binigyan ako ng dalawang malaking supot ng french fries. Naging langit ang birthday ko…

Matapos kong kumain ng tanghalian kahapon, ay naisipan kong umisteady, tutal solo ko ang buong bahay at ayon sa ate ko, bukas pa ng tanghali ang uwi nila. Nagpatugtog ako ng mga heavy metal kong mp3, nagkape… habang nagyoyosi… sarap…

Dumating ang gabi at naligo na ako (sa wakas!) pumunta ako sa tambayan ng barkada, hindi sila kumpleto pero kagyat kaming bumalik dito sa bahay. Thursday at dapat mangilin, pero nagkayayaan pa rin maginuman. Mag aalas 12 na ng hating gabi ng simulan namin ang munting inuman… alas-3 y medya naman ng madaling araw ng surpresang dumating ang ex-gf ko…

HUWAAATTT???

It’s a surprise na pumunta siya, akala ko kasi biruan lang, hindi ko kasi alam kung magagalit ako o matutuwa. May asawa at anak na kasi siya at ayaw ko ng gulo. Nakainom na siya noong pumunta sa bahay namin, hindi ko naman siya masyadong kinakausap at hinahayaan kong mag-enjoy na lang sa party.

Alas 8 na ng umaga natapos ang inuman, sumikat na ang araw at pagod na ang mga tandang sa pagtilaok, sumisiyap na ang mga ibon, at ang mga mata ko ay parang may buhangin…

Masaya ang birthday ko afterall… 24 na ako… haaay…🙂