Kagaya ng Eat Bulaga na may Holy week special every year, kung saan kahit si Jimmy Santos ay napapaganap nila ng drama, magsusulat ako ng tungkol sa magulong yugto ng aking buhay.

May isang taon sa buhay ko na wala akong kinikilalang diyos, ito ang dark age ko kumbaga. Nagsimula ito noong college ako, ang lahat ng bagay magulo, at iba’t-ibang pagsubok ang dumating sa buhay ko, mga bagay na hindi naman dapat nararanasan ng mga nasa edad ko. Marami na akong nagawa sa buhay ko, at halos lahat dito ay mga bagay na hindi ko maipagmamalaki.

Nagkaron ng pagkakataon na sinubukan kong pag-aralan ang “satanic bible” sisihin ang diyos, mawalan ng galang relihiyong akin nang kinalakhan, at gumawa ng religious bashing. Hinahanap ko noong mga panahong iyon ang aking sarili, pilit kong inaalam ang lahat ng kasagutan sa aking mga tanong. Halos mabuang na ako sa mga ginagawa ko.

Pinag-aralan ko ang ibang relihiyon, Islam, Buddhism, Born again. Pero walang makapatid ng uhaw ko sa paghahanap ng sagot.

Sa huli… Ang katawan ko ay parang wala ng kaluluwa… Ang puso ko, wala ng pagmamahal… Ang mundo ko tumigil na sa pag-ikot…

Matinding depresyon ang dinanas ko, wala naman akong suicidal tendencies pero nabuhay ako sa madilim na mundo. Insignificant ako sa mundo, ganyan ang tingin ko sa sarili ko dati.

Isang araw, nagising na lang ako na parang hinaplos ako ng Anghel. Iba ang pakiramdam ko, pakiramdam ko ay binigyan ako ng diyos ng pagkakataon magbago. Pagkakataon na hindi ko pinalampas.

Ilang taon na rin ang nakaraan simula ng yakapin ko ang katotohanan, na tayo ay tao lang, at mayroong iisang diyos. Mahabang kwento at mahabang paliwanagan, pero isa lang ang napatunayan ko at palagay ko ay yun na rin ang sagot na aking hinahanap…

“Mapagpatawad ang diyos… at wala siyang favoritism”

Sa malagim kong nakaraan na akin nang tinalikuran, binigyan niya ako ng pangalawang buhay, pangalawang pagkakataon na walang hinihinging kapalit, kundi ang kumapit sa kanya at magtiwala…

Sa ngayon, nasa proseso pa rin ako ng pagbabago… hindi ko na maitatama ang mga nagawa kong mali, pero pilit kong iiwasan na gawin itong muli. Sa Bawat mabuti na gawin natin sa sarili natin at sa kapwa… pagmamahal ang ganting sukli…🙂

Angel by Sarah McLachlan and Josh Groban

Time to reflect… time to contemplate…