Hulyo 23,2005 4:30pm— Pagkatapos na pagkatapos tumugtog ng aming banda sa screening ng musiklaban, bumaba ako upang makakuha ng tansan ng redhorse dahil kulang ang dala namin para sa requirement. sumakay ako ng aking motorsiklo ng biglang nag-ala “black beauty” ito sa pagka-wild! nagmistulang isang mailap na hayop ang aking motor dahil napaglaruan ng mga bata ang silinyador nito. Nabali ang buto sa ilalim ng aking tuhod at kinakailangan kong magsuot ng thermoplast cast (hindi ko sure kung ito nga yung tawag) upang gumaling ito. Napilitan din akong tumigil sa aking pag-aaral, labag ito sa aking kagustuhan sapagkat mahilig akong mag-aral, ako na ata ang taong nagagalit pag hindi nakakapag-aral, at nagwawala pag hindi nakakahawak ng libro. Sa kadahilanang lahat ng aking mga klase ay sa 4th at 3rd floor isinasagawa, at saklay ang aking gamit, at walang Elevator sa CEU, at hindi namin afford ang wheelchair na kagaya noong kay Professor X, hindi ko na itinuloy ang semestre. Malas!

Pilay at ang inadobeng pusa

Agosto 5, 2005— umuwi ako mula sa kamaynilaan dahil nai-drop ko na ang aking mga subject. salamat sa tulong at effort ng aking katipan nuong panahon na iyon, hindi ako nahirapan sa proseso. Gabi ng araw na ito, tumugtog kami sa patimpalak ng Musiklaban na may kaba sa aming mga kalooban. Wala kasi ang aming isang gitarista na si kumpadreng Dox Asilo, tapos ako’y hirap ding kumilos dahil sa aking kalagayan. Awa ng diyos ay nakatugtog kami, last nga lang kami sa labing limang banda na nagtunggalian sa paligsahang kaylupit! kaya pagod at antok na ako. Nararamdaman ko rin ang unti-unting pagkirot ng aking buto at kalamnan. Natalo kami ng may dangal sapagkat naramdaman namin na kahit natalo kami sa patimpalak ay nakuha naman namin ang respeto ng ibang banda at ng mga manunuod. Panalo na rin ang pakiramdam… wla lang cash… hehehe!

Muziklaban 2005

above: Ako at si Meyn during Muziklaban 2005

Septiyembre 7, 2005— Ito ang pinakahihintay kong araw sapagkat tatanggalin na ang balot sa aking mga binti. Akala ko’y simula na ito ng bagong pag-asa. Sa daan patungo sa klinika ng aking doktor iniimagin ko na ang aking sarili na tumatakbo sa dalampasigan gamit ang aking mga binti. Tumatakbong masaya, may ngiti sa mga labi, walang saplot at patungo sa dagat. Ngunit nagmistulang isang masamang panaginip ito sapagkat ako pala ay hindi agad makakalakad. Ako ay nabigo. Sayang lang ang aking eksaytment. Upang maibsan ang aking kalungkutan, ako ay natulog na lamang. Naisip ko, hindi dapat Doctor Aguilar ang pangalan ng aking Doktor kundi “Doctor Doom!” nasira kasi ang aking mga plano. Namuhay akong parang ermitanyo, ipinangako ko sa sarili ko na hindi ako magpapagupit, hindi ako mag-aahit ng bigote at hindi ako mag-aahit ng goatie.

Matapos ang isang buwan:

Araw-araw akong pumupunta sa PT rehab upang mag-aral lumakad. Para akong sanggol na tinuturuang humakbang, at amoy sanggol din naman ang magagandang nurse sa ospital na aking pinupuntahan. Parang sanggol din naman ako sa pagpapacute.

Parang jellyace ang isa kong binti, namatay ang mga masel ko at ang natira ay ang mataba kong hita. Isang buwan din akong nagbabayad ng 250 araw-araw, krus na ang mga magulang ko ang pumasan sapagkat estudyante pa lamang ako noon. Masaya sa Rehab center, marami akong nakilala, may matanda, may bata, may magagalitin, meron namang tamad mag rehab. May lola rin na nag-iinarte, na napakalakas ng sigaw, kaya halos lahat kami, kasama yung mga PT doon ay naglabas ng cellphone, inirecord ang sigaw niya, at ginawang ringtone. “Aray, aray, aray diyos ko! aray, aray, aray diyos ko!” yan ang paulit ulit na sambit ng matandang hindi pa nahahawakan ay umaaray na agad.

Matapos ang lahat… Nakakalakad na ulit ako…

Para sa mga makakabasa nito na mahilig magmotor, ingatan po natin ang ating mga sarili. Grade 4 pa lang ako noong magsimula akong magmotor, kung sa karanasan ay marami na rin ako, pero ang aksidente ay aksidente, kahit anong ingat mo sa kalsada, pag pinaglaruan ka ng kapalaran… Buhay mo ang nakataya… Konting ingat.