Napagod ako pagbusisi sa blog ko, marami pa rin akong kailangang matutunan, sa isang banda eh medyo nagutom ako. Hindi ako kumakain pag gabi, ito kasi ang isa sa mga dahilan kung bakit mabilis madagdagan ang timbang ko, pero dahil gutom ako at kailangang punan ko ang cravings ko sa pansit canton ay exempted ang gabing ito.

Nagluto ako ng pansit canton, nilagyan ko ng tocino at cheese… oo weird ang cheese para sa pagkaing ito pero dahil addict ako sa kahit na anong may cheese eh binudburan ko ito sa ibabaw, hindi ko alam kung saan nanggaling ang hilig ko sa keso, siguro dahil year of the rat ako pinanganak, or dati akong taga gawa ng cheese sa Holland noong past life ko. Ang tocino naman ay maswerteng nabunot ko lang sa chest freezer namin na may lamang kung anu-anong pagkain na stock ng tatay ko. Kaya pag may bumagsak na kometa, nagkaroon ng tsunami, pumutok ang Mt. Banahaw, nagkaron ng people power, magkaroon ng biglaang fiesta, maganap ang panibagong missle crisis, or bumagyo, siguradong hindi kami magugutom. Pampakain din siguro namin pag nagkaroon ng alien invasion, para sa halip na kami ang kainin ay papatayin namin sila sa kolesterol.

Ang resulta:

Canton

Tocino Canton with Cheese!

Mukhang weird tingnan pero ok naman ang lasa, halos lahat naman ng pagkain pwedeng ihalo sa canton, minsan pati “laing” naihalo ko na… kung ano ang nangyari sa tiyan ko? ako lang at ang kubeta ang nakakaalam…🙂

Maraming masarap na alaala ang pansit canton, hindi ito nawawala sa grocery list ko noong college. Pag wala na kasing oras para magluto ay canton ang mainam na sagot sa kumakalam na sikmura. Parang lifeline ito ng mga tumitira sa maynila para mag-aral, dahil kasi nasa boarding house ako noon eh bihira ako makatikim ng lutong bahay. Doon na rin ako natutong magluto, pero mas masarap pa rin ang luto ng magulang ko kasi may halong pagmamahal.

May panahon din na nakakasuka na ang canton, yung tipong naamoy ko pa lang na may nagluluto sa boarding house namin ay lumalabas na ako at nagpapahangin. Kaya hindi ako palagi kumakain nito, pag may cravings lang… masama din kasi ang dulot nito sa katawan pag sobra.

Masarap din yung canton, tapos habang mainit pa ay lalagyan mo ng hilaw na egg yolk. Naadik din ako sa ganun pero dahil sensitibo ang balat ko, hindi ako pwedeng palagi may itlog.

Busog na ako ngayon… isang malaking baso naman ng iced tea ang kaharap ko at yosi…