Bago ako makatulog ay kailangan makapagsulat muna ako, isang paraan para makapag-unload. Hindi productive ang araw ko ngayon, hindi ako nag-ehersisyo, hindi ako naglinis ng kwarto, hindi ako nakapagligpit ng kalat, buti na lang at hindi ko nakalimutang maligo. Wala akong maisip isulat ngayon, siguro nga dahil blanko ako buong araw…

Haay… Junk foods, nilikha ito ng diyos para sa ating lahat. Noong bata pa ako, may tindahan kaming maliit sa garahe ng aming bahay, kumukupit ako ng paninda at kinakain ko ng patago. Maraming laman ang tindahan namin, ang iba sa mga tinda namin ay hindi ko na nakikita ngayon sa ibang sari-sari store. Sa lahat ng tindahan, yung samin lang ang walang pangalan, parang black market. Pag bata ka pa at meron kang 10 Piso, parang milyunaryo ka na, para kang nanalo sa kwarta o kahon, marami ka na nang mabibili at sasakit ang ngipin mo kakanguya.

Grocery list ng panlagay sa tindahan:

Pritos ring – May kulay pulang pabalat, sa harap ay may nakalagay ng “Pritos Ring” at may larawan ng mala-donut nitong anyo. Isa itong halimbawa ng “what you see is what you get” sapagkat kung ano ang hitsura sa pabalat, yun ang makikita mo sa loob. Malutong at may tamis anghang effect ang pritos ring. Wala na akong nakikitang ganito ngayon.

Bahay Kubo – Mumurahing chiz curls na may larawan ng mga nagbabayanihan sa nayon. Ito ay may kaabang-abang na regalo sa loob. Minsan ang laman nito ay tau-tauhan. Pero maswerte ka pag nakapanalo ka ng 25 cents! parang 75 cents na lang kasi ang bili mo sa puro hanging chichiryang ito.

Bubble gum ni jordan – Ito ang kapatid ng kending hubad. Makikitang nasa bote at may ibat-ibang kulay. Mabilis mawala ang lasa nito, kaya mapipiitan kang bumili pa ulit, sa huli, isang malaking piraso ng bubble gum na ang nginunguya mo.

Humpy Dumpy – Kulay dilaw, violet at orange ang pabalat nito dahil sa ibat-ibang flavor. Sa una ay may konting “amoy” ang tsitsiryang ito, pero pag natikman mo na ay parang hindi mo malasahan yung amoy ng lasa ng kinakain mong malutong na chips. Ano daw?

Pompoms – Piso isa nito at nakalagay sa dilaw na pabalat. May maliit na picture ng babae sa itaas, at meron namang parang maliit na bear sa pangalan nito. Para sa akin, ito ang isa sa may pagka-oldskul na lasa ng tsis karls. Masarap din itong kainin kahit durog. Kailangan mo lang mag toothbrush dahil ang kulay nito ay pumupunta sa ngipin.

Tivoli – Hindi lahat ng tindahan ay meron nito. Pero ang tindahan namin, siempre meron. Ang tivoli ang isang ice cream bar na parang 2 years lang ata lumabas sa market. Hindi ko alam kung bakit sila nalugi eh tindahan naman namin ang kinukupitan ko nito.🙂 Masarap ito at dahil noong mga panahong iyon ay mura pa ang bilihin, ang halaga nito ay 5 piso lang.

Nougat – Mahirap nguyain at masyadong matamis, may mga pagkakataon na nagdulot ito sa akin ng lockjaw. 50 cents lang ang isang piraso, pero ngayon ay piso na. Dumedepende siguro ito sa palitan ng dolyar sa mercado.

Dipdip – Maalat na tinapay na kung sa panahon ngayon ay pwede mong ihalintulad sa “bread stix” pero ito ay mas maliit as mas “crunchy” wala na akong nakikita nito ngayon, kaya palagay ko, yung cravings ko para dito ay hindi na mawawala.

Nognog – 2 pahabang tsitsirya na binudburan ng cheeze powder, ang modern version nito ay ang “amigos” at “hotdog”

Tira-tira – Matamis na kendi na stretchable, konti ang alaala ko dito sapagkat noong bata pa ako ay nasaksihan ko ang pagkaextinct ng pagkaing ito. Isang araw… gumising ako… wala na sila… huhuhuhu!

Peewee – Kapangalan ng mayor ng Pasay, ang peewee ay may kakaibang flavor, barbeque flavor ito pero iba ang lasa. May mga picture pa ito sa likod na pwede mo itong kainin “while watching tv” “picnic” “playing” atbp. ibig sabihin, may rules ang pagkain nito.

Ice Candy – Dati, ang ice kendi ang isa sa pinaka mabenta pag summer, kayang maubos ang 50 piraso sa isang araw. Nauso din kasi noong early 90’s ang palaging brownout. Kaya bago mag brownout, dapat ay matigas na ito, para may pampalamig ka pag wala nang elektrikpan.

Prut dyus – 2 piso ang isa nito, hindi galing sa totoong prutas, at gawa lang sa pinaghalohalong kemikal, pampalasa at food color. Kung wala kang pambili ng softdrinks, prut dyus ang sagot sa uhaw mo.

Kending Hubad – Gaya ng bubble gum ni jordan, walang tatak ang kending ito, may mga kulay lang at nasa isang lumang garapon. Kailangan mo ng common sense sa pagpili, yung tipong pag red ay strawberry, pag green ay apple, pag yellow ay pineapple or lemon, pag orange ay siempre orange.

Hindi ko na kaya ang antok… ito ang kalabang mahirap talunin… matutulog muna ako at ipopost ko na lang muna ito for now…  edit ko na lang bukas para madagdagan ko pa…

Magandang madaling araw!