Kahapon, buong araw lang akong nasa kwarto, nag-aayos ng iba kong posts at nanunuod ng mga fastest KO’s sa boxing sa youtube. Sobrang bagal ng oras pero maganda ang simula ng araw/hapon ko (kasi 1pm na ako nagising) kasi mataas ang sikat ng araw at konting ambon lang ang dumating hindi kagaya noong huling mga araw na palaging umuulan, natatakot na tuloy ako dahil hindi ko ginawa yung pinapagawang barko sa akin sa panaginip ko. Chaos ito kung nagkataon. Modern noah na hindi sumunod sa utos. Yay!

Pagkatapos manuod sa youtube, hindi ko na kinailangan pang magbukas ng iTunes para magpatugtog. Sa may di-kalayuan kasi ay may isang grupo ng kababaihang kumakanta ng pasyon. Ang likod ng bahay namin ay boundary ng subdivision, may mga informal settlers doon, kaya noong sumilip ako sa bintana ay nakita ko na kung saan galing ang tunog. Merong ilang kubo na nakatayo sa likod ng bahay namin at matatanaw mo sila pag sumilip ka sa bintana ng kwarto ko dito sa basement. Sa isang kubo, nakapwesto ang mga babaeng nagpapasyon, sa kabila naman ay ang mga asawa nilang nag-iinom. Parang yin-yang effect. Pangit nga naman kung walang balance.

Linggo nanaman, araw ng pahinga, family day para sa ilan. Ako araw-araw parang linggo, kasi lagi akong nagpapahinga. Masarap maging tambay, yun nga lang wala kang income, konting tiis muna habang hinihintay matapos yung mga inaasikaso kong papers. Sa paglipad naman ay siguradong puro trabaho na ang kaharap ko. Pinaghahandaan ko nang maging OFW. Magiging “gatasan” na ako ng gobyerno.

Pag linggo lumalabas ang pagka-oldies ng mga tao, pag binuksan mo ang TV, may mga lumang pelikula, pag naman radyo, lumang love songs mapapakinggan mo, at pag naman AM radio pinakinggan mo ay parang pang charlie chaplin ang mga tugtog, talagang tunog plaka pa. Ang karaniwang ulam ay kare-kare, inihaw, sinigang or nilaga. Lutong bahay pag linggo, panahon kasi para magkasalo-salo ang buong pamilya.

Alas-dos pa lang ng madaling araw ngayon, nagpasya na akong maglagay ng entry para makapaglagay pa ulit ako bukas kung may time ako. Nakahain na kasi ang plano ko para sa araw na ito. Sa background ay nakikinig ko pa rin ang awit ng mga kababaihan, naiisip ko tuloy kung ilang pahina na ang natapos nila simula kahapon. Kasabay nila ang awit sa videoke ilang kubo lang ang pagitan sa kanila. Meron sigurong may birthday, hindi ko alam. Basta ang alam ko ay parang nagpapalakasan sila pagkanta. Good luck sakin kung makakatulog ako, good luck din dun sa kumakanta ng “Bawal na Gamot” sana maka-100 siya na score. Maya-maya, may babae nang nagmumura, lasing na siguro ang asawa.

Kasama ng posts kong ito, nilagyan ko na rin ng kaunting “tugtugin” ang blogsite ko. Papalitan ko ito everyday at may nakahain na akong playlist para sa isang buong linggo. “Sunday Blues” yan ang pangalan ng playlist ko ngayon. Luma pero masarap pakinggan. Bida dito siyempre ang hari ng blues rock na si B.B. King, si Muddy Waters at ang tribute band ni Eric Clapton. Konti lang ang options sa Sonific. Karamihan sa artists ay Indie at tribute bands, unlike imeem na halos lahat na ng kanta from Pilita Corales to Black Eyed Peas ay meron. Nagawa ko pa ring makahanap tugtuging “matino” sa nakakalitong website ng Sonific. Siguro hindi pa lang ako sanay sa interface ng website. Kung hindi ninyo nais ng tugtugin ay pindutin lang ang pause button at hindi na kayo bubulabugin ng tugtog sa background.

Ang balanse sa buhay ng tao ay importante, pero sa nakita ko sa kabilang dako mula sa aking bintana, hindi ko matiis na hindi isipin, bakit kailangan pa nating lokohin ang sarili natin kung nabubuhay din naman tayo sa kasalanan?

Sa huli, naisip kong masyadong inabuso ng tao ang kakayahan ng diyos na magpatawad.