Malakas akong kumain, aminado ako doon. Pero lately, medyo pinipili ko na ang kinakain ko, malaki kasi ang timbang na nadagdag sakin noong nagtrabaho ako sa Dell. Pag petiks mode kasi, puro pagkain ang makikita mo sa cubicle ko. Ang cubicle ko ay parang altar ng pagkain, palaging may reserba, palaging may laman.

Dumadating ang araw na minsan ay meron akong gustong kainin, kanina, pumunta ako sa SM para magbayad ng bill para sa Internet connection ko. Hindi na ako kumain ng hapunan kaya naman pagdating ko sa tambayan ay nakaramdam ako ng gutom. Dumating si Duduy at niyaya niya akong bumili ng Siopao, isang pagkaing hindi ko matatanggihan. Adik kasi ako sa siopao na bola-bola, pag nagkaron ulit ng missile crisis, holocaust, or independence day (yung may mga alien) pupunuin ko ang shelter ko ng siopao.

Sikat ang Antigua restaurant dito sa Lucena city, sila kasi ay isa nang institusyon pagdating sa restaurant business. Dito ako bumibili ng siopao, sa halagang 34 pesos isang jumbo siopao, solb na ako. Dati, 20 pesos lang ito, maraming laman, malambot ang tinapay at talaga naman may aromang kaakit-akit. Ngayon, regular na siopao na lang na puro tinapay at konti ang laman. Ang hindi na lang nagbago ay ang lasa.

siopaoman.jpgsting.jpg

Sa unang larawan makikitang nilalantakan ko ang masarap na siopao na 80% mantao, 20% meat. Ang pangalawang larawan naman ay ang half-empty “sting.” Inumin na dahil bago sa aking pandinig at strawberry flavor pa ay sinubukan ko. Sobrang tamis ng inuming ito, daig mo pa ang kumuha ng istraw at sumipsip sa pulot-pukyutan ng mga bubuyog. Isang “Strawberry Overkill.” Sumakit ng bahagya ang aking tiyan matapos ubusin ang isang bote nito. Hindi na ulit ako iinom nito. Ayokong magka-diabetes.

Kahapon ang araw na nag indulge ako sa masasarap na pagkain na hinahanap ng katawan ko, chicharon noong tanghali, chocolates noong hapon at siopao noong gabi. Binigyan ko lang ang sarili ko ng treat matapos akong magdiet for 1 month. Isa lang ang pagkakamali ko kahapon… Biyernes kahapon at bawal ang karne.

Fasting… Ngayong araw ng Sabado ko ito gagawin para makabawi naman ako kay lord.