Home

Puerto Galleria (My Puerto Galera Picture Gallery) pt.2

13 Comments

Whew! Tumatagaktak ang pawis ko ngayon, hindi dahil sa init na dala ng summer kundi dahil sa mga gamot na iniinom ko upang malunasan ang sakit ko na 2 linggo nang nakatira sa loob ng katawan ko, nakapag-birthday party na ako at nakapunta sa Puerto pero ang sakit ko eh pabalik-balik pa rin.

Ang sarap sabayan ng workout ng pagpapawis ko, kaya lang baka naman lalo bumagsak katawan ko. Hindi na rin ako lumalabas ng bahay at hindi ako nakatutok sa internet, bukas lang ang siya at nagda-download ng movie pero hindi ko siya ginagalaw.

Haay… Moving on, Dalawang araw lang kami sa Puerto, may trabaho kasi si Em kaya hindi kami pwede mag extend. Unless kasama namin si Maloi, kahit isang linggo pa! makasama ko lang siya! waaaa! Siyempre hindi ko ipopost lahat ng pics dito, hindi biro mag post ng 200+ na pictures ha! hahaha!

Noong unang araw ay marami kaming oras na pwede sayangin, masyadong mainit para magswimming at magliwaliw sa buhangin. Ang una naming ginawa ay ang humanap ng kwarto, may dala kaming tent pero dahil mura ang kwarto ay yun na lang ang pinili namin, sa halagang 600 Pesos isang gabi, para ka lang nag-motel sa Sta. Mesa.

Murang tirahan

Pagkatapos noon ay kumain kami ng ginto, mahal kasi ang pagkain at inumin. Habang naghihintay maluto ang inihaw na inorder namin, maya’t-maya ang lapit ng nagtitinda ng bracelet, nag-aalok ng snorkeling, banana boat at massage. Gutom na ako at wala akong naiintindihan sa sinasabi nila, blurred na rin ang tingin ko sa kanila na parang mga mumu. Gusto ko nang kumain, after 20 minutes, dumating na ang pagkain. Ang pinili ko ay inihaw na liempo at isang tasang kanin. Ang halaga ay 90 Pesos. Kung babalik ako dito, magdadala ako ng sarili kong pang-ihaw, sa tinirahan kasi namin ay may ihawan at lutuan din. Malaking matitipid pag may dalang sariling pagkain. Hindi praktikal kumain sa labas dahil ordinaryo lang ang lasa.

Ginto!

Pagkatapos kumain, bumalik kami sa aming kwarto upang ayusin ang aming mga gamit at upang makapag pahinga ng kaunti. Masyado pa talagang mainit para mamasyal. Matapos ang ilang sandali, hindi na mainit sa balat ang sinag ng araw. Hindi ako naglangoy noong unang araw, mas gusto ma-enjoy muna yung view ng mga magagandang tao at yung lugar. Kaunti lang ang tao, weekdays kasi pero mukhang mas ok nga kung ganito kasi solo mo ang beach at hindi ka nakikipag-agawan sa pagbili ng kung ano-man. Naglakad kami sa beach kasama ko ang magkasintahan na nakakainggit. Sa paglalakbay kong ito, isa lang ang nakayakap ko at mukhang ayaw ko nang pakawalan, hindi siya pumalag at hinayaan niya lang akong damahin ang kanyang katawan. Isang malaking bote ng C2!

Yakap

Noong hapon na, isa lang ang magandang gawin, maginarte sa beach, magmunimuni at tumingin sa abot ng aking matatanaw, namnamin ang pagkakataong nakarating ako dito.

Ang Pagiinarte Sa Dalampasigan

Takip Silim

Tia Maria’s

Matapos ang sunset, kami ay bumalik muli sa aming kwarto upang maligo at magpalit ng damit. Ang larawan sa itaas ay kuha sa Tia Maria’s.

Babala: Ang mga susunod na larawan ay maaaring makasira sa pagkatao ko.

Matapos kumain, siyempre konting inuman, konti talaga to the fact na tig-isang bote lang kami ni duduy, dala na rin ng pagod at antok, hindi kami humataw noong gabi.

Bago ko tapusin ang post na ito, ipapakilala ko sa inyo “si Aida, Lorna, at si Fe” Sila ang tatlong bading na waiter waitress sa munting bar na pinuntahan namin.

Si Aida

Si Aida ang una kong niyaya ng wrestling magpakuha, hindi naman siya nagdalawang isip at talagang “hayop” ang pag pose niya. Parang ako tuloy ang nahiya tumabi sa kanya.

Si Lorna

Siya si Lorna, siya ang kasunod kong niyaya ng suntukan magpakuha ng picture. Nakakatakot ang braso nito at akala mo’y sanay siya makipag bunong braso! Biniro ko siyang hahalikan sa malaki niyang noo, kinilig naman ang dalaga.

Si Fe

Siya si Fe, sa sobrang lapit namin sa isa’t-isa, nasasagi ko na ang malambot ngunit peke niyang dibdib. Pagkatapos ng picture namin ni Lorna ay nagkusa na siyang magpakuha, akala siguro niya ay talent scout ako. Na naghahanap ng gaganap sa Shake Rattle and Roll 10!

Si Aida, si Lorna at si Fe, sila ang tatlong bading na hindi camera shy!

Hanggang dito na lang muna para sa ngayon, bukas ko ipopost ang huling parte ng aking adventure. 🙂

Advertisements

Puerto Galleria (My Puerto Galera Picture Gallery) pt.1

5 Comments

Ilang araw din akong hindi nakapagsulat at nakapag blog-hop. Ang dami kong pending na gawain at palagi akong nahihilo, hindi naman siguro ako buntis kasi lalaki ako. Masaya ang naging trip ko, medyo may mga bagay lang akong napuna sa Puerto Galera.

Ang unang larawan, ay kinunan ko sa terminal sa Batangas, walang tao. Konti lang, mukha ngang isa lang, yung mamang naka-white T-shirt na nakasubsob doon sa dulo.

The Terminal

Sa terminal pa lang, sasalubungin ka na ng makukulit na porter, at ahente ng tiket ng bangka. Ok lang naman yun kasi hanap-buhay nila yun kaya lang sana pag sinabi mong “hindi” ay maintindihan naman nila. Ayokong nasasayang ang oras ko at ayokong sinasayang ko ang oras nila.

Osprey

Eto ang Golden Osprey, yan ang sinakyan namin. Sa halagang 380 pesos na round ticket, pwede na dahil malinis at hindi mo mararamdaman ang hampas ng hangin sa loob dahil pwede mong isara ang bintana. Matulin ang Bangka at mabilis ang biyahe, ang hindi ko lang ikinatuwa ay hindi sila sumusunod sa oras ng pag-alis na ipinangako nila, may pa-page page pa sa terminal na nalalaman eh halos 40 minutes late naman. Ang Golden Osprey sa hindi maipaliwanag na dahilan ay kulay “puti.”

At dahil ayaw natin ng panglabas na kaanyuan lang, kailangan din nating kunan ng mabilisan ang makina ng naturang sasakyang pandagat. May lalaki na maya’t-maya labas-masok sa butas sa ilalim ng bangka, dahil curious kami, kinunan namin ng picture. trabaho pala niya ang “mag-kambiyo” sa madilim na bahagi ng bangka.

Makina

Sa Bangka nakita ko si Mr. Richard Gomez, nagkumustahan kami na parang matagal na kaming hindi nagkikita. Sa huli, tinanong niya ako kung puwede kaming magpapicture, eh nakakahiya naman kung tanggihan ko siya. Talagang kayumanggi si GOMA at yan naman ang ebidensiya sa larawan…

Goma

Habang nakadaong sa unang himpilan sa Mindoro, nag group-pic muna kami, kahit ang group namin ay may 3 miyembro lang. Sa larawan makikita ako, at ang magkasintahang si Duduy at Em, nagmistula akong istorbo sa kanila dahil ang iba naming kasama ay biglang nag-backout. Ayun, ako lang ang nakasama ng love birds na to. Nakakainggit, pero sige na nga… hahaha!

Me, Duduy and Em

Dahil masama pa rin ang pakiramdam ko at hindi ako makatagal sa pagtitig sa monitor ay hanggang dito na lang muna ang aking isusulat, nakakainis kasi ang dami ko pang gustong isulat at halos puputok na ang bumbunan ko sa daloy ng mga ideya. Abangan na lang bukas ang pt.2

Sa mga nabitin, buksan niyo na lang yung baul ng mga nakaraan kong post doon sa tabihan ng pahinang ito.

Masakit ang mata

Leave a comment

Kanina pa ako nag-eedit/resize ng mga pictures para sa next post ko. Grabe, napakasakit pa rin ng mata ko, hindi ako makatitig ng matagal sa monitor. Sana mamaya matapos ko na to, madalas nababakante ang blog ko dahil sa sakit na halos 2 weeks nang pabalik-balik. Ayoko rin naman ng complete rest kasi parang inaalagaan ko lalo ang sakit ko at lalo akong nanghihina. Hay…

Ako’y bumalik at ako’y sumilip

3 Comments

Hindi ko sana bubuksan ang blog ko, kaya lang para akong nahihipnotismo.

Kakauwi ko lang galing Mindoro, medyo pagod pa at ang mata ko ay mapungay na. Kung hindi kita kilala at makikita mo akong nakatingin sayo, baka isipin mong malaki ang crush ko sayo dahil sa lambing ng aking mga titig. Puyat, pagod at masakit ang katawan dahil nasobrahan sa pag-eenjoy.

Sa lahat ng nag-view simula umalis ako, maraming salamat! sa lahat ng nag-iwan ng comments, maraming salamat! kay MisYel, gagawin ko ang tag mo sakin, maraming salamat at ako’y naalala mo! sa mga nahuli ng akismet, maraming salamat akismet! sa mga bading na nakita ko sa puerto galera, salamat dahil nalaman kong hindi nga 20/20 ang vision ko!

Marami akong nakuhang larawan sa maikling pagbisita ko sa puerto, sa ngayon, bibitinin ko muna… pero sa kabuuan ang rating ko sa Puerto Galera ay 3 stars out of five. 🙂 Sa next post ko ipapaliwanag kung bakit. 🙂

May lisensya na ulit ako…

4 Comments

Banned naman ako sa pagmamaneho amp!…

Nag browse ako ng pix ko sa friendster kanina, natawa ako dito… Ang cute mo meyn, para kang modelo ng cheezwhiz! Dinaig mo pa ang pagpapacute ni Susie at Geno… LOLZ!

Mga Takas Sa Mental

Kuha ito sa “Kamayan sa Palaisdaan” sa Lucban Quezon a few months ago. Mukha kaming mga walang problema, mga mukhang takas sa mental… kakaresign ko lang nyan sa trabaho.

Cheers!

Ang pagbabalik ng probinsyano!

6 Comments

Ang unang post ko na ako ay galit, at may halong pulitika, isang bagay na ayaw kong bumahid sa masayang blogsite ko…

Kalahating araw ng katotohanan…

Ilang araw din akong hindi nagsusulat, marami rin akong dahilan para mapunuan ko ang mga katanungan niyo kung bakit.

Kanina, galing ako sa LTO magrerenew sana ako ng lisensya ko na wala nang bisa, pero dahil marami nga akong dahilan, ayun… inabot ako ng cut-off at bukas na daw ako bumalik. Ganyan sa bansa natin, ang ahensya ng gobyerno ang umaalipin sa mga tao, san ka pa? minsan 3:30pm pa lang, nakataas na ang paa sa lamesa habang kumakain ng mani. Cut-off.. yan ang salita at gawain na dapat tanggalin sa gobyerno natin. Mauunawaan ko na cut-off kung dumating ako ng alas-4 ng hapon, pero dumating ako sa LTO ng ala una y medya, kakatapos lang ng lunch break! waaa! hindi ko naman nilalahat ang mga empleyado doon, pero nakakabanas talaga. tsk… tsk… tsk…

Dahil diyan pumunta na lang ako sa DFA, tiningnan ko ang requirements para makapag renew ng passport ko para pagpunta ko sa isang araw ay plantsado na ang mga papeles na kailangan ko. Ang daming tao doon, parang may mall tour si John Lloyd Cruz, si Sharon Cuneta, si spongebob at si batman sa dami ng tao. Parang andoon si Eddie Gil at namimigay ng pera, parang mga langgam na nakakita ng isang tipak ng kendi. Grabe, kung kailan na-computerize ang ahensyang ito, saka naman naging parang usad kuhol ang serbisyo. Inilista ko ang requirements sa cellphone ko habang nakatingin sa nakapaskil sa pader na tarpaulin. May dumating na magjowa at sa sobrang kapal ng mukha ay inangkin nila ang tarpaulin, gusto ko sanang sabihin na itutupi ko na yung tarpaulin at iuwi na lang nila sa bahay. Pinigilan ko ang sarili ko at itinutok ko na lang ang ulo ko sa aircon para lumamig. Pag-alis ng magkasintahang garapal, saka ko itinuloy ang aking misyon, tinapos ko na agad upang makaalis na sa lugar kung saan ang oras ay “slow-motion”

Dati noong hindi pa computerized, 2 weeks lang ang pagkuha ng passport… Ngayon 20 days na! aba! Sana nagsulat na lang sila ng alibata sa dahon ng saging, tapos ipapaskil mo ang picture mo sa may tangkay. Mas mabilis pa yun sa alas kwatro, wala nang mga digital picture ek-ek na hindi ka pa handa ay pinipindot na.

Hindi ako taong reklamador, pero hindi rin naman ako bulag para hindi makita ang mga “flaws” nakakainis na yung pinaghihirapan mong suweldo ay kakaltasan ng ubod ng laking tax tapos wala ka namang ma-hita sa serbisyo. Kaya dapat ang Pinoy, maging pasensyoso ngunit alerto, kung hindi, masisingitan ka sa pila ng ibang kababayan natin na balasubas.

Wala tayong magagawa kung puro tayo reklamo pero wala namang kibo, pero sana yung mga nagseserbisyo sa bayan sa bawat ahensiya ng gobyerno ay magkaron na ng “initiative” para gawin ang tama, at gawin ng matapat ang kanilang mga trabaho. Ang bawat minuto sa trabaho ninyo ay binabayaran ng taong bayan sa pamamagitan ng tax. Huwag ka sanang kumain ng mani at siopao kung hindi mo pa break, kung gutom ka na ay sana magtrabaho ka naman habang hinihimas mo ang malamig na bote ng coke. Kung oras mo lang ang sasayangin mo, ok lang, pero may ibang tao na nag-leave pa sa trabaho ng walang sweldo para lang maserbisyuhan ng bulok.

Para sa inyong mga GUILTY! Ito ang unang post ko na galit ako! Nabinyagan niyo ako! Masiyahin ako pero pucha, hindi kayo nakakatuwa!

Magnanakaw na ang Pangulo, Magnanakaw pa ng oras ang “ibang” empleyado… Gahasain niyo na rin kami, pasagasaan sa napakamahal na northrail project, pabagsakan niyo na kami ng kisame sa NAIA-3, at lunurin niyo na kami sa nagtataasang presyo ng gasolina dahil sa oil deregulation law, dukutan niyo na kami ng harapan sa bulsa, huwag na yung patago sa pamamagitan ng kickback.

Marami akong mga kaibigan na nagtatrabaho sa gobyerno. Hindi naman lahat ng nagtatrabaho doon ay masama, nakakairita lang na garapal kung umabuso ang ilan sa kanila.

Mani, siopao, at bote ng coke… mga pagkaing saksi sa mga pangyayari… kung nakakapagsalita sila ay isa lang ang masasabi nila… “Masarap kami…”

Sick…

3 Comments

Good friday, maaga akong gumising dahil sasamahan ko ang tatay ko sa farm namin para dalawin ang aming mga tanim. Nagdilig ako gamit ang tabo at mabigat na timba, wala pa kasing naiikabit na water pump para mas madali ang trabaho. 6:30 ng umaga ng magsimula akong trumabaho, may pupuntahan kasi ako ng alas-8. 7:30 na ng umaga ng matapos ang mga gawain at medyo tumaas ang lagnat ko na kagabi ko pa inaalagaan. Habang papauwi ay nararamdaman kong hindi ko kakayanin sumama sa trekking namin papunta sa waterfalls sa Pagbilao Quezon. Mahirap kasing sumama at maging pabigat pa sa mga kasama ko pag doon ako inabot ng malubhang karamdaman.

Bagamat gusto kong sumama, pinigil ko ang sarili ko. Siguro nga ay dapat bigyan ko naman ng pahinga ang katawan ko sapagkat ilang araw ko na rin itong binibigyan ng hirap, puyat, pagod, alak, at sigarilyo.

Nakapunta na ako sa waterfalls na iyon, pero gusto ko lang sanang bumalik. Meron kasing “something special” with that place. And magandang workout din ang trek na dadaanan namin. Siguro sa ibang araw na lang ako babalik doon. Sa ngayon, iniimagine ko kung anong ginagawa ng mga kaibigan ko doon ngayon. Sana ay ok naman sila, may konting “hiwaga” kasi na bumabalot doon sa lugar. Mga nagbabantay sa kalikasan. Mga hindi maipaliwanag.

Sa ngayon ipopost ko na lang ang mga larawan ko noong dati akong nagtungo sa falls…

FHM Rejects

Si Meyn, ako, at si Jobel…

1st Falls

Si Duduy, Meyn, Jobel at ako sa unang falls…

2nd Falls

Kaming apat ulit sa pangalawang falls na nasa ibabaw noong unang falls. These photos were taken summer last year… haaay… memories…

Matutulog na muna ako dahil hindi ko malabanan ang antok na dala ng aking mga gamot… 🙂

Older Entries

%d bloggers like this: