Umaga na ako nakauwi galing sa birthday party ni Giselle, Kapatid ng kaibigan kong si Peach. Masaya yung party at talaga namang nagbabad kami sa videoke hanggang alas 4 y medya ng umaga. 5:30am na ako nakauwi ng bahay, gising na ang nanay at tatay ko at nagkakape sila pagdating ko. Gaya ng nakaugalian, mano, paliwanag kung saan ako galing, baba sa kwarto ko sa basement, hubad & hubo, quick hot shower, bihis, sigaw ng good morning, sabay higa, at tulog.

Naalimpungatan ako sa pagkakatulog. Kinatok nya ako sa kwarto ko ng pagkalakas-lakas. Sumigaw na lang ako at sinabing tulog pa ako. Masama ang ugali ko pag ginigising ako ng wala sa oras, nasisira din ang buong araw ko pag ganun. Kaya kung gigisingin mo ako ng wala sa oras, magdala ka na ng pananggalang o baluti, dahil tiyak, ibubuhos ko sayo ang galit ko.

Alas-4 na ako ng hapon nagising, kumuha agad ako ng pagkain sa taas. Ok naman yung araw na to kasi hindi masyadong umulan. Nanghihinayang lang ako dahil halos kalahati ng araw ko eh natulog lang ako. Hindi naman ako masyadong uminom kagabi, siguro 3-4 na tagay lang, nilibang ko ang sarili ko sa pag-awit at pagkain ng pulutan. Pero dahil halos bukang liwayway na ako nakarating sa bahay eh plakda talaga ako sa kama.

Lumabas ako ng bahay bandang alas-9 ng gabi, nasa tambayan kasi ang barkada. Tutal wala naman akong gagawin eh pumunta ako dun. The usual, yosi, kwentuhan, DOTA, at short visits sa 7-11 para bumili ng c2.

Ang oras na ngayon sa relo ko ay alas-4 ng umaga, Lunes na at kakarating ko lang sa bahay.

Minsan naiisip ko na nasasayang ang oras ko sa mga walang kwentang bagay, may mga araw kasi na hindi talaga ako productive, tipong lumilipas yung oras na wala akong nagawang significant sa buhay ko o sa buhay ng ibang tao. Pag nasa Manila naman ako, palagi naman akong may ginagawa, para akong robot, hindi yung tulad ni robocop, R2D2 o Daimos. Yung robot na naka-program dahil lahat ng kilos ko naka plot. Pag may plan ako sa isang araw eh hindi na kita maiisingit, mapwera manlilibre ka sa Sbarro o Starbucks. hehehe!

Ang dami kong librong gustong basahin, sobrang dami kong oras para magbasa, pero hindi ko pa rin magawa, stuck ako sa harap ng laptop, nagbabasa ng kung anu-ano o nanunuod ng video, either sa youtube or sa streaming website ng family guy.

Masarap tumambay kasama ang mga kabarkada ko, kaya lang hindi naman habambuhay pwedeng tambay lang, kanina habang naglalaro sila ng Dota eh nakaupo lang ako sa labas ng computer shop, nagyoyosi at nag-iisip… Ano na ang dapat kong gawin sa buhay ko? parang ambagal kasi ng mga papers na inaasikaso ko, naiinip na ako maghintay. Madami kasi akong plano na parang naka-hold ngayon dahil lang sa simpleng error sa Birth certificate ko. Gusto ko nang umalis, gusto ko nang magtrabaho ulit, at may gusto na akong makita…

Importante ang oras, importante rin ang panahon, importante ang mga pagkakataon… Pero palagay ko, mas importante muna sakin ang mangarap… dahil habang wala pa akong ginagawa, binubuo ko naman ang bagong plot ng buhay ko.

Mukha man akong tambay… planado naman ang buhay…. dahil sa huli, ikaw na nangangarap ang bumubuo ng mas magandang kinabukasan para sa sarili mo at hindi ang ibang tao.