Kahapon pumunta ako ng Manila, Sinamahan ko ang ate at inaanak ko sa ospital para sa regular checkup. Bihira na ako lumuwas ng Manila dahil wala na akong work dun, pero nakakamiss pa rin yung trapik, pulusyon at mga taong parang langgam na hindi mapakali. 7 taon din ako nanirahan sa Manila, sanay na ako sa malagkit na mga taong makakasalubong mo sa kalye, yung tipong parang magnet ka ng dumi kahit nakatayo ka lang.

Isa ang Recto sa paborito kong pasyalan noon, bumibili ako ng mga underground na cd sa cartimar, mga gaya ng Iron Maiden, Hammerfall, Judas Priest, atbp. Hindi pa kasi uso ang Limewire noon. Masaya sa Recto, ang daming cool na bagay na mabibili mo ng mura, sapatos, damit, bracelet, anklet, choker, leather na may metal studs, mga bag na may bungo at kung ano-ano pang pang metal, punk, rakista, at emo. May mga street foods din pero hindi ka makakasigurado kung malinis ang pagkakaluto, gaya na lang yung mga 1 day old na sisiw, mas malinis pa ata yung langis na galing sa change oil ng sasakyan namin kaysa sa mantikang ginagamit nila, yung calamares naman eh nabalitang may formalin kaya isang beses lang ako sumubok, ayoko kasing palampasin ang pagkakataong ma-preserve ang katawan ko kahit isang araw lang. Pag bumili ka ng calamares eh parang nag-iinvest ka na rin sa mumurahing cryogenics.

Maraming cellphone, bookstore, lumang sinehan, fastfood, snatcher, manggagantso, holdaper, rugby boy, taong grasa, estudyante, sasakyan, pagawaan ng pekeng diploma, at pre-made na thesis.

Biktima ako ng thesis dito dati noong 2003 pa ata, sa sobrang desperado ko nang pumasa eh sumugal na ako, hindi ko kasi natapos yung akin. Nagpa-rush ako ng thesis, sabi ko kailangan ko na agad bukas, “ano bang course mo?” sabi ko BSTourism, sabi namn nya eh “naku marami tyo nyan, sige akin na ang downpayment at nang masimulan ko na, daan ka na lang dito bukas…” Umuwi ako ng bahay, nanuod ng TV, kumain ng junkfoods, nagsoundtrip at natulog. Petiks mode ako, walang ginagawa, walang problema…

Kinabukasan bumalik ako doon bitbit ang isang sakong pag-asa na wala na akong poproblemahin, pagkakuha ko eh lagay na agad sa bag. Ang sabi lang sakin nung babae eh tungkol daw sa airlines yung thesis, sabi ko “eh di mabuti, madali na to pag-aralan.” Humahangos ako patungo sa eskwela, kelangan kasi mai-abot ko na yung thesis kasi deadline na… Dito nagsimula ang masalimuot na adventure ko.

Pumasok ako ng faculty room, “maam eto na po yung thesis ko, pasensya na po late ko nai-submit kasi na-virus po yung floppy ko.” “Ok, umupo ka muna diyan at babasahin ko lang sandali ang thesis mo iho… I’ll ask you later about the contents of your project.” Huwaw! wala akong alam! hindi ko naman yun binasa at ang pagkakaalam ko eh kailangan mo lang magpasa at wala na ng question and answer portion. Feeling ko dudugo ang ilong ko at mapapaihi ako sa saluwal. Nag-iisip na ako ng paraan:

Option 1: Hahablutin ko yung thesis sabay takbo (ano kaya grade ko nito?)

Option 2: Tatabihan ko siya at makikibasa (pakapalan na ng mukha)

Option 3: Haharapin ang pagsubok at susubukang lumusot (risky)

Pinili ko ang Option 3, naisip ko na kaya ko naman imanipula ang katotohanan, kailangan lang na ang mga sinasabi ko eh kapanipaniwala. Habang binabasa niya ang thesis eh nakita ko yung title sa harapan… “Philippine Airlines… (ok na… madali to!) and the space tourism industry” Huwat? Tama ang nabasa ko? “Philippine Airlines and the space tourism industry” Dinaig ko pa si E.T. at Kokey! pati Space pinapakialaman ko na! Gusto kong matunaw, gusto ko ng refund, hindi ko kinaya yung title, parang panaginip lang.

Minsan ba naisip mo na sana may kapangyarihan kang maging imbisibol? or at least meron ka nung ibinabato nung mga ninja na umuusok tpos nawawala sila. Ako naiisip ko yan noong mga oras na yun. Nagflashback yung buong buhay ko, pakiramdam ko eh katapusan ko na. Parang Terminator II: Judgement day.

Pagkatapos ng ilang minuto, nakikita kong medyo nahihirapan yung prof. ko na ma-process sa utak niya yung mga nakalagay dun. Isinara niya yung libro, tumingin sakin at itinanong “Saan mo nakuha yang title na yan? approved ko ba yan?” “Opo maam” sagot ko, “out of this world nga po yang topic ko, yan ang sabi niyo sakin noon” Out of this world nga naman, space tourism eh! itinabi niya sa sulok yung thesis, sabay lagay sa maliit na papel ng grade ko. Pinagpawisan ako ng kasing laki ng butil ng mais. Drumroll…

Itinupi nya ang papel at pinaalis na ako ng faculty room. Sabi niya eh pag 4th year na ako at siya ulit prof. ko eh siguradong hindi na papasa yung mga title na ganyan. Tumango naman ako sabay alis. Pagkalabas ay ibinuka ko ng dahan-dahan ang papel na para bang pinipintahan mo ang baraha sa pusoy dos. Ang grado ko ay 3.0, pasang awa… naisip ko tuloy na kung siguro option 2 yung pinili ko eh baka 2.o ang grade ko, kung option 1 naman eh 1.0, pero malabo ata yun. :-p

Maraming peke sa Recto, yung iba ok naman, yung iba eh kaya kang bigyan ng flashback ng buong buhay mo. Isa lang ang natutunan ko sa nangyari sakin… Ang Philippine Airlines at ang space tourism industry ay mahirap ipaliwanag, para itong twilight zone, multo, engkano, incubus, bigfoot, lochness monster… Ang hirap ipaliwanag…

Next time pagbalik ko ng Recto, maghahanap na ako nung ibinabato ng ninja… you’ll never know when you’re going to need it.