Maraming beses na natin narinig na may mga taong addict sa friendster, yung tipong kumukutitap na talaga ang screen sa sobrang pagpapaganda ng sarili nilang page. Ako hindi marunong nun, techie ako pero hindi ko talaga naiintindihan yung mga code na inilalagay doon na parang “<embed:chuva%friensdter%pagandahin%profile%ko%para%cute>” ayoko rin matuto kse bka kung ano pang ipaglalagay ko sa page ko, at siempre salamat sa kaibigan kong si Meyn eh siya na ang nag-ayos ng friendster ko. Nilagyan nya ng Angel of Retribution ng Judas Priest na banda yung background ko. Natuwa naman ako🙂 kaya kung marunong lang ako gumawa ng mga ganyan, lalagyan ko si Meyn ng “<embed:Salamat%nakakatakot$yung%anghel%na%gawa^sa%bakal%tol%next%time

%demonyong%gawa%sa^bulak%naman%ok?>” sa kanyang testi.

Ang kuya ko, hindi techie, ang alam nya lang talaga sa computer eh starcraft at counter strike, aminado naman siya dun. Nakikita niya kami ng ate ko na may friendster, sabi niya kalokohan lang at waste of time. Ngumiti naman ako, yung parang ngiti ni Grinch.

Sometime last week, gumawa siya ng profile nya, nagpatulong siya sa ate ko, try lang daw niya kung ok. Doon na nagsimula ang mala-drogang epekto ng friendster, daig pa niya ang humithit ng isang libong katol.

Noong una konting pictures lang upload nya, konting edit sa profile. Siempre ako ang isa sa mga unang friend niya. Ganun talaga. hehe. Tapos naghanap na siya ng mga kaibigan nya. Sa tuwing makakakita siya ng kaibigan eh daig pa ang batang binigyan ng isang sakong kendi, at napapayosi siya sa tuwa. Sa bawat friend na makita, ibat-ibang history ang ikinikwento nya, parang isa na akong Biographer.

Ok naman kasi may libangan siya…

Isang araw, kumatok si kuya sa kwarto ko, “mix pahiram ng laptop, tingnan ko lang friendster ko…” aba… aba… kailangan ko na ipa-rehab kuya ko, “aba’y kanina lang tiningnan mo na friendster mo ah!” sabi ko sa kuya ko. “Titingnan ko lang kung sino ang mga nag-view” Kilala ko ang kuya ko, seryoso yan na tao, pero sa pagkakataong yon… Malandi ang kuya ko… Hahahaha!

Sa ngayon, pumepwesto siya sa kwarto ko pag wala akong ginagawa sa internet, parang salisi gang pero with consent. Nasira kasi yung Desktop sa taas, hindi ko naman mapaayos kasi wala akong budget para doon. Yung Laptop naman ng tatay ko eh ang suki eh si ate ko, at yung pamangkin ko na naglalaro dun ng dora the explorer kaya bihira siya makasingit sa paggamit.

Bukas palad ko siyang pinapagamit ng Laptop ko. Alam niya kasi na palagi akong online, kahit kumakain online ako, kahit nag-eexercise online ako, kahit wala ako sa bahay online ako, kahit naliligo online ako, kahit nanunuod ako ng TV online ako, kahit natutulog online ako. Ako pala ang adik…