Aw aw sabi ng aso, meow sabi ng pusa, bratatatat sabi ko!

30 06 2008

Matapos ang ika-100 post ko, hindi ko na muli nasundan. Bakit?

Tunghayan…

Daig ko pa ang isang pro-blogger… sa isang araw nakaka 30-50 akong post ng Press Release sa aking trabahaho (sa mga dumadaan na araw, mas dumadami ang naiipost ko dahil nasasanay na ako) yan kasi ang aking trabaho bilang isang web content executive sa Arabianbusiness.com. Haay…

Nakakalungkot na sa sobrang daming blagista at kaibigan ang bumabati sakin sa pamamagitan ng pagiiwan ng komento at e-mail ay wala na akong oras para mag reply. Kahit ang aking LOVELIFE “personal na buhay” ay hindi ko na maatupag. Sa bawat mensahe ninyo ay umiindak ang aking puso sa galak.

Tuliro ako ngayon, maglalaba sana ako pero hindi ko ginawa, magpopost pa sana ako ng mga late na press release pero hindi ko ginawa, pagod na ako at lumilipad ang utak ko papuntang Abu Dhabi.

47 Degrees kanina dito sa dubai, Pati hangin mainit, para akong nakatapat sa likod ng isang dambuhalang aircon. Tolerable naman… yan ay kung patay ka na… hehe!

Iba’t ibang lahi ang kasama ko sa opisina, merong konserbatibo at halos parang tela na lang na naglalakad, meron namang liberated (ibang lahi) na parang palaging magbi-beach.

Sa totoo lang… malungkot ako ngayon habang nagsusulat nito, solo ako sa living room, walang music, tahimik, isang tasang tea at screen lang ang kaharap ko. Hindi ko alam kung nagbabago na ba ako, hindi kasi ako ganito bago ako pumunta ng Dubai. Naalala ko noong despedida ko, isa-isa kong pinagmamasdan ang aking mga kaibigan, ninanamnam ko ang bawat sandali na kasama ko sila, nilalasap ko ang mga bagay na mamimiss ko ng todo pag-alis ko.

Pag wala akong magawa, nakahiga lang ako sa kama at kumakain ng nutella, nagpapataba… depressed siguro.

Pag tinotopak naman ako ay nagyoyosi ako sa ilalim ng haring araw, kahit na medyo masakit sa balat, siguro dahil bihira akong maarawan noong nasa lucena pa ako at noong nasa callcenter pa ako.

Ang aircon dito 24/7 bukas. Sobrang lamig sa loob ng bahay, sobrang init naman sa labas. Sala sa init, sala sa lamig, parang pag-ibig lang, hindi ko matimpla ng ayos.

Ang ibang pinoy, binili na ang Dubai sa sobrang kayabangan. Nakakalungkot.

Ang iba naman ay nagtitinda ng tinapa, chicharon, tuyo, kutsinta, sapin-sapin, turon, etc. bilang sideline para may maipang tustos at may sariling panggastos bukod sa pinapadala nila sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas. Mas Nakakalungkot.

Sa totoo lang, kakaiba ang pakiramdam ko pag may kasamang pinoy sa bus, sa bus stop, sa yosihan, sa grocery, sa restawran ng shawarma. Feeling ko “threat” sila sakin. Kasi dito, kapwa mo pinoy ay kaya kang traydorin. Kaya kang lokohin. Kaya kang gantsohin. Kaya kang abusuhin.

Ang pinoy, kayang manakit ng pisikal… kahit na pwede kang makulong kahit binatukan mo lang ang kaaway mo.

Ang ibang lahi, hampasan lang ng tsinelas (totoo to kahit na parang nakakataawa silang panuorin)

Uuwi kaya ako sa pasko? Hmm… Pwede na akong umuwi dahil payag naman ang kumpanya. May iba akong plano… hindi ako sa Pilipinas uuwi.

Masaya ba ako sa trabaho ko? Masaya, na nakakapagod. Pero dahil kailangan kong mag-ipon para sa kinabukasan ng aking magiging pamilya, kailangan…

Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito, gusto ko mag-beach… gusto ko tumambay sa parke at magrelax. Haay…

Hindi ata ito blog post… ito ata ay listahan ko ng mga kung anu-anong bratatat… ipost ko pa kaya? siyempre…





Ang bisyo

4 06 2008

Almusal :

  • Isang tasang mainit na kape
  • 3 stick ng Gauloises (ang Marlboro substitute ko dito sa Dubai)
  • Shades
  • Pantulog na short na mukhang “pekpek” shorts ng mga nagdadalaga pero panlalaki (hindi ko alam kung maliit ba talaga yung shorts o sikip na sakin)
  • Hilamos ng mukha
  • Labas ng pintuan upang mag-muni muni habang pinagmamasdan at ikinukumpara kung ang suot ba ng kapit bahay naming ibang lahi eh yun pa rin

Yan ang mga ginagawa ko (hindi yan in order) tuwing umaga. Matapos ang routine na yan, job-hunt mode naman sa laptop ko.

Hindi pa rin ako naho-homesick, ang tanging naiisip ko lang na namimiss ko ay ang aking pamangkin na si nicole…

May buhok na si nicole sa picture na yan, at sana hindi na mawala sa mga susunod na chemo niya. Sana pagbalik ko ay longhair na ulit siya gaya noong maliit pa lang siya. Makulit ngunit bibo ang pamangkin kong ito, isang munting anghel na bumago sa buhay ko. :)

Eto naman ang pinaka-bagong miyembro ng aming pamilya… si Adrian :)

hehehe! cute yan si adrian, manang mana sakin. hehehe! Pamangkin ko siya sa aking kuya. :) Mabait na bata yan ngunit magugulatin. Goo-goo and gaa-gaa’s pa lang naririnig ko sa kanya noong umalis ako, sana pagbalik ko ay marunong na siyang magsalita ng “pneumonoultramicroscopicsilicovolcanoconiosis” ang longest word sa english dictionary. hahaha!

At siyempre namimiss ko rin ang pamilya ko, pero yung mga chikiting pa rin ang lagi ko naaalala lalo na pag may problema ako, nawawala kasi ang kalungkutan at alinlangan pag naiisip ko silang dalawa. :)





Batibot!

7 04 2008

Hindi ko alam kung bakit pagkagising ko kanina ay si kiko matsing agad ang nasa isip ko. Umaalingawngaw din sa aking utak ang kantang tinapang bangus na madalas awitin sa Batibot.

Isang batang Batibot ako. Lumaki ako na sumusubaybay sa palabas na ito, pagkatapos nito, sabay lipat sa kabilang istasyon para manuod ng Sesame Street.

Si ate shena, kuya bodjie, ning-ning, ging-ging, pong pagong, kapitan basa, direk, irma daldal, sitsiritsit, alibangbang, koko kwik-kwak, at sultan parachibum. Ang mga boses, galaw, turo, alindog, sayaw, kwento, at pagbibilang. Yan ang mga bagay na gigising sayo sa araw-araw na ginawa ng diyos. Sa murang isipan ko noon, napaniwala nila ako na ang mga alamat ay totoo, at si kuya bodjie ay isang aktibistang tahimik na humuhulma ng isip ng mga kabataang nanunuod nito.

Kaninang umaga, si kiko matsing ang unang pumasok sa isip ko pagkagising ko, yung boses nyang sadyang nakakakiliti sa tenga ang umaalingawngaw sa aking diwa. Hindi ko naman siya napanaginipan at mas sigurado akong hindi niya ako ini-incubus. Hindi ko ata ma-imagine na nire-rape ako ni kiko matsing sa panaginip.

Bigla ko tuloy naalala, bakit pag nananaginip ka na nasa cr ka at kaharap mo ang trono ay napapaihi ka sa saluwal at binabasa mo ang kama. Noong bata pa ako, umiiihi ako sa kama. Siyempre si erpats magagalit, bakit daw kasi hindi ako bumangon, eh diyos ko, babangon pa ba ako eh nilinlang na ako ng panaginip ko na nasa banyo na ako! yung tipong nakatutok na ang sandata at iihi ka na lang!

Balik tayo sa Batibot. Kumakain ako dati ng almusal, batibot ang kaharap ko. Pandesal na may cheezwhiz at kape. Ewan ko nga ba kung bakit bata pa ako ay kape na ang pinapainom sakin ng magulang ko. Kaya siguro malakas ang kaba sa dibdib ko pag dumadaan ang crush ko sa school. Ang paborito kong segment ay ang mga kwento ni kuya bodjie, dahil bata pa ako noon malakas ang imahinasyon ko, hindi kagaya ngayon na puro pantasya na, parang nilalaro niya ang utak ko pag siya ang nagkekwento ng napakalumanay.

Maraming naituro ang batibot, pero kahit na hindi ako tinuruan ng batibot na huwag umihi sa kama, at safe sex, PROUD batang batibot pa rin ako! hahaha!





May lisensya na ulit ako…

25 03 2008

Banned naman ako sa pagmamaneho amp!…

Nag browse ako ng pix ko sa friendster kanina, natawa ako dito… Ang cute mo meyn, para kang modelo ng cheezwhiz! Dinaig mo pa ang pagpapacute ni Susie at Geno… LOLZ!

Mga Takas Sa Mental

Kuha ito sa “Kamayan sa Palaisdaan” sa Lucban Quezon a few months ago. Mukha kaming mga walang problema, mga mukhang takas sa mental… kakaresign ko lang nyan sa trabaho.

Cheers!





Ang Mapait Na Aksidente Noong 2005

13 03 2008

Hulyo 23,2005 4:30pm— Pagkatapos na pagkatapos tumugtog ng aming banda sa screening ng musiklaban, bumaba ako upang makakuha ng tansan ng redhorse dahil kulang ang dala namin para sa requirement. sumakay ako ng aking motorsiklo ng biglang nag-ala “black beauty” ito sa pagka-wild! nagmistulang isang mailap na hayop ang aking motor dahil napaglaruan ng mga bata ang silinyador nito. Nabali ang buto sa ilalim ng aking tuhod at kinakailangan kong magsuot ng thermoplast cast (hindi ko sure kung ito nga yung tawag) upang gumaling ito. Napilitan din akong tumigil sa aking pag-aaral, labag ito sa aking kagustuhan sapagkat mahilig akong mag-aral, ako na ata ang taong nagagalit pag hindi nakakapag-aral, at nagwawala pag hindi nakakahawak ng libro. Sa kadahilanang lahat ng aking mga klase ay sa 4th at 3rd floor isinasagawa, at saklay ang aking gamit, at walang Elevator sa CEU, at hindi namin afford ang wheelchair na kagaya noong kay Professor X, hindi ko na itinuloy ang semestre. Malas!

Pilay at ang inadobeng pusa

Agosto 5, 2005— umuwi ako mula sa kamaynilaan dahil nai-drop ko na ang aking mga subject. salamat sa tulong at effort ng aking katipan nuong panahon na iyon, hindi ako nahirapan sa proseso. Gabi ng araw na ito, tumugtog kami sa patimpalak ng Musiklaban na may kaba sa aming mga kalooban. Wala kasi ang aming isang gitarista na si kumpadreng Dox Asilo, tapos ako’y hirap ding kumilos dahil sa aking kalagayan. Awa ng diyos ay nakatugtog kami, last nga lang kami sa labing limang banda na nagtunggalian sa paligsahang kaylupit! kaya pagod at antok na ako. Nararamdaman ko rin ang unti-unting pagkirot ng aking buto at kalamnan. Natalo kami ng may dangal sapagkat naramdaman namin na kahit natalo kami sa patimpalak ay nakuha naman namin ang respeto ng ibang banda at ng mga manunuod. Panalo na rin ang pakiramdam… wla lang cash… hehehe!

Muziklaban 2005

above: Ako at si Meyn during Muziklaban 2005

Septiyembre 7, 2005— Ito ang pinakahihintay kong araw sapagkat tatanggalin na ang balot sa aking mga binti. Akala ko’y simula na ito ng bagong pag-asa. Sa daan patungo sa klinika ng aking doktor iniimagin ko na ang aking sarili na tumatakbo sa dalampasigan gamit ang aking mga binti. Tumatakbong masaya, may ngiti sa mga labi, walang saplot at patungo sa dagat. Ngunit nagmistulang isang masamang panaginip ito sapagkat ako pala ay hindi agad makakalakad. Ako ay nabigo. Sayang lang ang aking eksaytment. Upang maibsan ang aking kalungkutan, ako ay natulog na lamang. Naisip ko, hindi dapat Doctor Aguilar ang pangalan ng aking Doktor kundi “Doctor Doom!” nasira kasi ang aking mga plano. Namuhay akong parang ermitanyo, ipinangako ko sa sarili ko na hindi ako magpapagupit, hindi ako mag-aahit ng bigote at hindi ako mag-aahit ng goatie.

Matapos ang isang buwan:

Araw-araw akong pumupunta sa PT rehab upang mag-aral lumakad. Para akong sanggol na tinuturuang humakbang, at amoy sanggol din naman ang magagandang nurse sa ospital na aking pinupuntahan. Parang sanggol din naman ako sa pagpapacute.

Parang jellyace ang isa kong binti, namatay ang mga masel ko at ang natira ay ang mataba kong hita. Isang buwan din akong nagbabayad ng 250 araw-araw, krus na ang mga magulang ko ang pumasan sapagkat estudyante pa lamang ako noon. Masaya sa Rehab center, marami akong nakilala, may matanda, may bata, may magagalitin, meron namang tamad mag rehab. May lola rin na nag-iinarte, na napakalakas ng sigaw, kaya halos lahat kami, kasama yung mga PT doon ay naglabas ng cellphone, inirecord ang sigaw niya, at ginawang ringtone. “Aray, aray, aray diyos ko! aray, aray, aray diyos ko!” yan ang paulit ulit na sambit ng matandang hindi pa nahahawakan ay umaaray na agad.

Matapos ang lahat… Nakakalakad na ulit ako…

Para sa mga makakabasa nito na mahilig magmotor, ingatan po natin ang ating mga sarili. Grade 4 pa lang ako noong magsimula akong magmotor, kung sa karanasan ay marami na rin ako, pero ang aksidente ay aksidente, kahit anong ingat mo sa kalsada, pag pinaglaruan ka ng kapalaran… Buhay mo ang nakataya… Konting ingat.