Mga tulang sariling likha

20 02 2008

“Paalam Sampaguita”

Kung marunong kang umibig, dapat handa ka ring masaktan, iyan ang karanasang akin ay natutunan. Maging masaya ka sa oras na ibinigay sa iyo, dahil ano mang oras ay babawiin din ito, oras man ay lumipas hindi magbabago, alaala ng nakaraan at pusong nangangako.

Paalam Sampaguita ikaw ay aking minamahal, lihim man ang pag-ibig, sayo ay kusang ibibigay. Darating ang araw tayo’y muling magtatagpo, sa pagkakataong iyon iaalay ang buong puso.

Paalam Sampaguita kasama ang iyong ngiti, ngiti na sa aking isipa’y hindi na mapapawi. Luha man ang dulot ng iyong paglisan, maituturing pa ring langit ang sakit na naramdaman.

Paalam Sampaguita… Mahal kita…

“Emosyon”

Lumipas ang maraming araw
sa bintana pa rin nakadungaw
para bang may hinihintay
kahit lahat ay pangarap lang

Minsan itinatanong sa sarili
Sino ba ang maituturing mong dakila?
Ang lalaking naghihintay sa kanyang minamahal?
O ang lalaking sinusundan ang puso’t bawat galaw?

Parang mitsa na hindi nauubos
Awiting hindi natatapos
Kandilang hindi nauupos
batis na tuloy ang pag-agos

Pag-ibig sa mundo ay laganap
ngunit ang mahirap ay ang humanap
ng nag-iisang pinapangarap
sa isip na lang mayayakap

Ako ang dakila
Tayong dalawa dakila
Tayong lahat dakila
Dahil kahit masaktan, pag-ibig ay muling pagbibigyan…

“Doon”

Sa bawat pagpatak ng ulan
Sa galit na alon ng karagatan
Sa lamig ng ihip ng hangin
sa dilim pag litaw ng buwan

Sa mundong ating ginagalawan
Sa paraisong hindi matagpuan
Sa pangarap na hindi mapantayan
Sa pusong ang tibok ay napipigilan

Sa buhay na walang hanggan
Sa bisyong walang patutunguhan
Sa sakit ng iyong paglisan
Sa nakaraang pilit kinakalimutan

Sa pangakong may katuparan
Sa halik na siyang inaabangan
Sa yakap na may halong lambingan
Sa sarap ng iyong kandungan

Sa damdamin na nasugatan
Sa sinungaling na walang dahilan
Sa layo ng paroroonan
Sa pagkakataong pinagkaitan

Sa matagumpay na tangahalan
Sa masigabong palakpakan
Sa likod ng pinilakan
Sa pagtatapos ng kawalan

Doon…


Actions

Information

One response to “Mga tulang sariling likha”

20 07 2008
Aling Baby (15:47:22) :

huwaw ang gaganda naman nitong mga tula mo ah, dakilang pag-ibig. napakaswerte naman ninuman siya. :) para kanino ba ang mga itu? :)

*mix, indi ko po nakuha ung e-add mu. panu ko send ung pic ko?? tenks po.

Leave a comment

You can use these tags : <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>