Michael Jackson + Bollywood = dance dance revo!

11 05 2008

[Warning] May cause last song syndrome… you have been warned.

Mother’s Day ngayon, pero tanghali na naman akong gumising, lasing nanaman ako kagabi, at kulang nanaman sa tulog.

Kanina pag gisiing ko ginawa ko ang aking daily routine. On ng laptop, punta sa banyo, hilamos, on ng router, upo sa harap ng internet at yosi.

Dahil umuulan at medyo depressing ang panahon, naghanap na lang ako ng mga nakakatawang youtube clips, nagsimula ako sa mga bloopers, at mga live tv shows na “sumabit” masarap manuod ng nakakatawa pag bagong gising ka lang. Nakakawala ng lungkot at parang gumaganda ang makulimlim na araw ko.

Nang nagsawa na ako sa mga clips at medyo nagutom na ako, umakyat na ako sa taas (kasi sa basement ang kwarto ko) upang kumuha ng pagkain. Pagbalik ko, naisipan kong hanapin ang video ko dati sa youtube.

Eto na…
Nang ginamit ko ang keyword na “mix glorioso” wala ang video ko. Ang lumabas ay mga italian football game (Proud ako na may Glorioso St. sa Rome!) at kung anu-ano pang video na iba ang lengwaheng gamit. Sa dulo ng search page, isang video ang tumawag sa aking attensyon. Isang video na hanggang ngayon ay inaawit ko sa aking isipan. Goli Mar!

Anak ng tokwa… Michael Jackson + Indian Entertainment = Last Song Syndrome at Masakit na tiyan kakatawa! Do the math! hindi mo na kailangang maging henyo! haha!

Eto ang unang video… ito yung original. Pansinin niyo na ang beat ng kanta ay parang “Thriller” ni MJ na medyo mas pinabilis at mas ginawang kaindak-indak!

Dati pa akong tuwang tuwa sa choreography ng mga indiano, kahit kasi modern times na eh ang dance step nila ay nakakatawa ngunit punong puno ng kanilang kultura. Naaalala ko pa noong high school pa ako, pantanggal ko ng inip ang mga palabas sa “SAHARA”, isang cable TV channel na parang TFC ng mga indiano dito sa Pilipinas. Mababaw ang kaligayahan ko pagdating sa entertainment, kahit hindi ko naiintindihan ang mga sinasabi nila ay nalilibang naman ako.

Hindi ko Alam ang ibig sabihin ng salitang “Goli Mar” pero binuo ang araw ko ng kakatwang bidyong ito.

At dahil sa related links ay merong “Goli Mar” na may english translation, ishe-share ko na rin sa inyo upang lubos ninyong maunawaan ang ibig sabihin ng kantang ito.

Ayon sa aking masusing paghihimay-himay ng mga nakita ko sa bidyo, may magkasintahan na naglalampungan sa isang madilim na bahagi ng bukid. Ang babae ay may kasuotang “80’s” ang dating, ang lalaki naman ay may suot na jacket na katulad ng kay Michael Jackson. Kung mamalasin ka nga naman ay biglang may susulpot na mga zombie sa inyong paligid, kakagatin ka upang ikaw ang maging “pinuno” ng kanilang dance troupe. Nagsimula nang magsayaw si ginoong “goli mar” at mukhang takot na takot ang babae hindi dahil naging mukhang chipipay na zombie ang kanyang nobyo, kundi dahil na turn off siya sa “horny looks” nito sa 00:15 noong bidyo. Nagtititili ang babae sapagkat masyadong pwersado si “goli mar” sa kanyang mga dance moves at natatakot siya na baka ganun din siya “umindak” sa kama.

Ang moral ng istorya ay wag maglapungan sa lugar kung saan may magagaling sumayaw na zombie. Pumunta na lang sa CCP at mag-bike, or sa luneta para mag picnic. Iwasan ding magsuot ng katulad ng jacket ni Michael Jackson, at palaging magdasal… na sana, hindi ganun ka-pwersado magsayaw ang iyong nobyo o nobya lalo na kung nasa sosyal na lugar kayo.

GOLI MAR! (MAR MAR MAR MAR MAR MAR)

BWAHAHAHA!




The Secret (pt.2) Puzzle Solved!

8 05 2008

Ako’y nagbalik na galing sa Maynila. Welcome back to me…

Sa aking nakaraang post, naikwento ko ang mga kamalasang inabot ko sa pag aasikaso sa Maynila. Lahat, bulilyaso, lahat tumagal. Pinanghihinaan na ako ng loob na yung mga inaasikaso ko sa Manila ay hindi ko na matatapos at kakailanganin ko pang ipa-DHL yung mga papeles ko papuntang puso ni M abroad. Mauuna pa ako sa mga lecheflaningles na papeles. Pagod na ako, naliligo na sa pawis, at frustrated na sa mga nangyayari sakin sa Maynila. Hindi na ako naniniwala sa “THE SECRET” na naisulat ko sa mga nakaraang posts ko.

Noong lunes, nagtungo ako sa Manila, kinuha ko ang resulta ng halos 4 na buwan kong paghihintay para sa correction ng aking middle name. Ayos na, nakipagpalitan lang naman ako ng pawis sa mga katabi ko sa pila. Dinaig pa ang pista ng Nazareno sa Quiapo sa kapal ng tao sa NSO. Medyo ok pa ang morale ko, positive thinking pa rin ang aking pinaiiral.

Pagkatapos sa NSO, pumunta na ako sa SM Manila upang makipagkita kay Pure, Nagpasama ako sa kanya sa DHL sa 5th floor upang maitanong kung magkano at gaano katagal ang hihintayin ko para sa authentication ng documents ko sa DFA. Ang sumambulat sa amin ay isang magandang babae na solo lang sa maliit na opisina ng DHL. Sinabi niya sakin ang mga dokumentong kailangan ko (Notaryo etc.) bago ko ibigay sa kanya ang mga dokumento ko. Ang proseso naman ay 10-15 days. Napanganga na lang ako hindi dahil masyadong matagal kundi dahil ang ganda ng kanyang brown eyes. LOL! Pag nagkataon, paalis na ako eh wala pa ang mga importanteng papeles na kailangan ko. Pero positive pa rin… hindi pwedeng panghinaan ng loob.

Pumunta ako ng Manila city hall upang magpanotaryo. Smooth ang proseso at ang bilis magtype sa computer ni atorni na para bang isa akong VIP. Ngunit eto na… isang bad omen. Inabot ng 3 try bago naiprint ng maayos ang pinapagawa ko. May naiwan kasing pending na print job sa printer queue. Parang ayaw ata ako bigyan ng notaryo. Parang nananadya na ang tadhana. Gusto ko nang tumayo at gamitin ang TSR skills ko, pero hinayaan ko na lang. Mabuti na lang at hindi naiinip si Pure dahil busy siya sa pagkalikot ng kanyang PSP, ganyang kaming mga single, nalilibang na lang sa video games. haha!

Natapos ang notaryo, kailangan ko daw umakyat sa 4th floor. Pagpunta namin sa 4th floor…
“Iho sarado na kami, bukas ka na lang bumalik ng maaga dahil magkakape pa ako at sinisimot ko pa ang asin na natira sa kinakain kong mani kanina sarado na kami kahit 4:30 pa lang ng hapon.” Nagsimula na nga ang sunod sunod na kamalasan.

Parang wa-epek na si “THE SECRET” hindi ko na madama ang “POWERS”

Martes ng umaga, Nagligpit ako ng mga gamit ko sa boarding house. Pagkatapos noon ay bumalik ako sa city hall para ituloy ang naudlot kong lakad. Ok naman lahat, kasama ko nanaman si Pure, kaya lang eto na…

“Iho eto ang stub, wag mo itong iwawala dahil kailangan mo ito para ma-claim ang pinapanotaryo sa Huwebes. Ipapadala pa kasi ito sa Santo Papa sa Roma at pipirmahan pa ng lahat ng leader ng APEC.

Anak ng tupa. Ang dapat na dalawang araw na lakad ko lang ay magiging isang linggong disappointment. Naubos na ang aking morale sa napakadaling panahon. Dulot na rin ito ng palaging pagpila ng napakahaba sa bawat ahensya na puntahan ko. Para akong alagad ni Moses… matagal na naghahanap ng “lupang pangako…” Ibinuhos ko ang galit sa Dalawang dambuhalang burger sa Burger King! yan ang nakita naming sulusyon ni Pure sa nakaka frustrate kong linggo. Bumalik ako sa DHL sa 5th floor, doon kami nagkita ni Pure, habang wala pa siya, nalaman ko ang nakakalungkot na balita… Ang mahal ng mga rates na inilatag niya sakin, ang masama pa diyan, nalaman kong meron na siyang asawa at anak. Hindi na “single” si Ms. DHL with brown eyes. Double na siya.

Wednesday, araw ng pahinga ko. Sinamahan ko lang ang pamangkin ko sa Chemo niya at regular check-up. Pagkatapos ay kumain muna kami sa Jollibee upang tugunan ang kumakalam kong tiyan. Nagbulsa pa ako ng extrang burger para may baon ako pag-uwi. Hindi inaasahang nandun si Joseph Bitangcol (tama ba spelling?) at talaga namang nagkagulo ang mga crew ng jollibee at panay ang pagpapacute. Pogi siya. Hanggang dun na lang muna. Haha!

Thursday (today) Gumising akong nag-iisip ng paraan upang mapabilis ang proseso ng aking pagaasikaso. Wala na ako sa mood, pero pagharap ko sa maliit na salamin sa banyo ng aming boarding house, tiningnan ko ang aking sarili. Sinabi ko sa sarili ko na “MATATAPOS KO ITO LAHAT NGAYON!” kahit na alam kong may halong “magic” pag nangyari yan.

Bumalik ako sa city hall, ang isinalubong ko sa mga haggard na hitsura ng mga tao doon ay ang aking matamis na ngiti. “Good morning maam’ kukunin ko na po sana yung ipinanotaryo ko sa inyo” bungad ko. “Totoy, akin na ang stub at ako na ang kukuha.” ganting tinig niya. Sa pagkakataon iyon, natuwa ako, hindi ako pumila at hindi ako naghintay, wala pang 5 minuto ay tapos na. Ang saya…

Nag dalawang isip akong pumunta sa DFA para sa authentication ng documents ko. Alam ko kasing madaling araw pa lang ay matindi na ang haba ng pila doon. Pag tingin ko sa relo ko, alas-10 y medya na. Sa trapikong nakikita ko sa kalye, natantsa ko na isang oras ang biyahe. Pero sige, go lang, it’s now or never, nasimulan ko na ang araw ko na maganda, alam kong magtutuloy-tuloy na to… sana…

Bumaba ako sa Libertad station na nangangapa. Hindi ko kasi alam kung ano bang sasakyan ko upang maabot ang DFA. Binunot ko ang yosi ko sa aking bulsa, tumayo ako sa isang tabi at nagmunimuni habang pinagmamasdan ang mga pakwan na nasa kariton na parang nasa loob ng aquarium na gawa sa plastic cover. Matapos ang ilang hithit-buga, sumakay na ako sa jeep na may karatulang “DFA” obvious kaya pinatulan ko na.

Pag dating ko sa DFA, 11:30 na. Sakto, tama ang komyutasyon. Inisip ko na lang na magpalipas ng lunch break ng mga empleyado para ala-una ako ng hapon babalik at sasabak sa pila. Inisip ko nang pumasok sa loob ng DFA, sa sobrang lupit ng pag-kapkap sa akin ni manong sekyu, nadurog ang baon kong hopia sa bulsa ko. Hindi na siya nagsorry nang nakita niya na “beyond recognition” na ang hopia na sana ay “kutkutin” ko habang nagpapalipas oras. Hinayaan ko na lang. Hindi puwedeng sirain ng 6 na pirasong Goldilocks Hopia Monggo ang araw ko. Lumapit ako sa sekyu sa may entrada ng building, “manong ilang araw ang processing ng authentication?” tanong ko. “1 week sir” sagot naman ng halatang excited nang magtanghalian na sekyu.

Tumuloy pa rin ako sa loob, lumapit sa desk at kumuha ng form. Matapos kong punuan ang mga hinihinging impormasyon sakin, pumasok na ako sa loob. Hindi na ako umaasa na mapapabilis pa ang aking ginagawa, nagpasalamat na lang ako at eto na ang huling hakbang na gagawin ko at handa na ako. Sa bawat hakbang ko rin papasok ng silid ng authentication ay pinaplano ko na ang pagluwas ko next week para sa pagclaim ng dokumento.

“Mico!” (Palayaw ko)
“Mico!”

Hindi ako lumilingon. Konti lang ang tumatawag sakin ng “Mico” dahil kilala lang ako sa pangalang iyan noong highschool. Sa kabila ng salamin, nakita ko si “Mr. T” hindi ko puwedeng banggitin ang kanyang pangalan dahil baka “masilip” siya doon ng mga nakatataas ng puwesto. Nakangiti siya sakin at biglang humataw ng “high 5″ apir! “Anong ginagawa mo dito?” tanong niya… “magpapauthenticate sana ako” tugon ko naman.

Agad niya akong pinalapit sa window at binigyan ng resibo. “Takbo na sa cashier, baka mag lunch na yun…”

Parang “Amazing Race” ang karipas ko sa pagtakbo. Muntik ko pang makalimutan ang sukli kong 200 pesos. Pagbalik ko sa authentication ay naglalagay na ng gintong selyo si Mr. T, iniabot niya sa kanyang boss ang aking 99% finished na authenticated na dokumento, pinirmahan niya ito ng wala nang kiyeme.

100% finished na ang DFA authenticated na dokumento ko sa tulong ni Mr. T! Ang 1 week na paghihintay, naging less than 20 minutes na proseso. Salamat kay Mr. T!

—Moving on—

Napahiya ako sa sarili ko, lahat ng bagay ay may dahilan… may “POWERS” pa si “THE SECRET” lalo na pag sinamahan mo ng dasal at tiwala sa sarili. Wag mo nang masyadong samahan ng “lakas ng loob” kasi baka masobrahan ka.

Sa pagkakataong ito… muling napatunayan ko ang power ng positive thinking… it really works. Pagtawanan mo na ako, pagtatawanan din kita… hehehehe! Basta ang alam ko, para itong droga. EPEKTIB! PASEETEEB!

Ang lahat ng nangyari sa akin noong mga nakaraang araw ay isang malaking puzzle, magulo. Pero sa huli, mabubuo at makakalikha ng magandang larawan.

Hindi rin halata sa post kong ito na namiss ko ang blogosphere! hahaha! 1,488 words haha!




Kung Ayaw mo…

8 05 2008

Kung ayaw mo sa isang bagay, wag ka na lang magsalita.
Malaki kasi ang tsansang, away ay magsimula…




Manila Boy!

6 05 2008

Nandito ako sa Maynila simula noong lunes. Hindi ko dala ang laptop ko kaya parang may “kulang” pero siguro naman hindi ko pa nakikita ang “laptop” ko bilang substitute sa isang tunay na “girlfriend”

Ang buong akala ko, makakauwi na ako ngayon, araw ng martes. Ngunit sa hindi maipaliwanag na paraan eh puro bulilyaso ang lakad ko. Parang gumaganda na alng ang araw ko e pag oras na ng pagkain.

sa Burger king, buy 1 take 1 ang junior whopper. Doon ko ibinuhos ang galit at gutom ko! Anak ng tipaklong! 2 days na ako sa Manila pero wala pang 42.5% ang natatapos ko! (accurate computation yan!)

Hindi ako makakapag-online ng regular ngayong mga darating na araw pero salamat “SAYO!” kasi andiito ka at nagbabasa ng mga kamalasan ko.

Grabe ang init dito sa Manila, sa bawat taon na iginugol ko sa pagtira dito sa kamaynilaan, damang dama ko ang pagbabago sa mga lumipas na panahon. Mainit sa Maynila noon, pero hindi kasing init ng mala-pugon na init na nararanasan ko ngayon. Natulog na ako ng “naka-brief” (sorry, no pictures attached) ngunit nagmistulang iniincubus ako dahil sa pagtagaktak ng aking pawis.

Kahapon (Lunes) nanggaling ako sa NSO upang kunin ang mas pinaganda, mas pinatatag, mas pinakwela kong Birth certificate w/ correction. Sa Wakas! After 3 months! napasakamay ko na ang resulta!

Kanina naman, naghalungkat ako ng mga hidden treasures ko sa aking boarding house. Hanggang Abril lang ang bayad ko ngunit dahil isa na akong “beterano” hindi na ako siningil sa libreng pagtira ko dito. Nagempake ako at ipinagtatapon na ang mga bagay na nagpapaalala sakin ng mapapait na alaala noong college. Anak ng tipaklong, Sa sobrang dami ng gamit ko, noong matapos akong magempake ay halos nangalahati ang gamit ko… Ibig sabihin, puro basura ang kalahati ng gamit ko. Mga gamit na wala nang pakinabang sakin ngunit itinatago ko pa. Hmmm… hindi lahat itinapon ko. Ang iba ay dadalhin ko pag-uwi sa probinsya. Kukuha ako ng malaking lata ng Nido, doon ko sila ilalagay, lalagyan ko ng gas at susunugin. Ayaw ko ng may ibidensya. Ayaw ko na ng mga alaala.

Hindi ko alam kung kelan ako uuwi sa Lucena. Miss ko na ang kama ko at miss ko na ang lutong bahay ng aking ama’t ina.

Nakakasura mang isipin ngunit mukhang matatagalan pa ako dito sa Maynila. Isang lugar kung saan natuto akong maging idipendiyente at mapagsumikap, lugar kung saan kailangan kong magluto para hindi magutom, at maglinis para hindi magmukhang taong grasa ang natutulog sa kama ko. Malapit ko nang iwan ang Maynila, lugar na halos walong taong kumupkop sa akin at humubog sa aking pagkatao. Siguro sa mga huling sandali ko dito, nanamnamin ko ang pulusyong nakasusulasok, at sasabayan ko na lang ng workout ang matinding init para talagang pagpawisan ako ng todo at mailabas ko ang mga toxins ko sa katawan na dulot ng yosi.

Hanggang dito na lang muna, ito ang unang pagkakataon na nagpost ako sa blog ko sa isang computer shop, medyo naiilang ako kasi lumilingon itong katabi ko. Ayaw ko na mabasa niya… kahit na lantad naman sa publiko ang pitak kong ito…




Ala Eh! The Laiya Adventure (pt.2)

4 05 2008

Bigas… Yan ang naging isang malaking tinik sa lalamunan namin noong nandun kami sa Laiya. Sa previous post ko ng Laiya Adventure, makikitang binili namin ito sa isang bigasan sa San Juan. Ang bigas na binili namin ay hindi NFA rice, pero mamamatay ka sa pagsasaing dahil ang tagal maluto at matakaw sa tubig. Kailangan pang magsakripisyo ng kaunting tutong para maluto ng maayos yung nasa ibabaw. Kahit tumambling ka ng 100 beses, hindi maluluto ang sobrang espesyal na bigas na ito.

Pag may tiyaga, dagdagan pa ng isang kilong pasesnya at maluluto rin ang bigas. Hilaw ang gitna ngunit luto ang nasa gilid ng kaldero. Oo sasabihin nyo na sana hinalo, nilaksan ang apoy, hinaan ang apoy, dagdagan ng tubig at marami pang iba. Pero sa maniwala kayo’t sa hindi, ginawa na namin yan lahat. Naluto naman ang Kanin matapos ang halos 45 mins na pagsalang nito sa maliit naming kalan. Salamat. Whew!

Matapos ang mala-survivor naming bigas, nagluto na si meyn ng kanyang specialty na gulay. Sitaw, carrots, patatas, onions, garlic, rosemary (dried) paminta, at isang dakot ng pagmamahal and voila! masarap na ulam pananghalian! Si meyn ay parang si molto mario. Mahilig magluto at mahilig din kumain. :)

Ang inihaw na tilapia… masarap, malasa, sariwa at punong-puno ng carcinogens! Yan ang first batch ng tilapia, yung next batch na binili namin kinabukasan, eh side “A” lang yung pwedeng kainin. Natulala kasi ang nag-iihaw na si miles sa mga chicks na naka bikini sa kabilang cottage. Nasunog ang side “B” pwede mo pa naman tiyagain kainin pero parang nakakawalang gana kumain ng “ULING” hahaha! :)

3 oras na akong nakaupo dito pero hanggang dito pa lang ang nagagawa ko. haha! madami kasing nakikipagchat at may nag “hello” pa na “long loast friend” hmmm…

Sa larawan sa taas, makikita ang sipag ko sa paguutos ng pagtatayo ng tent. Nagmistulang mayordoma ako. hahaha! tumulong naman ako pero dahil sa kanila naman naka-toka yun eh ipinagpaubaya ko na.

Sila ang nagpakahirap magbuo, ngunit ako ang unang naglagay ng gamit sa loob… hahaha!

Pagkatapos mananghalian, inuman na agad! Ano pa ba namang gagawin namin eh masyado pang mainit para maglangoy. Poker, alak, yosi at beach. Parang yan ang ingredients para magkasala ng maaga. Sa larawan sa itaas, makikita si Pure a.k.a. emoboyblue, ako, si andre at si miles.

Alas 3 pa lang ng hapon ay medyo masama na ang tama ko. hindi na ako malakas uminom katulad noong college. Naalala ko tuloy ang panahon na nabuo namin ang “friday group” na miyembro ay ang mga kaboardmates ko (PJ, ako at si Chris) at ang magkakaibigang taga la salle taft (Jen, Vina and company). Inuman at kulitan magdamag. haaay… memories. Sa larawan nga pala sa taas, hindi galit si Pure. “Horny” looks niya yan. Yan ang kanyang “asset” haha!

Ako basag na at nakasandal na sa kawayan habang sila ay masayang naglalaro ng poker. Ang mga nasa larawan ay (from left to right) marc, meyn, andre, roi, benjie, donna, raquel, paul, pure, miles at ako…

At dahil lasing na ako, kailangang tumambay ako sa beach para mahulasan at ma-enjoy ko naman ang “view” hindi ko gustong humiga dahil matutuluyan na akong matulog ng deretso. Baka pag nagising ako eh biglang uwian na pala at mga nognog na ang mga kasama ko.

Sa 500+ na pictures na pinagsama-sama sa tatlong camera na dala namin, ang hirap mamili ng ilalagay sa  series ng posts kong ito. May iba kasing pictures na gaya nito:

Kaya naman sinusuri ko munang mabuti kung angkop ba sa blog ko ang mga larawan. Ayoko kasing mabansagang “porn site” at ayaw ko rin maglagay ng tag na “m2m” at “brokeback” haha! Marami kaming ginagawang kalokohan pag nakainom. Naranasan ko nang bumili ng alak sa Treats sa Petron sa Makati ng naka leather jacket lang at boxer brief. Kaya mo yun? hahahaha!

Sa susunod kong post, ilalagay ko ang huling bahagi ng trilogy na ito. Pero malamang abutin ako ng ilang araw bago ko ito mailathala dahil simula bukas (Lunes) ay magiging busy na ako sa pagaasikaso ng aking mga kailangan sa pag-alis. Ang bilis ng panahon… Parang kailan lang eh mga fetus pa lang tayo…

Itutuloy…




Mata-Tag “The Eleven Tag”

3 05 2008

Tagged by Iris, ang nanay ng cute na cute na si mia! :)

Name 11 people you can think of right off the top of your head. Don’t read the questions underneath until you write the names of all the 11 people. This is a lot funnier if you actually randomly list the names first. No cheating.

The Eleven:

  1. Peach
  2. Pure
  3. Meyn
  4. Andre
  5. Duduy
  6. Paul
  7. Marc
  8. Em
  9. Maloi
  10. Karen
  11. Nicole

The Questions:

  1. How did you meet # 4? Friend since kinder corny days.
  2. What would you do without #5? Malungkot ang college kung nagkataon.
  3. What would you do if #2 and # 6 were going out? Tatawa ako ng malakas at ihahanda ko ang camera ko, malay natin may mangyaring “romansahan” sa pagitan nilang dalawa? diba? Brokbakan!
  4. Who’s #10’s best friend? Hmmm… no comment… friendly siya kaya mahirap madistinguish, we’re close friends though.
  5. Have you ever eaten around #1? Maraming beses na pero with friends.
  6. Do you miss #2? Sawang sawa na ako sa pagmumukha niyang hinayupak na master ng kagwapuhan na yan! Lord bakit ganun? palaging siya ang sentro ng atensyon??? hahaha!
  7. Who is #11 dating? Siyempre wala, 4 years old pa lang ang pamangkin ko eh dating na agad! aba…
  8. What do you think of #3? Palaging late. hahaha! Alam kong binabasa mo ang blog ko meyn. Sorry haha!
  9. What do you think of #9? Hmm… :) still in love with her. Very Humble and Simple.
  10. Who does #2 like? Si Raquel pa rin siyempre! Bwahahaha!
  11. Would you marry #8? Nope, kasi girlfriend siya ng close friend kong si Duduy.

Now I’m tagging those people in my newbies corner. Paul, Pure, Peach, Marc

And also ifoundme, tapsiboy, at Bro. Utoy




Patay kang Virus ka…

3 05 2008

Ano pa nga ba ang magandang gawin pag nagkaron ng virus ang PC or laptop mo?

a. Gumanti at ipasa ang virus via e-mail sa iyong mga kaaway
b. Magpatay ng dalawang manok, isang pulang sisiw at i-alay sa anito upang mawala ang virus
c. Mag virus scan ng todo hanggang sumuko na ang virus at mamatay ng kusa
d. Mag back-up ng importanteng files gaya ng picture mo noong first communion mo, mp3’s na ninakaw sa internet, at movies na dinownload gamit ang torrent at sumuko na lang papunta sa huling option na walang iba kundi ang mag reformat ng buong HDD gamit ang Piratang Windows XP

Siempre, dahil ayoko ng “data loss” pinili ko ang letter “d” masama man ang loob ko dahil maraming programs ang kailangan i-reinstall ko at maraming tweaks akong uulitin.

Nakakainis pero kailangan…

Ok na ulit ako at ang next kong gagawin ay ang tapusin ang pending na posts ko lalo na ang tag sakin ni Iris na last week pa ata due.

Special thanks to Karen for lending me her HDD for backing-up my files and Meyn for keeping me company while I troubleshot my laptop. Boredom would kill me… Pramis.

Patay na ang virus…

Ang isang napakagandang lesson?

Hindi lahat ng libre ay mabuti… at may nabuo pa akong conspiracy theory tungkol sa virus, programs, at websites…

Itutuloy…




AWOL - Time Space Warp

1 05 2008

Sa kasamaang palad, ang laptop ng erpats ko ang ginagamit ko ngayon para gumawa ng maikling post kong ito. Ang laptop ko sa sa basement ay naghihingalo, isang file na lang siguro sa system32 folder ay bibigay na siya at sasakabilang buhay na. Kailangan kong mag-backup ng mga pictures, music, at documents.

Yan ang karma ng pag-iinstall ng crack, keygen, patch, hack at kung anu-ano pang mods para lang magamit ang isang software ng libre. Halos 11 years ko na rin ginagawa ang magpakakuripot sa mga software na nasa Desktop at Laptop ko. Pero ngayon lang ako “nakuryente” ng kasuklamsuklam na virus na sa halip na maubos kada scan eh lalong dumadami. Sa ngayon, hindi na ito nakaka connect sa wireless network, kung maka-conect man at sa local network lang at hindi sa internet. Itutuloy ko ang leksyon tungkol sa mga piratang software sa mga susunod kong posts. Ang dami ko nang pending na posts at kung empleyado lang ako eh baka nasesante na ako. May tag pa ako na hindi nagagawa na galing kay Iris, hindi ko pa natatapos ang post ko tungkol sa laiya adventure, at hindi ko maayos ang practice website ko na free ang domain at free din ang host.

Special thanks to Bluepanjeet, at Nika for helping me with some terms that I don’t understand with FTP and Hosting. Kung mahilig naman kayo sa quotes, bumisita na sa malnis at malamig sa mata na bagong site ni Nika kayo bumisita. Pramis walang chain texts dito! hahaha!

Paalam muna at malamang hindi muna ako makareply sa mga comments niyo, pero baasahin ko yan dahil sisilip ako sa blog ko from time to time. Salamat ulit sa mga nakikitsismis at sumisilip sa maliit na pahina ko! :)




Ang self-hosted WordPress - Nakakaburat

29 04 2008

Ako ay isang certified laptop/desktop hardware tech. Pero pag iniharap mo sakin ang mga self-hosted, domain, FTP at kung anu-ano pang abubot… aba’y tatawanan lang kita dahil wala akong alam sa mga ganyang bagay. Leave it to the experts ika nga.

Kagabi, pumunta dito sa bahay si Bluepanjeet. 1 longneck at isa’t kalahating lapad ang naubos namin. Pagkakataon ko na sanang matututo kung hindi lang ako nasobrahan sa inom at kwentuhan. First time kasi naming magtuos ni Bluepanjeet sa larangan ng inuman. Kasama rin namin ang kuya ko na kaibigan niya.

Kanina, dahil wala akong magawa at gusto kong palipasin ang hangover na aking kinasusuklaman, nag desisyon akong pakialam ang mga bagay na wala akong alam… ang FTP… Domain… at ang hosting… Pagtatawanan ako ng mga “PRO” kasi sasabihin nila na madali lang… pero mangmang talaga ako sa mga ganyan. Siguro kailangan ko ng 3-5 hours manual “hands-on” tutorial para makabisado ko ang mga tamang paraan sa pag setup ng aking self-hosted WordPress.

Dahil makulit ako kahit lumaki ako sa sinturon ng aking tatay. Eto ang resulta ng aking dalawang oras na pakikipagbuno sa self-hosted chenes na yan… http://mixperoment.site88.net napagana ko siya ng hindi gumagamit ng FTP, ayaw kasi maginstall ng mga leche flaningles na FTP software na gamit ko. Kailangang halungkatin ko pa ang registry ng windows para lang maayos ko yung error. Isang bagay na kaya kong gawin ngunit tamad ako para pagtiyagaan.

Unti-unti na akong natututo, pero palagay ko hindi ko pa ito matututukan ngayon. Madami pa kasi akong inaasikaso at maglalagay pa ako ng reply sa mga comments na hindi ko pa nasasagot.

Sa isang araw, ako naman ang pupunta sa bahay ni Bluepanjeet para sa seryosohang tutorial. hahaha! Tutorial muna bago inuman para maintindihan ko ng lubos.

Kung pinipindot ninyo ang link at ayaw gumana dahil hinaharang kayo ni webhost, hayaan niyo na lang at next time niyo na lang silipin. Basta ako… kakain na lang muna ako… nakakaburat…

Pasensya na rin kung medyo organized chaos ang blog ko ngayon… marami kasi akong tinetesting na ngayon eh palagay ko namang hindi nakakapagpaganda ng hitsura na blog ko. lalong gumugulo hahaha!




Ala Eh! The Laiya Adventure (Photo Gallery pt.1)

28 04 2008

Magulo ang pahina ko ngayon, wala akong ginawa ngayong mga nagdaang araw kundi paglalagyan ng kung anu-ano ang pitak ko. Masyadong busy ang mga nagdaang araw, maraming lakad at maraming happenings na kailangang puntahan. Kahapon, Umalis na si Peach pabalik ng Dubai. Malungkot man siya, nag-enjoy naman daw siya sa mga gimik at outing namin ng barkada. Paalam Peach! See you soon!

Dalawang grupo ang meron sa aming magkakaibigan, Ang “Buko-MS” (Buko-Mountaineering Society) na pang-bundok at seryosohang mountaineering at ang lost command na “TEAM 3″ na puno ng kalokohan ngunit hindi mo mapapakain ng delata. Kung paano nabuo ang team 3, hindi ko rin alam, pero hindi naman magkaaway ang dalawang grupo, nagkataon lang na 2 ang grupo para magkaron ng balanse. Mahabang paliwanag.

Sa pagkakataong ito, Team 3 ang grupo na pumunta sa Laiya Batangas. Ang grupong team 3 ay ang “pang-masa” group kung saan tipid, kakaunti ang budget, at abot-kaya ang ambagan. Isa lang ang hindi mo kayang gawin sa Team 3. Yan ay ang kumain ng delata. Bukod kasi sakin, si Meyn din ay mahilig magluto. kaya walang dahilan upang hindi kami kumain ng “fresh” na pagkain. Mas gugustuhin ko pa namang maglagay sa bag ko ng 1 kilong liempo kaysa naman sa 3 lata ng Maling. Ang point lang naman eh magtitipid ka na rin lang eh wag mo nang idamay ang pagkain. Hindi ako nakaramdam ng gutom sa Laiya. Palaging busog. Palaging may pagkain. Palaging may alak… hahaha!

Always late

Nakakabuang talaga maghintay sa mga late. Hindi ako late sapagkat dinaanan ako ng jeep sa bahay namin para na rin makuha ang olympic sized cooler na itatakas ko pa sana kay erpats. Ang tatay ko ay adik sa cooler, kung magkakaroon kami ng biglaang lakad sa 5 panig ng Pilipinas, eh hindi ka mauubusan! Meron kaming 3 blue na cooler at dalawang red. Hindi ko alam kung bakit ganun karami pero pramis… hindi ka mauubusan. Pagdating namin sa computer shop na tagpuan, wala pa ring tao kaya nag kwentuhan na lang kami at nagbolahan kahit na alas-6 y medya pa lang ng umaga. Hindi na ata mawawala sa mga lakad ang late. Pero sa pagkakataong ito, medyo nalibang ako, iba kasi ang topic namin… isang sex scandal na aking ikinagulat. Mantakin mong ang aga-aga eh scandal agad ang kwentuhan! boys will be boys…

Libangin mo ako...

Mahirap maglibang ng sarili habang naghihintay. Sa larawan sa itaas, makikita na gumagawa na ako ng kalokohan sa sobrang inip. Dahil sa aking malikhaing effort, hindi ako naiiba sa aking mga katabi. Ang usapang alas 5 ng umaga ay naging alas 7 y medya ng umaga. 2 hours late. Filipino time.

Bigas

Sa kadahilanang wala pa kaming bigas na pang-saing para sa dalawang araw naming pagliliwaliw, tumigil kami sa isang tindahan sa San Juan Batangas upang bumili ng bigas. Hindi katulad sa TV, walang mabang pila dito. Bakit? Kasi wala nang NFA rice dito. Bumili kami ng bigas na nagkakahalaga ng P33.00 per kilo. Hindi na namin sinuri ang kalidad ng bigas na aming binili. Salop-lagay sa plastic-timbangan-bayad-takbo sa jeep-sibat… dahil excited.

Sa hirap may sarap...

Sa bawat hirap, may kapalit na sarap. Kaya naman bago ka makarating sa laiya, halos 2 kilometro muna ng alikabok ang tatahakin mo bago mo maabot ang paraiso. Hindi nakakatuwa ang alikabok, dahil may allergic rhinitis ako. Sa tulong ng aking mahiwagang “green balabal” ay hindi ko nalanghap ang pinung-pino na alikabok. Para silang microscopic pero nakikita sila ng mga mata pag medyo nagkukupol sila. Ayun…

Halos walang pinagkaiba ang Laiya ngayon sa Laiya na dinatnan ko 2 years ago. Maliban sa kaunting development sa mga hotel, resort at cottage sa paligid, simple at malinis pa rin ang Laiya.

Itutuloy…




The Laiya Beach Batangas Adventure

27 04 2008

Coming up!

Tantararan!




Ang Huling Pagtatanghal sa Entablado (Genuflect Gig pt.2)

24 04 2008

Lumipas ang maraming taon at marami rin kaming nakilala at naging kaibigan dahil sa pagbabanda. Dito sa Lucena, mas maraming “rockers” kaysa “hiphop” pero payapa naman silang namumuhay at kahit kailan ay wala akong narinig na away dahil lang sa tipo ng musika na kanilang pinapakinggan. Maraming “rockers” at maraming “posers…” pero hindi yan ang isusulat ko ngayon kundi ang mga naganap sa aming huling gig.

Natapos namin ang 3 “Metal” na kanta na inihanda namin, pero dahil may humirit ng “more” at pinagbigyan din naman ako ni ex-gf na magtanghal pa, ayun, ang 3rd song namin ay ang awitin na “Kaibigan” isinulat ko ang lyrics nito at ang tono naman ng kanta ay pinagtulungan naming isulat ni Meyn Pabellano. Click niyo lang kung gusto ninyong pakinggan. Kung ayaw ninyo, ok lang, naiintindihan kong dial-up ang internet mo. Joke! Wala kaming record nung mga Metal naming komposisyon dahil kapos sa badyet ang aming banda. Kaya kung meron mang butihing puso diyan na may studio, ikagagalak namin na mag-record ng kanta ng libre sa studio niyo! :)

Dahil sa Request na i-post ko ang recording (ulit! dahil nai-post ko na ito dati) at kay emoboyblue na i-post ko ang pic ng ex-gf ko dito… sige… hala… sige… pagbibigyan ko kayo. Ngunit isang munting paalala lamang… Ang recording na inyong maririnig ay rough recording - meaning hindi maganda ang kalidad nito, pangalawa, pinutol ko ang kanta at ginawa ko lamang 2 minutes, maniwala kayung nakaka-umay ang makinig ng isang kanta sa loob ng 8 minuto! OO! walong minuto ang kantang ito kaya dahil ayokong dumugo ang mga tenga ninyo eh 2 minutes na lang.

Sige tawa lang

Sa larawan sa itaas, tumatawa ako, si Jhoram, at si Paul at mukhang wala namang pakialam si Meyn. Ayoko ko nang sabihin kung bahit kami tumatawa pero paramis, hahahaha! nakakatawa.

Isa na siguro sa routine ko bago kami magtanghal ang hindi pag-inom ng alak at ang hindi kumain. So, kung gabi ang gig namin, siguradong kumain ako ng ubod ng sarap at ubod ng dami noong tanghalian para hindi na ako kakain ng hapunan. Mahirap kasing kumanta pag busog, at hindi nakakatuwang magperform pag lasing. May mga taong kailangan maging lasing muna para, maka-awit, gitara, drums at kung anu-ano pa… pero mahirap maging tanga lalo na pag gumagawa ng mga bagay na kakaiba sa entablado.

Kaya naman hindi mo ako masisisi kung kumain ako ng 3 jumbo siopao at taho pagkatapos namin tumugtog, asahan mong tubig lang or C2 ang laman ng aking kumakalam na sikmura upang makapagtanghal lang ng maayos. Mahirap kasi talagang mapahiya lalo na kung live ang ginagawa… memorable hindi lang sayo… kundi pati sa mga nanunuod… hahaha! nakakahiya yun!

Pagkatapos ng last song namin, ang banda ng ex-gf ko naman ang nagperform. Kung ano ang history namin ng babaeng ito, ay hindi ko na siguro isusulat. Ayokong haluan ng lovelife ang blog ko, at bukod diyan ay may asawa at anak na siya.

Eto siya…

Ex Girlfriendster

Sa larawan sa itaas, makikita ninyong kumakanta rin siya… Ang punchline ko nga sa kanya dati eh “come with me and we’ll make beautiful music together…” Ang beautiful music, tumagal din ng 3+ years. Pagakatapos noon ay… teka… hindi na ako magkekwento. Hahaha! Obvious naman na pareho kaming mahilig sa rock, pero maliban diyan wala na akong sasabihin. Digital camera nga pala ang ginamit sa pagkuha ng mga larawan sa mga post ko, pero dahil mausok ang lugar at akala mo’y kasama mo ang lola mo na nagsisilab ng dahon sa bakuran, eh ayan… malabo at mukhang low quality images ang lumabas. Walang exhaust + mga chain smoker na nagsamasama sa iisang kwarto + usok ng sisig at iba pang sizzling na pagkain = Usok na makapal! Kung lalagyan mo nga naman ng exhaust yung bar at lalagyan mo ng tubo patungo sa labas ng bar, eh baka akalain ng mga tao na may “newly elected pope!” dahil sa white smoke na lumalabas sa chimineya. Yan ang ex-gf ko. Labo.

Walang magseselos kasi wala talagang magseselos

Kitang kita sa larawan sa itaas na tinutubuan na ako ng sungay. Pero yan ay ang pimple na bunga ng aking pagpupuyat. Ang body-clock ko ay hindi ko na nabago simula noong magtrabaho ako sa callcenter. Ang alas 8 ng umaga ay hating-gabi para sa akin. Sa larawan sa itaas, kasama ko ang mga kababaihan sa kabilang lamesa. Sumitsit kasi yung isa at lumapit naman ako, ibinulong niya sakin ang mga katagang… “Ang tikas tikas mo papa… pwede bang akin ka na lang?” At siempre naman imahinasyon ko lang ang mga yan. hahaha! Mga kaibigan ko sila dahil kaibigan din sila ni peach. May tsismis din na yung lalaki na nasa background namin na may scarf ay isang bading. Punyemas… muntik pa namang magkiskisan ang katawan namin noong patungo akong CR… sinasadya pala! Grr! Hindi ako galit sa bakla, pero ang ayoko sa bakla ay yung walang respeto. At yung mga bakla na mas mukha pang lalaki kaysa sakin. Nakakainsulto! ahaha! ang macho!

Berks

Sa larawan sa itaas, yan ang kabilang table kung saan andiyan din ang iba ko pang kaibigan. Hindi ko na sila isusulat. At wala naman akong dapat isulat tungkol sa kanila… hehehe! pag-usapan natin ang ex-gf ko… hahaha! wag na lang… hahaha!

At dahil nakasusulasok at talagang amoy ashtray na ako, nalaos ang pamango kong acqua di gio. Nagdesisyon na akong umalis matapos panuorin ang huling banda na tumugtog. Kumakalam na ang sikmura ko, ang huling pagkain na lumapat sa mga labi ko ay ang aking kinain na dinuguan noong tanghali. Alas 2 na ng kami’y umalis, nagyaya akong kumain sa tapsilogan upang maibsan naman ang pangangailangan ng aking tiyan. Pero dahil diet at diet at walang katapusan na diet, isang rice lang ang kasama sa order kong lechon kawali at isang litrong C2.

Menu

Sa larawan sa itaas, makikitang namimili ako ng panawid gutom ko. Halos pare-pareho lang naman ang nasa menu, pero matiyaga ko pa ring sinuri kung ano ang aking kakainin…

Kainan na

Ang kinain ko na lechon-kawali, hindi man lang umabot sa lalamunan ko, nakaka-disappoint yung serving nung pagkain, dati kasi noong bagong bukas pa lang ang tapsilogang ito eh madami yung serving nila at napakabilis ng serbisyo. Pero humataw pa rin naman ako sa pagkain, siguro kahit swelas ng sapatos kakainin ko na sa sobrang gutom.

Hee hee!

Si peach, ako at ang walang kamatayang “plastic” na ngiti ni Meyn. Hahaha!

Pagkatapos kumain, deretso kami sa tambayang computer shop. Kung may kaibigan ka na gusto mong makita, pumunta ka lang sa shop at makikita mo siya doon. Parang eye-to-eye ni inday badiday, hanapan ng mga nawawalang tao. Habang naglalaro na ang iba ng “Special Force” Ako, si Ice at si peach naman ay naiwan sa labas upang magkwentuhan tungkol sa mga bagay-bagay… natapos ang kwentuhan namin ng alas-5 na ng umaga. Wala naman kaming ibang pinagtalunan maliban sa isang bagay…

Na pogi points pala sa isang lalaki ang meron nang sexperience…

WAKAS




Sino Ang Tunay Na Baliw?

23 04 2008

Note: Awitin ang sumusunod na salita sa tono ng “May pulis sa ilalim ng tulay”

May butas, ang laki, ng butas, sa ilalim ng dagat…
May butas, ang manok, ng tiyan, sa bigas, sa ilalim ng dagat…
May butas, may pari, may butas, may butas…
May butas ang talong na hilaw sa ilalim ng dagat…

…Magulo…

Ngunit totoo…

Yan ang awitin ng isang baliw na nakatira sa kanto ng street namin. Isang matandang babae na nasa early 50’s. Maraming istorya kung bakit siya nabaliw. Ang sabi ng aking mahal na ina, nakasama pa daw niya noong college ang babaeng iyon sa kursong nursing. Maganda daw at matalino ang babaeng iyon, ngunit sa isang iglap lang, nawala ito sa katinuan. Nagtungo daw ito sa isang liblib na lugar upang maging intern, pagbalik ay tulala na at wala na sa sarili.

Kagabi pag-uwi ko ng bahay, nagyosi muna ako ng isang piraso sa kanto. Andun siya at nakaupo sa lupa. Hindi na ako nagtangkang tulungan siya sapagkat may history siya ng pananakit sa mga taong hindi naman niya kilala. Habang nakaupo ako sa gutter (kanal na may mala-batis na tubig na dumadaloy) pinagmasdan ko siya. Wala akong magawa. Nakakalungkot lang na may mga taong hindi mapaghiwalay ang totoong buhay sa hindi totoong bagay. Napaisip ako… Ano nga kaya ang tumatakbo sa isip ng isang baliw? Naging Psychology student ako noong college bago ako nagshift sa kursong turismo. Hindi ko na naabutan ang pagaaral tungkol sa mga mental patients.

Habang nag-iinit ang puwit ko sa pagkakaupo, tinitigan niya ako… isang malamig na titig na para bang may nais siyang sabihin sa akin, na parang may taong nakakulong sa katawan ng isang may problema sa pag-iisip na gustong sumigaw… Sabay inawit niya ang kantang “may pulis, may pulis sa ilalim ng tulay…” na gamit ang kakaibang lyrics. Kahapon ang post ko ay tungkol sa pagkakamali ko lyrics tuwing kumakanta ako sa banda namin. Parang coincidence na yan ang narinig kong kanta. Mali ang lyrics. Kathang isip ng isang taong walang totoong “reality”, walang kamuang-muang.

Sa may di kalayuan, may mga batang sa tingin ko ay highschool na… tinatawanan nila ang kawawang ale na nakaupo sa lupa at kumakanta gamit ang lyrics na siya lang ang nakakaunawa. Paano nga ba nagkaron ng talong na hilaw sa ilalim ng dagat? siya lang ang nakakaalam, sapagkat sa mundo ng isang baliw, walang imposible.

Sino ba ang tunay na baliw?

Sila ba na walang mundong alam kundi ang sarili nilang reyalidad na tanging sila lang ang may alam at sila lang ang kumokontrol? O tayong mga nasa tamang pag-iisip na gumagawa ng mali at lumalapastangan sa isat-isa? Magulo, ngunit sa mundo ng isang baliw, ang reyalidad ay kaya niyang baluktutin.

Ang mga titig niya sa akin ay nakakatakot… Nanindig ang aking mga balahibo at napahithit ako ng yosi sa kaba… Ngunit habang naglalakad ako pauwi ng bahay, naintindihan ko na ang ibig sabihin ng kanyang titig… isang reyalidad na sakin ay tumama… Isa lang ang kailangan ng mga taong may problema sa pag-iisip… Iyan ay ang kalinga at ang ating pagunawa.

Kakauwi ko lang galing sa Maynila, naisip ko kasing magrelax-relax… as if relaxing naman ang ambyans sa Maynila. Hehe. Nakakapagod ang biyahe… tsk… tsk…

At sa wakas… nagsimula na ang kaibigan kong si Pure (pu-re) na magsulat sa kanyang blog. Matagal ko nang kaibigan si Pure, at tulad ko ay hitik na hitik din siya sa katarantaduhan. :) Click niyo lang blog niya sa Blogroll ko. :)




Ang Huling Pagtatanghal sa Entablado (Genuflect Gig pt. 1)

22 04 2008

Ang Aking Banda… Ang GENUFLECT

Ang buhay isang musikero, magulo, masalimuot, masaya, nakakapagod at nakakarimarim. Walang pera sa pagbabanda, ito ay isang libangan na nagsimula lang noong naging sesyonista ako sa ibang banda noong Highschool. Nagkaroon ako ng Banda noong 2003, sarili kong banda… hindi ako sesyonista.

Marami nang pinagdaaanan ang banda namin, nagoyo na kami at tinakbuhan sa bayaran, na-late sa ibang performance, hindi naka-attend sa mga commitments at tumugtog kahit na disabled ako.

Ang pagbabanda sa akin ay isang libangan, hindi ako kikita dito, tama na ang isang libreng bote ng redhorse sa isang performance. Sapat ng kabayaran ang palakpakan sa bawat kantang matapos namin.

Noong last week lang, huling akyat ko na sa entablado kasama ang aking bandang Genuflect. Sa pansamantalang panahon, iiwan ko muna ang industriyang akin nang minahal. Alam kong dadating din kami sa oras na magkakahiwahiwalay kami at tatahakin ang ibat-ibang ruta ng buhay. Nagkataon lang na ako ang kailangang umalis. Ibinilis ko na kay Meyn (Guitars) at kay Paul (Drums) na humanap na muna ng ibang bokalista habang wala ako, at kung gagawa sila ng desisyon na malaki ng wala ako ay ituloy lang nila. Ayokong maging hadlang sa kaligayahan nila, tulad ko, mahal nila ang mundo ng musika.

Masaya naman ang huling gig namin, madaming kaibigan ang pumunta at marami ring tao ang nanuod. Disappointed lang ako dahil tinawag na “METAL NIGHT” ang gabing iyon dahil mga metal na banda lang ang tutugtog ngunit marami pa ring “EMO” at “ALTERNATIVE” na nakalusot. Hindi naman ako galit sa mga Genre na yan, kaya lang sana kung may tema ang isang production, sana naman matupad, kasi pinaghandaan namin ang pagtatanghal na iyon at ng ibang bandang metal. Sana naging propesyonal naman sila.

Less Talkie, More Photography… eto na ang mga larawan na kinunan sa gig namin, ipagpaumanhin ninyo ngunit hindi lahat ay ipo-post ko sa kadahilanang talagang nakakaumay tumingin sa larawan na halos lahat ay kasali ako… bakit kamo? kasi blog ko to… ngorks! hahahaha!

Sa larawan sa itaas, makikitang nakapikit ako pagkanta ko… Ngayon lang ako nagperform ng walang suot na shades, halos lahat ng gig namin, kahit madaling araw na ay may shades akong suot. Ayoko ko kasi ng makikita akong nakapikit sa mga pictures. Pero sa pagkakataong ito, wala akong shades, kung bakit? wag niyo na lang alamin sapagkat isang mahabang istorya. Noong hapon, bago kami magperform, pinapili ako ni Meyn ng Shades na gusto kong isuot, pinapahiram niya ako sapagkat alam niyang hindi ako kumakanta ng walang suot na ganito. Sa gulat niya, tumanggi ako… :) Huling pagtatanghal na… hindi ko na kailangan ng shades upang maitago ang aking mga mata…

Kahit hindi ako kumakanta, nakapikit pa rin ako, iminumulat ko lang ang aking mga mata pag medyo nakakatulog na ako sa entablado. HEHE!. Dati na akong walang hiya, noong HS pa lang eh marami na akong kalokohan at katarantaguhang ginagawa sa harap ng klase lalo na pag wala ang mga guro. Pero noong panahon na nagbabanda kami, nagkaron ako ng stage-fright, isang pobya na medyo nahirapan akong malampasan. Pero ngayon ok na ako, hindi naman ako takot sa mga tao, takot lang ako na magkamali ako lalo na sa lyrics. Naalala ko yung gig namin na kasama namin yung Aegis, kumanta ako ng “Your love” ng Alamid. Ang lyrics ko ay “Your love is like the sun, that lights up my whole world, shenanganan insahiyayd. Your love is like a river la la la la la la, shenshenenen insahiyayd…” Hahaha! Maraming nakapuna sa pagkakamali ko, lalo na yung mga kaibigan namin. Nakakatawa yung experience kasi hindi na kami nagcocover ng mga kanta, bihira na. Kaya nahirapan akong magmemorize ng kanta, ayun… kailangan kong magtumbling sa stage para makalimutan nila ang pagkakamali ko… yung tipong sasabihin ng nanunuod ay… “Nagkamali siya sa pagkanta nakaka… OY tingnan niyo! nagtumbling! ang galing!!! whooo!!!! astig!… ano nga ba yung sinasabi ko sayo?” Kailangan mong magtumbling para makalimot ang mga nanonood… or kung nagkamali ka… kailangan galingan mo yung sa kasunod na kanta at wag mag-iimbento ng lyrics na shenenen dahil walang ganyang lyrics… Yan ang natutunan ko…

Tapos na sana ang performance namin sa loob ng 3 kanta, ngunit dahil huling el bimbo na namin to, hindi na namin pinalampas at pinatulan na namin ang mga sumisigaw ng “more” hindi kami nageextend ng performance, ito ay bilang respeto na rin sa ibang kapwa namin musikero na kasunod namin sa lineup. Pero dahil ang EX-GF ko ang next na tutugtog, pinagbigyan na kami, mahal pa nga siguro niya ako… Hahaha!

Sa susunod makikita niyo pa ang ibang larawan… kung maraming magrerequest, ilalagay ko rin picture ng EX ko…. hahahaha!

Itutuloy…




Walang Ending Ang Pending

21 04 2008

Buong araw akong tulog ngayong Lunes, 7:30 na ako nagising dahil sa kagat ng langgam. Kinagat at talagang nagpakasarap ang mga langgam sa aking katawan, hindi dahil sweet ako kundi (dahil wala naman akong tao na dapat suyuin dito sa pilipinas) kundi dahil sinisimot siguro nila ang mga nahulog na chips sa aking kama.

Gumising lang ako kanina upang kumain at makita ang aking mga magulang. Sa maniwala kayo o sa hindi, halos buong araw talaga ako nakakulong dito sa basement. Umaakyat lang ako sa taas pag may kailangan ako. Nawala na rin ang hilig ko sa TV. May sarili na rin akong banyo dito sa basement kaya kahit sa pag-ihi, hindi ko sila nakikita, at walang dahilan para makita nila akong umiihi.

Ang dami kong pending na posts sa drafts ko, Yung tungkol sa “Last” Gig namin, Yung Laiya adventure ko, Yung tungkol sa totoong holdapan, etc. Bakit hindi ko sila mai-post? dahil hindi ko pa sila binabasa ng buo para maitama ang typo, grammar (mas sanay kasi ako sa english at hindi sa tagalog, NAKS!) laki ng larawan at dahil sa bagong online game na nilalaro ko.

Hangganga ngayon, pinapagpag ko pa ang sarili ko at mamaya ay magpapalit ako ng kobre kama ko. Gusto kong may katabi ako pagtulog, pero ayoko naman ng isang baranggay na langgam. Ngayon lang ulit ako nilanggam sa kama sa loob ng matagal na panahon. Naalala ko dati noong nagtatrabaho pa ako sa isang callcenter sa Pasay, nakatulog akong kumakain ng chips habang nakikinig sa radyo. Nakapatong ang chips sa aking dibdib ng dapuan ako ng antok. Naalimpungatan ako ng dumating ang maingay kong boardmate, pagkagising ko, naalala kong hindi pa ubos ang chips ko kaya ayun… deretso kain, parang nagpahinga lang ng konti sa pag nguya. MULTITASKING… Yan ang magandang itinuro sakin sa callcenter. Ang hindi ko na lang siguro kayang gawin at ang kumain habang naliligo!

Mamayang madaling araw (dahil plano ko magpuyat) aayusin ko na ang mga pending posts ko, nakakainis kasi na minsan nasimulan ko tapos hindi ko naman tinatapos. Ipagpaumanhin ninyo na baka maraming typo at error ang post kong ito, ayoko kasing idagdag pa sa drafts ang maikling post na ito… baka maging pending din. haha!

Masama ang lasa ng langgam… hindi mo maipaliwanag ngunit nakakasuklam. Hindi ako gumanti ng kagat sa langgam, pero dahil patay pa ang ilaw at liwanag ng screen ng laptop lang ang gamit ko, ininom ko ang coke na nakapatong sa aking workstation (na gawa sa kahon). Ang sama ng lasa! Anak ng tupa! Ang daming langgam! Ang Dami! HUWAAAA!!!




Mabilis lang to pramis…

21 04 2008

Kakauwi ko lang galing sa laiya… sumilip lang ako… :)

nais ko nga palang hingin ang YM id ng mga taong umaaligid sa blog ko… add ninyo lang ang mix11013 na username ko. Grabe… Basag ako… inuman, fatty foods, init ng araw… haaay… todohan ang naging Laiya experience ko.

Matutulog na muna ako… haaaay…

ZZZZ




Ano na? Pahinga?

19 04 2008

Nasulat ko noong isang araw na kailangan ko ng konting panahon para magpahinga. Salamat sa tulong ni “THE SECRET” ayun… matutupad na ata bukas. Papunta akong Laiya Batangas upang makapag liwaliw kasama ang mga dolphin at si spongebob. Beach lover talaga ako, kahit na halos lahat ng aking mga kabarkada ay mountaineers.

Alas-2 na ng madaling araw ngayon, at sa kasamaang palad, bumuhos ang napakalakas na ulan na para bang mauulit nanaman ang pagbaha noong panahon ni Noah. Kung kelan naman halos plantsado na ang lakad, saka pa nagka-hetot-hetot ang outing. Sa lakas ng ulan nito, basa na agad ako bago makarating ng beach, 2 hours ang Laiya Batangas mula dito samin sa Lucena city. Hindi ko rin naman first time makapunta doon dahil nakapunta na ako doon 2 years ago, may mga larawan pa nga ako ng mala-adonis kong katawan na nakasave sa desktop PC ko na sa sobrang busy pagtulog ay hindi ko pa naaayos.

HUHUHU!

Gusto kong magrelax sa ilalim ng haring araw ngunit palagay ko ay mahihiya siyang magpakita bukas. Hindi ko alam kung matutuloy pa ang lakad, pero kung sakaling hindi, pupunta na lang ako sa Hotsprings sa Mauban Quezon kahit solo ako. Masarap magswimming doon kahit umuulan sapagkat naglalaban ang init at lamig sa iyong katawan. May isang lugar din doon na puwede kang maglabon ng itlog. Sa kagandahang palad, hindi pa naman nalalabon ang itlog ko kahit kailan sa lugar na ito. Ngorks!

Hindi ako nakapagblog hop ngayon kaya wala akong masyadong balita sa inyong mga kasama ko sa blog community. Babawi ako sa inyo pagbalik ko. Pramis!




Naholdap ako…

17 04 2008

Sa huli kong post, hinamon ko kayo na pumusta na hindi ako mag-oonline at titiisin ko na wag mag-online. Kung pumusta kayo, talo sana kayo, dahil eto ako… isang araw lang nagpahinga at ngayon ay bumalik na.

Hindi ko kinaya ang init sa kamaynilaan, ang kwarto ko sa boardinghouse parang isang malaking pugon (oven). Sa halip na bukas pa ako ng gabi umuwi, faster than a speeding bullet ako nagpasya na lumuwas na pabalik ng probinsiya. Kahapon kasi, natapos ko na ang lakad ko sa NSO kahit na ika-2600th ako! Yung NBI clearance pang abroad ko naman ay parang hangin lang na dumaan, wala pa akong 30 minutes sa pag-aasikaso.

Sa maniwala kayo o hindi, ngayon lang ako kumain pagdating ko sa Lucena. Kahapon, isang maliit na balot ng hopia galing kay aling goldilocks at 2 litro ng c2 lang ang laman ng aking kaha. Hindi naman ako nanghina pero kasumpa-sumpa talaga ang init sa maynila, hindi ko inaasahan na mala-impyerno pala ang lugar na dadatnan ko.

Pagdating ko kanina lang, akala ko walang tao dito sa bahay, wala kasi ang sasakyan namin. Wala pa naman akong susi sa bagong padlock namin dahil ang luma naming padlock eh nadekwat ng magbobote. Nakakatawa mang isipin pero ang padlock na proteksyon sana ng aming pamilya laban sa mga magnanakaw ang siya pang ninakaw ng tinamaan ng kulog na yun. Ang bago naman naming padlock, dalawa lang ang susi, ewan ko kung saang lupalop binili ng tatay ko yun pero hindi ka makakapagpagawa ng duplicate dahil ang susi nito ay walang katulad.

Mabuti na lang at magulang ko lang pala ang wala at sina ate ay kumakain ng hapunan. Ang magulang ko ay nagpaparty, masaya ako pag lumalabas sila. Hindi yan dahil malaya na akong makakapaglakad ng hubo sa loob ng bahay dahil malaya na ako at magagawa ko na ang gusto ko, kundi dahil gusto ko silang nakikitang nag-gu-goodtime. Alam ko kasing madalas pagod din sila at maraming iniisip.

Natuwa naman ako at binayo ng comments ang blog ko, hindi ako comment freak pero natutuwa ako pag may nagrereact kasi nalalaman ko kung sino ang bumasa ng “kung ano” sa blog ko.

Nais ko rin i-welcome sa mundo ng blogosphere si Sushi. Kaibigan din siya ni kuya at ni Bluepanjeet. Kung nabasa ninyo ang 200th post ni bluep, andun siya sa picture doon. Hanapin niyo na lang para may kaunting suspense at misteryo.

Holdap to!!!

Hindi ako naholdap. Picture lang yan noong minsan na lasing kami at napagtripan namin ang bagong ATM ng BDO. Wala lang, lumabas nanaman ang katarantaduhan ko. Ang kasama ko diyan sa picture ay si pol. Si pol ang author ng MY NAME IS PAUL. Siya rin ang drummer/panghatak/chickboy/mr. sex appeal ng aming banda.

Sa ngayon, ay hanggang dito na lang muna ulit, may hahabulin kasi akong inuman kaya eto, nagpalit lang ako ng T-shirt at lalarga na ulit ako. Hindi naman ako masyadong umiinom, gusto ko lang makasama ang mga kaibigan ko. At dahil pare-pareho kaming kuwago, malamang hanggang madaling araw nanaman ang kwentuhan namin.

Bukas ulit! Salamat sa pagbisita at pagbabasa! MWAH! hahahahahaha!




Chemo ulit…

16 04 2008

Wednesday nanaman bukas, luluwas nanaman ako ng Manila dahil sasamahan ko ang ate ko at ang pamangkin ko para sa kanyang chemo.

Kasabay nito, papunta rin ako sa NSO sa Kamuning. Kukunin ko ang SECPA ng correction sa aking pangalan. Sa thursday naman, papunta ako sa NBI sa Quiapo upang burahin ang aking mga records kumuha ng NBI clearance na pang-abroad. Sa Friday, Mag-aayos ng mga gamit ko sa boarding house ko sa Manila dahil lilisanin ko na ang lugar kung saan halos 8 taon akong namalagi.

Magiging busy ako sa mga susunod na araw. Gagawan ko ng paraan upang makasagap ako ng wireless sa mall para mabisita ko ang blog at e-mails ko. Malamang hindi rin naman ako makakapagsulat pero siguro ok lang. Nagiging “MAINIT” na kasi ang bloglife ko.

I need time to breathe… pero pustahan tayo malabo yan… ako pa! Parang hindi na ako mabuhay ng walang internet, para akong walang brief, para akong adik.

Mabalik tayo sa pamangkin kong si nicole… May buhok na ulit siya! Eto ang pruweba…

Nicole and ate Joy

This photo was taken last March 25. May buhok na ulit si nicole and she’s lovin’ it! Si ate ko ang kasama niya sa picture.

Mahirap ang magkaron ng kamag-anak na may sakit, lalo na kung bata. Sa murang edad ni nicole na 4 na taong gulang, mas maraming turok, blood test, confinement, swero, at kung ano-ano pang masasakit na bagay ang kanyang naranasan kaysa sa akin. Isa siyang munting anghel na mandirigma. :) Salamat sa diyos at ayos na siya ngayon. 24 Months na lang ng chemo at magiging maayos na siya. :)

Para sa lahat ng nagdasal para kay Nicole. Maraming salamat. :)

Isama niyo na rin si Lex sa inyong mga dasal. Isa rin siyang Leukemia survivor na nakilala ko dito sa wordpress, hanggang ngayon lumalaban siya sa sakit at matapang niyang hinaharap ang mga pagsubok. Pagaling ka Lex! andito lang kami pag kailangan mo kami!

Busy na ako simula bukas… maswerte nang mabuksan ko ang blog ko. Pero sa inyong masugid na nagbabasa ng blog ko, maraming salamat! Yung mga nagbabasa ngunit hindi nagpapakilala, mag-iwan sana kayo sa “LEAVE A MESSAGE” button ko sa itaas para naman mabisita ko ang blog or kahit friendster ninyo. :)

Hanggang dito na lang muna mga kasama!




Kalayaang magsulat pt.2

15 04 2008

Kailan pa naging kasalanan ang mag-iwan ng isang comment sa blog?

Gaya sa post ko titled “kalayaang magsulat” naniniwala ako sa freedom of speech, pagpapahayag ng saloobin, paglalabas ng hinaing at pagsasabi ng pananaw.

Walang bawal sa blogosphere… Kung may violent comment akong natatanggap (na wala pa naman hanggang ngayon kundi sa isang reply mula sa isang blog) i-aaprove ko ng walang pagdadalawang isip. Bakit ko bubusalan ang bunganga ng gustong magsalita? bakit ko pipigilan ang matalas mong dila? bakit ako hindi papayag gayong ang nais ko nga ay ang kalayaang magpahayag? PRACTICE WHAT YOU PREACH! yan ang isang bagay na ginagawa ko dahil pangalan ko at pagkatao ang nakasalalay dito.

Kanina lang, nagbabasa ako sa blog ni Sinaglaya, Hindi ko alam na may nag-iwan ng “violent” comment sa “comment” na iniwan ko sa isa ring artikulo ni Sinaglaya. Ok lang naman sakin yun. At hindi rin naman ako galit sa kanya. Sana lang, dito siya sa aking pahina nag-iwan ng mensahe o komento, kaya nga meron akong “RING MY BELL” at “LEAVE A MESSAGE” na button diyan sa taas. Hindi ko kasi nadepensahan ang sarili ko. Mababaw pero bumubukol. Nais ko sanang padalhan siya ng mensahe, kaya lang, pangalan lang niya ang nasa komento… code name pa, wala rin namang link kung saan mapapadpad ako sa pitak niya. Saan ko naman hahagilapin ang isang taong gumagamit ng codename kung kahit ang baliw sa kanto ay umaamin na siya ang tunay na shaider at ang ka-chat kong si pretty_kiss ay isa palang lalaki.

Natuwa naman ako sa balanseng pagtingin ni Sinaglaya sa comment ko. Salamat pards! Hindi ko akalain na may mag-rereact ng ganun. Hindi ko naman sinasadyang makasagasa, ipinahayag ko lang ang mga bagay na naglalaro sa aking diwa. Salamat sa pagbalanse mo sa komento ko…

Ang buhay ko sa blogoshere ay salamin ng aking pagkatao. Wala akong tinatago dito.

Sa totoo lang, pangalan ko pa ang gamit ko sa URL ko na http://mixglorioso.wordpress.com. Wala akong tinatago. Maliban na lang siguro sa mala-bacon kong brief na hindi ko isinusuot at nakatago lang sa isang sulok ng aking closet na gagamitin ko kung sakaling hindi ako makapaglaba, magkaron ng giyera, sumugod ang mga alien o may kaibigan akong manghihiram.

Eto ako… hindi ko po pinipilit na basahin ninyo ang blog ko. What you see is what you get, information is free, use it wisely. Nagmimistulang hubad ako sa malaking mundo ng internet, kahit sa comment ko sa ibang blog “mixglorioso” ang gamit ko, hindi ko kailangan ng codename, hindi ako superhero at hindi isang online game ang blogging kung saan kailangan ko ng codename para lang makapag “trash talk” ako. Wala naman akong hinihiling kundi ang kalayaang magpahayag. PRACTICE WHAT YOU PREACH.

Ang dila ko… matalas… pero hindi ka mahihiwa kung hindi ka tatamaan. Alam yan ng mga taong malapit sakin. Alam yan ng mga taong nakapaligid sakin. Alam yan ng mga tunay na nakakakilala sakin.

Wala pa akong ina-approve na comment laban sa blog ko… ito ay sa kadahilanang wala pa akong natatanggap hanggang ngayon. Kung meron man ilalagay ko… bakit? Kalayaang magpahayag…

Nakakasawang pakinggan ano po?

Kalayaang magpahayag…
Kalayaang magpahayag…
Kalayaang magpahayag…

Nakakasawang pakinggan, pero lahat, yan ang nais maranasan.
Bottom line:

R-E-S-P-E-C-T

Respeto sa sariling pahayag…

Respeto sa pahayag ng iba…

at pangunawa sa mga taong hindi marunong rumispeto sa komento ng iba.
Hindi mo mabubusalan ang bibig ko, Hindi mo ako mapipigilan magpahayag, at hindi ako papayag na hindi maipahayag ng iba ang gusto nila.

Kitang-kita ang pangalan ko. Wala po akong itinatago maliban na lang din siguro sa mga hubad na larawan ko. Speak up… I’ll be waiting. And if you say something that may not be music to my ears, trust me I will still post it.

Why?

Because I Practice What I Preach…

Pero kung talagang makulit ka at gusto mo akong busalan sa bibig? regaluhan mo ako ng lechon. Habang kinakain ko iyon, hindi kita papansinin, hindi rin ako magsasalita, hindi rin ako makakapagpahayag. Pero pansamantala lang yan… oras na manguya ko na ang kahit pinaka-sulok na singit ng lechon, lantakan ang ma-cholesterol na utak, damhin ang lutong ng huling piraso ng balat, sipsipin sa aking mga daliri ang huling patak ng sarsa… pasensyahan tayo… magsasalita pa rin ako. :) Siguro mga 20 Minutes mo lang ako napatahimik! hahahaha!

____________________________________________________________________________

OT: Wala pa ang mga pictures ng gig. Hindi ko makuha sa santong dasalan. huhuhuhu!




Random post ng nakaraan… Time Space Warp! ngayon din!

14 04 2008

Mahirap maghalukay ng mga sinaunang post, malapit na akong mag 2 buwan dito sa wordpress sa ika-19 ng Abril. Halos araw-araw akong nagpopost, marami kasi akong oras. Sa halip na gumawa ng kasalanan, nahumaling na lang ako sa pagsusulat.

Isang bagay ang hindi ko ginagawa sa blog ko. Ito ay ang magbasa ng mga post ko, lalo na yung matatagal na. Gusto kong basahin ang mga post ko siguro pag naka-1 year na ako. Marami-rami yun pero ganun ang balak ko.

Kanina hindi ko naiwasang maghalungkat sa baul ng posts ko. At random pumili ako ng isang post ko na puwede kong ilagay muna dito upang maibalik kayo sa aking nakaraaan. Sa kasawiang palad. Isang lumang post na tungkol sa pagkain ang aking nakuha. Pero dahil dapat patas ang laban… sige… payag na ako.

Ang post na STREET FOODS ATBP. Ang random post na nakuha ko… dahil hinihintay ko pa ang pictures galing sa aming gig, at talagang bagsak ang katawan ko today, ibabalik ko muna kayo sa nakaraan kung saan isa yan sa mga unang post ko sa Blog ko dito sa wordpress… sana mabigyan kayo ng “panandaliang aliw” ng post kong yan… click niyo na lang.

At habang wala pa akong ginagawa… manunuod na lang muna ako ng HBO. Anak ng tipaklong… Cable TV… Binabayaran pero hindi ko mapakinabangan… ngayon na ang panahon para magbabad naman ako sa TV.




Batugan…

14 04 2008

Galing sa gig, alas-5 y medya ng umaga na ako nakauwi. Nakipagkwentuhan pa kasi ako kay peach at kay ice matapos ang tugtugan. Alas 3 y medya na ako ng hapon nagising. Hay Batugan…

Naging maayos naman ang gig, madaming tao at ok ang crowd… yun nga lang nakalimutan ko ang camera ko kaya hinihintay ko pa send sakin ni peach yung photos na kinunan sa gig.

wala na akong masabi… ok ang huling gig namin… isang magandang performance bago ako humiwalay sa aking mga kabanda… Ang huling pagtatanghal ko kasama sila ngayong taon…




Bilang na ang mga minuto ko…

13 04 2008

Alas 3 y medya na ng umaga, kakauwi ko lang ng bahay. Ang ensayo ng banda namin, nauwi sa inuman, matinding balitaktakan at kalokohan. Good luck na lang sa gig namin bukas. huhuhu…

Dala ko ang laptop ko sa bahay ng kaibigan kong si Meyn. Siyempre pag may laptop, may charger, pag may charger, may plug… ang espesyal at maarteng plug ng Dell ko… ayun… naiwan ko sa bahay nila. Baterya lang ang nagpapatakbo ng laptop ko, kaunting minuto na lang ang binibilang upang maubos ito at hindi ako makapag-online. Yung Desktop ko, walang wireless card, kaya hindi ako makakapag-internet doon. Yung laptop ni erpats, hands-off na ako doon. Ginagamit ko lang yun pag may ininstall si erpats na “malware” at “spyware” ayoko ng nakikialam ng gamit niya, minsan kasi ugat pa ng pagtatalo, lalo na kung hindi ko naisoli kung saan ko kinuha.

_________

Moving on…

_________

Napapansin ko na dumarami ang mga nakikilala ko sa BLOGSPOT. Wala naman akong angal dahil mababait naman sila. Nais kong ihandog ang pitak na ito para sa inyo. Maraming salamat sa inyong pagbisita.

Para sa mga idadagdag ko sa blogroll ko, pasensya ngunit baka bukas ko pa ng hapon magawa. Sa totoo lang, umiilaw na ang battery meter ko. Hudyat ito na malapit nang mamatay, magpahinga, at magrelax ang aking laptop. Kung tao lang ang laptop ko at nakakapagsalita, siguradong tuwang-tuwa ito at makakamtan na niya ang pagpapahingang matagal na niyang minimithi. Halos 24/7 kasi itong bukas. Kung hindi ako ang nasa harap ng laptop ko eh sumasalisi naman ang aking kuya na ngayon ay nahuhumaling sa isang online game na itinuro ko sa kanya.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan, ang bilis ko mag type ngayon. Hinahabol ko ang natitirang “kapangyarihan” ng aking battery.

Bukas pagkagising ko, maghahanap ako ng “outlet” na puwedeng pag saksakan ng maarteng plug ng charger ko. Hindi ko ata kaya na hindi ako mag-oonline. Nilulubos ko na kasi ang mga sandaling ito dahil pagdating ng panahon (sana malapit na) baka maging bihira na ang panahon na makapag-online ako. Kung wala akong makitang outlet, kailangang magpaka-Macgyver ako…

Ang kakaibang Tuna galing sa Gen.Santos City

Yan si macgyver, sa larawang yan sa itaas, makikita na malaki ang nahuli niyang kakaibang specie ng Tuna. Macgyver… ang bida sa 80’s series… idol! kahit na minsan imposible talaga ang ginagwa mo.

Hanggang dito na lang muna… sa tantsa ko ay 5 minuto na lang ito at susuko na, biglang mamamatay, at hindi na ako bibigyan ng pagkakataong i-save ang isinulat ko. Paalam! at Ingat!




Newbie, Noob, Baguhan…

12 04 2008

Malapit na akong mag 2 buwan sa mundo ng blogging, at unti-unti ko nang nakikita ang mga “loopholes” na meron dito.

Ano nga ba ang nasa isip ng isang baguhan? Lahat naman nagsimula sa wala, mula sa simpleng mala-diary na entry, hanggang sa tumagal ay kasali na rin sa exchange links at monetizing. Walang masama dito. Ang punto ko lang, lahat ay dumaan sa pagiging baguhan.

Hindi ako savvy pagdating sa mga usapang HTML, hosting, xampp, local:host tsuk tsaks… Maghain ka sa harap ko ng sampung laptop at desktop, kaya kong ayusin yan, bibigyan pa kita ng siopao at mani habang pinapanuod mo ako. Pero bigyan mo ako ng isang problema mula sa mga nabanggit ko sa taas, pramis magbibigti ako, ayokong makialam sa mga bagay na wala naman akong alam, mahirap magmarunong—nakamamatay. Maraming nagsabi sakin na madali lang ang self-hosted wordpress, siguro nga hindi lang ako pamilyar, pero sa mga susunod na araw magbabasa-basa ako para matuto ako. Kung mapapansin ng mga napapadalas sa site ko, ang theme ko ay hindi ko binabago. Bakit kamo?

una, ito ang una kong napili noong gumawa ako ng account.
pangalawa, malamig sa mata.
pangatlo, wala na akong panahon para mag-ayos ng panibagong theme.
pang-apat, nakakalito ang pabago-bagong theme.
panglima, sinungaling ako at hindi totoo ang unang apat na isinulat ko, tamad lang talaga akong magpalit.

Ang blogroll ko naman, araw-araw, walang mintis, binibisita ko yan, once or twice, depende sa dami ng bagong posts na babasahin ko. Minsan nag-iiwan ako ng comment, minsan “no comment” na lang. Prangka ako at matalas ang dila ko kung minsan, pero dahil nais kong baguhin ang ugali kong pagiging “insensitive” humihinga ako ng ma